Saturday, January 30, 2016

Kumporme

Alabang Starmall. May alam akong comfort room, kaya lang nasa may dulo pa. E nasa may dulo na rin ang ihi ko kaya... aha! Jolibee! May comfort room ang malalaking Jolibee! Mas malapit!
Pagdating ko ron, hindi lang ako ang naka-isip na doon makiihi. Marami pang nakapila. Sinilip ko ang panlalaki, wala pala. Unisex ang nag-iisa nilang CR na pinipilahan ng maraming nanay, mga nasa 40s at may mga sukbit na shoulder bags na mga balat; yayamanin.
Pagtingin ko sa pinto ito ang nakalagay:
Comfort Room
Strictly for Persons with Disability
Ang tanong sa isip ko'y hindi kung bakit PWD pa rin ang ginamit nila gayong DAP (differently abled persons) na ang socially acceptable. Hindi yon. Bakit nakapila ang mga nanay na 'to rito?
Iniisip ko 'to habang papunta ko sa CR sa dulong bahagi ng mall. Anong disability nila? Mukha namang nakakalakad at nakakapag-isip ng maayos. Bulag ba sila o bingi? O baka disable silang bumasa? Mahirap na disability yon.
Ano ba ang disability? Ako, disable ako sa pagtuturo sa mga bata. Hindi ako nakakapagluto ng masarap. Hindi ako maalalahaning kaibigan. Puwede pa kong maglista ng mga di ko kayang gawin. Disable na ko? Pwede na ba kong umihi ron? P'reho ba ang disable at unable? Baka naman sexual dimorphism lang ang dahilan, mas maikli anh urethra ng babae sa lalaki, kaya di na sila nakapaghanap ng ibang maihian?
Shhhhhhhh.... Habang umiihi ako iniisip ko naman na hindi kumpleto ang karanasan ng pag-ihi kapag di ko naririnig ang kalabsaw ng tubig sa pagbuhos ng ihi ko.
Yung waterless urinal may disability rin. Pakiramdam ko tuloy, di ako nakaihi.

Monday, January 18, 2016

Day 3, Kapamilya sa GMA

Day 3, Kapamilya sa GMA

4: 20 n.u. na 'ko nagising. 6 n.u. naman ang alis e. Bandang 5 n.u. nasa dyip na'ko papuntang headquarters. Mga bandang 6 n.u. nasa byahe na muli ang team papuntang GMA.

'Sing haba ng EDSA ang diskusyon namin ni Dr. Aldrin tungkol sa problema ng agrikultura sa bansa. Palitan ng kuro-kuro. Kesyo ang pagsasaka sa bansa ay para na lang sa elitista. Kesyo may epekto ang makinarya sa mga tradisyonal na manggagawa sa kabukiran. Kesyo mapanamantala ang mga biyahero at mga nagpapautang. Kesyo gan'to, kesyo ganyan. Mas marami pang alam si dok kesa sa'kin sa industriya.

Bandang Alabang, nakatulog ako pati ang team. Sa may McDo na ako nagising para sa almusal. Sakto lang ang dating namin sa pababang bahagi ng GMA. As in parang paanan ng bundok, palusong na kapag nag-iwan ka ng kotse-kotsehan, bubulosok talaga pababa.

Maaga ang mga beneficiaries dito. Maaga akong nakatapos ng interbyu at pagkuha ng pics sa lahat. Ang hihirap din nila, may mabaho pa. Iba; iba yung baho, raflesia level. Iisipin mo saan ka ba dapat mag-umpisa sa pagtuturo sa mga mahihirap? Sa kalusugan ba? Hanapbuhay? Sa hygiene? Sa ispiritwal? Ah basta! Ang mahalaga may gawin kang pagtuturo at di lang pagtulong dahil pangmatagalang solusyon sa kahirapan ang karunungan.
Mahirap din kami. Minsan nga Rated PG talaga ako. Pero ang batayan ng pagiging mahirap dito ay: may anak na may undernourishment hanggang 3rd degree, maraming anak, walang hanapbuhay, o kapos ang kinikita. Bukod sa kahirapan, meron pang tatlong problema na nagpapabigat sa mga buhay nila:

1. Extended family. Kasama pa rin ang mga apo at anak na may pamilya na sa bahay.
2. Hindi uso ang kasal. Kapag kinapanayam mo, magugulat ka na magkaiba ang apelyido nila ng kinakasama n'ya.
3. Walang forever. Iniwan ng mga unang asawa, pero di sumuko at kumasama ng iba. Ayun, lobo ang pamilya. Trivia: yung isang nanay ka-edad lang ng panganay n'ya yung kinakasama n'ya ngayon.

Kapag ganito ang nakakapanayam ko. Napapalunok na lang ako at napapatanong kung paano ba ito maisasaayos. Ang laki ng trabaho ng mga stakeholders; ng org. at ng local church partner dito. Yung isa, pagkatanong ko kung ilan ang anak, "walo pa lang sila", sabi n'ya. So, ano me balak pa 'nay? Paano ka gagawa ng empowering na write up tungkol sa mga 'to? Mahirap din pala ang tatrabahuhin ko.

Pero gaya ng sa Tarlac, meron namang mga nagsisikap mag-ayos. 'Yung makikitaan talaga ng kagustuhang matulungan ang anak at ang pamilya nila. Isa rito ay si Maria Fernanda Narito, limang taon at nasa Day Care Center, at tumimbang ng tatlong kilo sa loob ng dalawang buwan. Magana raw talaga itong kumain sabi ni Nanay Rosalie (38). Pang-anim si Mafe sa pitong magkakapatid at apat sa kanila ang nag-aaral kaya todo kayod sina Nay Rosalie at Tatay Fernando (46) sa pagluluto ng isaw kahit may sakit ito sa bato at naggagamot ng herbal-herbal. Umalis din agad sina Mafe dahil kailangan ng katuwang ni Tay Fernando sa kanilang puwesto. Ang masaklap pa nalaman ko na tatlong piso lang dito ang kalamares!

Ang naging problema ko lang sa mga napupuntahan namin, masasarap sila magluto ng ulam kaya napapabigat kain ko ng tanghalian. Inaantok tuloy ako.

Yung ibang update ay sa facebook page na lang ng Project PAG-bASA.

Day 2, Balik Pandacan

Day 2, Balik Pandacan

Bakante ako ng Miyerkules. Pahinga muna at bukas ulit.
Medyo tanghali na ko nagising, mga bandang 8 n.u. at nag-almusal ng mitlop. Bertdey nga pala ni K-anne ngayon kaya dumating si MK mula pa Bulacan.


Kinahapunan, ayan, balik ako ng Pandacan kasama sina Ayan, Jonda, mga bagong mukha sa Grace Bible Church, si Kuya Joey at Kuya Benj. Nagkamustahan pala kami muna bago lumabas. Nag-abot ng libreng babasahin. Tumawid ng Nagtahan. Lumiko sa Jesus Street. Tumulay sa Jesus Bridge na sa ilalim ay creek na puro basura at karumihan. Narating ang monumento ni Balagtas. May mga nagtitinda ng pekeng air max at iba pang sapatos na tig-ti-300 pesos. May mga nagkakabit ng kahoy-kahoy para maging entablado. Di ko alam ang kasarian ng mga kandidato. Sa likod natatakpan ang monumento ni Balagtas na nilalambungan ng mga naglalarong bata kulang yata sa muni't pino.

May kanya-kanya nang kausap sina Ayan, Kuya Benj at Kuya Joey. Kaya maghahanap na rin ako. Pero wala akong ituturo, wala akong ituturong mabuti.

   May dala nga pala akong mga aklat dahil gusto ko sanang bigyan si Courtney, ang batang isinilang sa basketbol court pero iba na ang mga bata roon. Di na sila yung dati. Baka nagsilipatan na ng lugar. Isa sa mga naglakas-loob akong lapitan ay ang magpinsang sina Gelo at Robi. May dalang iskeytboard si Gelo pero naka-upo lang ang magpinsan kaya hinunta ko sila sa buhay-buhay nila. Medyo na-weirduhan siguro sila na bigla na lang may nakipagkuwentuhan sa kanila randomly.


   Nalaman ko na Gelo Edelion pala ang tunay n'yang pangalan at katorse na siya at kasalukuyang Grade 7 sa Roxas. Taga Penafrancia, Pandacan sila ni Robi Matematiko. Nasa Grade 3 sa Bagong Brgy. Elementary School pa lang si Robi kahit onse-anyos na siya at siya lang sa limang magkakapatid ang nag-aaral. Wala raw trabaho ang pareho n'yang magulang at tinutulungan lang sila ng tatay ni Gelo na drayber para makaraos sa araw-araw. Tinanong ko kung ano bang paboritong subject nila, si Gelo ay Filipino at si Robi naman ay Math. Obyus naman yata na Matematika ang paborito n'ya.

    Kung may pangarap nga raw sila ay ang maging scientist (kay Gelo) at pulis (kay Robi). Inabutan ko sila ng tig-isang aklat: The Biography of Hudson Taylor kay Gelo at The Magic of Apo Mayor kay Robi.

   Isa pa sa mga nakilala ko ay si Nookie. Kanina pa siyang naka-upo sa may estatwa ni Balagtas at nakatingin sa makulay na sumasayaw na tubig. Nagmumuni sa saliw ng Macho Papa at iba pang novelty songs. Ang buo pala n'yang pangalan ay Nookie Andrade at nasa Grade 4 sa Zamora Josena Elementary School sa edad na dose. Palipat-lipat din daw sila ng bahay at hirap sa buhay kaya napatigil siya ng dalawang taon. Tatlo raw silang magkakapatid. Hindi n'ya raw alam kung anong trabaho ng nanay n'ya pero nasabi n'yang ang tatay n'ya ay sa meralco nagtatrbaho. Sa mga poste raw e. Galing naman kay Cookie Monster ang pangalan n'ya at pangarap n'yang maging scientist.

Nang tanungin namin siya kung anong gusto n'yang ipanalangin, "sana po ay magkaron ako ng magandang kinabukasan." Baka kaya madalas siya sa parke para makapag-isip-isip at mangamba sa bukas. Binigay ko sa kanya ang aklat na White Shoes na kuwento rin ng pagsisikap at tagumpay.

   Bumalik din kami bago gumabi at sana nakita nilang may naniniwala sa pangarap nila bukod sa kanilang mga sarili. Kapit lang sabi ng tarsier!




Enero 13, 2016
Dyord, San Miguel, Maynila

Day 1, Tulak Pa-Tarlac

 Day 1, Tulak sa Tarlac

   Muli ay nakapag-volunteer writer ako sa isang humanitarian org. Pakiramdam ko ay magkakasilbi na ulit ang pagsusulat ko. Kaya lang medyo tinatamad pa ko na magsulat at iniisip ko pa lang na kailangan kong gumising ng 4 n.u. ay napapagod na'ko. Pero nagawa kong gumising ng 3: 30 n.u., panes ka!

   Bandang alas-singko, tumulak na kami pa-Tarlac. Isa-isang dinaanan ang mga nurses, doktor, at iba pang kasama sa team. Sa Gerona, Tarlac kami papunta para sa isang medical at dental mission at para kamustahin na rin ang mga batang beneficiaries pati na ang kanilang mga magulang. Trabaho ko ang humanap ng istorya at kumuha ng photos. Kung may makikita akong mga batang nagsisikap at gustong mag-aral magbasa ay bibigyan ko rin ng aklat mula sa Project PAG-bASA.

   Tatlong oras ang estimated travel time at sobrang hilo-hilo pa ko kaya kusang pumikit ang mga mata ko. Nakaya ko nang makatulog kahit naka-upo lang! Matagal ko nang pangarap 'to e, mahalaga kasi ang iglip para makabawi ng lakas. Nagising lang ako nang baba kami para mag-almusal; tapsilog ang inorder ko at hinatian ako ni Ate Allan ng lomi n'ya.

   Pagdating namin sa isang di-kalakihang simbahan, agad na nag-set up ang team. May counseling area, consultation, dental, at huli ang pharmacy. Kumamay muna ako kay Pastor Glaymor at mga nanay doon. Nangamusta na agad ako sa mga magulang na naandoon. Inang! Di kalinisan at ampapayat ng mga bata, pati na mga magulang. Kuwento-kuwento at usap-usap sa mga magulang at bata; pati na rin sa mga kamag-anak nila na may ipapa-konsulta. Ito ang ilang mga bagay na napansin ko:

1. Ang mga nanay ay maraming anak. May 5, 6, 7, at meron pa ngang buntis pa kahit na di na magkanda ugaga sa mga biyabit na bata.

2. Wala silang mga regular na trabaho. Sila: mga nanay at tatay. Ilan lang ang nakausap ko na may trabahong palagian. Kadalasan mga ekstra sa konstraksyon at halos lahat ay nagbubukid, marami hindi kanila ang lupa at nakikitanim lang kaya may kahati sa porsyento ng ani. Yung iba, upahang taga-tanim lang, kaya kapag di planting season, wala ring trabaho.

3. Ang babata ng nagiging nanay. Yung isang magpapa-check up ng nagtataeng bata ay 16 taong gulang lang. Yung isa 19 pero dalawa na ang anak. Yung isa 22 pero dalawa na ang anak at buntis pa. Yung isa, kinse anyos lang me anak na.

4. Yung average na age gap ng mga misis sa mister nila ay 10 taon. Sabi ni Ate Koring, naging pagtakas nila ang pag-aasawa sa kahirapan, not knowing na wala talaga silang natakasan bagkos lalo lang naging mahirap.

5. Marami ang no read- no write kaya kahit yung simpleng mga fifill-up-an na nasa Filipino naman ay di nila masagutan ng maayos. Siyempre, wala rin ang marami sa kanila ng abilidad para mag-isip ng ikabubuhay kaya medyo nahihirapan ang org na pondohan sila sa livelihood.

   Habang nag-memedical at dental mission, napansin ko rin ang maraming kakulangan ng mga magulang sa pagtuturo sa mga anak tungkol sa kalusugan. O kakulangan ng kaalaman ng magulang sa pangkalusugang usapin. Pagsesepilyo, paggupit ng kuko, at pagligo araw-araw. Bukod sa feeding program, nagsasagawa rin ng parenting seminar sa mga magulang. Yung isang nanay sabi n'ya, nalaman daw n'ya na dapat pala pinapaliwanag ang kasalanan ng bata bago paluin sa pwet. Hindi rin daw pala dapat sobra makapalo at nasabi n'ya nga raw to sa asawa n'ya.

   Narinig ko ring napagalitan ang isang nanay noong dentista dahil ginagawang panakot sa mga bata ang mga doktor, kesyo tuturukan kagad sila; kaya yun hirapan si doktora tsek-apin ang mga ngipin ng mga bata dahil nag-iiyakan na agad. Yung isa pang nanay ay umaming anak ang nasusunod kapag gusto nitong kumain ng sitserya. Tsk. Tsk. Tsk.

   Isa pa sa malaking problema ay di sila ganun ka cooperative. Nakatoka kasi sila at least isang beses sa isang linggo para magluto sa feeding program para sa kanilang mga anak na nangyayari Lun-Biy; hindi lahat sila ay gumagampan. Napansin nga namin na yung iba ay halos alas-dose na ng tanghali nakadating gayong dapat ay mauna pa nga sila sa team. Yung iba nagmamadali pang umuwi. Uminit tuloy ang ulo ng mga coordinator ng team nang magrebyu sila sa nangyayari roon.

   Ang nangyayari kasi pamilya nina Pastor ang nabibigatan. Dahil di makagampan sa pagluluto ang mga nanay, gigising sina Pastor ng madaling araw para maglaba at mamalengke ng lulutuin pati nga mga miyembro nilang nakikitulong ay nagsasara pa ng tindahan para sa feeding. Sinusundo pa sila ng trike ni Pastor kapag may seminar, hinahatid din pagkatapos. Tiyagaan lang talaga, kahit wala naman silang suweldo rito. Sa pagrerebyu nga na ginawa ng team, kitang kita na ipinagtatanggol ni Pastor ang mga nanay at siya pa ang nagdadahilan para sa mga 'to. Kaya lang, parang na-spoil.

   Kanya-kanyang dahilan ang mga nanay kung bakit di sila makagampan. Yung isa naglalaba raw, nasabi tuloy ni Ate Nel, coordinator sa livelihood, na ipunin ang labahin at pagbalik ng team ay ipaglalaba siya ni Ate Nel, para lang makapaglaan siya ng oras. Kasi nga naman daw sabi ni Ate Koring, paano nila matuturuan ang mga anak nila ng responsibilidad kung wala sila nito. Hindi tayo makakapagturo ng wala sa atin. Sa huli nagkasundo rin ang lahat na magtutulungan para sa ikagaganda ng proyekto.

   Meron din namang nakitaan ng magandang resulta; si Mark na tumimbang ng dagdag na limang kilo. Yung tatay n'ya konstraksyon sa umaga at tanod sa gabi. Lahat silang tatlong magkakapatid ay nag-aaral. Binigyan ko siya ng aklat pati kuya niya para maturuan pa siyang magbasa dahil palagi raw itong may istar sa daycare. Halos yung nanay n'ya lang ang matiyagang tumutulong sa feeding. Tutok rin ito sa pagpapalaki sa mga anak.

   Isa man lang sa labing-isang bata, kahit isa lang ang may magandang pagbabago, pagbabago pa rin yung masasabi.

DS. Haha?

DS. Haha?


Kanina sa Sunday School, nag-aaral kami. School nga di ba? Tapos, may nabanggit yung nagtuturo sa'min. LDS na grupo. Tanggalin n'yo yung L, sabi niya. DS. At ang klase ay nagsi-haha. 'Yung isa, "Down's Syndrome" sabi n'ya ng mabilis na parang honor student sa graded recitation. Mabilis lang 'to, wala pang limang segundo.


Sa Enero 18, bukas, mag-uumpisa ang National Autism Week, kapanabay ng dalawang linggong National Bible Week; ang tema ay 'Autism-Ok Philippines'.





Enero 17, 2016
Dyord

Monday, January 11, 2016

Nabasa ko 'yung 'God's Favorite Color'

   Sinulat ito ni Lola Grace Chong at pinablish ng OMF Lit - Hiyas. Ang simple nung aklat e, sa pinaka obyus na pagtingin: nagtuturo ito sa mga batang 2-4 na taong gulang tungkol sa iba't ibang kulay sa paligid at kung paano ba kumilala ng kulay.

Ang simple lang nung drowing sa loob, parang krayola lang na kinulayan ang mga guhit na nakapatong sa karton. Meron kasing nababakas na magaspang na texture sa pagkukulay. Mahusay si Ate Ggie Bernabe na gumuhit at nagkulay sa aklat.

Ang tanong na kailanman ay hindi ko natanong sa sarili ko kahit noong bata pa ako; anong paboritong kulay ng Diyos. Ano nga kaya? Luntian ba dahil binabalot nito ang kalawakan at kagandahan ng gubat? O baka bughaw dahil sa ginawa Niyang ubod ng lawak na langit at dagat? Natawa nga ako sa pink na kasama sa choices. Bakit hindi?, wala namang sinabing "and blue was made for men and pink for women," sa Bibliya. Naalala kong wala namang gender ang Diyos. Sa tingin mo ano nga kaya ang paborito N'yang kulay? Ang alam ko lang kasi lahat ng nilikha Niya ay mabuti't maganda sa Kanyang paningin.

Marami ngang bagay na maganda na mula sa Diyos na wala naman talagang kulay. Ano-anong kulay ba sa color wheel ang meron sa makulay na buhay?


Kasama sa serye ng God's Favorite ang God' Favorite Faces at God's Favorite Shapes. Magandang ibigay para sa early education ng mga bata. Kasama ang serye ng God's Favorite mula sa OMFLit sa ipapamahagi ng Project PAG-bASA.

Grabe Siya!!!

Grabe Siya!

Nanalo ang Project PAG-bASA sa patimpalak ng mga konseptuwal na papel ng Saranggola Blog Awards nitong Disyembre, 2015.

 Hindi ko sasabihing "hindi ako makapaniwala" dahil naniniwala ako sa proyekto. Kung sakaling hindi nga ito pinalad, magpapasalamat pa rin ako dahil naisa-papel ko ang konsepto ng proyektong naisip kasi puwedeng sa ibang paraan maisakatuparan ang Project PAG-bASA. Sa totoo lang, marami tayong naiisip na magagandang suhestiyon, solusyon, proyekto, hindi lang natin naisasapapel dahil malamang kulang tayo sa paniniwala na maaring maisakatuparan ang mga ito sa hinaharap. Madalas, tinatamad din tayo magsulat. O di kaya ay pinanghihinaan ng loob. Ne-never say never! Ne-never say never!

Hindi ko sasabihing "ang hirap i-explain ng nararamdaman ko ngayon." Pipilitin kong himayin ang halo-halong emosyon. Una, masaya ako sa pagkapanalo dahil unang beses kong nanalo sa Filipinong sulatin na may premyong pera at sampung libo kaagad. Pipilitin kong mapunta lahat sa proyekto ang salapi; at dapat lang. Pangalawa, pakiramdam ko hindi ako karapat-dapat; ang dumi ko, hindi naman ako mahabaging nilalang, hindi naman ako busilak, puwede nga 'kong maging politiko; pero ang proyekto ko ang napiling manalo ng mga hurado. Alam ko mas marami pang magaling at magandang proyekto na naisali, 'wag kayong mawalan ng pag-asa, kung hindi ngayon nagbukas ang pinto, maghanap pa kayo ng iba pang pinto. Punta ka sa back door, fire exit, at kung naniniwala ka talaga sa proyekto at misyon mo sa buhay, maisasagawa mo yan kahit sumuot ka pa doon sa lagusan ng mga pusa. Pangatlo, naramdaman kong may layunin pa pala ako sa mundo bukod sa taga-ambag sa carbon dioxide sa atmosphere. Pang-apat, feeling accomplished dahil madadagdagan ang awards section ng resume ko. Haha

   Sa TOTOO lang, hindi ko lang tagumpay 'to e. Tagumpay ito nating lahat na nagmamahal sa pagbabasa at panitikan. Tagumpay ng mga naghahangad ng kahit kaunting pagbabago sa kinabukasan ng bansa. Bansang nagbabasa lang ay may pag-asa. Ang nagbabasang kabataan ang pag-asa ng bayan!



Pasasalamat:
Salamat sa pamilya ko na wala namang kamalay-malay sa pinaggagagawa ko sa buhay-tambay ko. Salamat sa pagchi-cheer paminsan-minsan ng tatay ko "ano gay-an ka na laang baga?!", sabi n'ya. Salamat sa Pamilya Pampolina na bukas lagi ang kusina para pakanin ako, ngayong taon binuksan din nila ang kuwarto para makanood ako ng movie sa kanilang 60-inch na t.v. Salamat sa mga kaibigang nakukuwentuhan ko tungkol sa misyon kong bigyan ng aklat lahat ng bata sa Pilipinas bago ako ikasal. Salamat sa mga taong nasa likod ng patimpalak at mga nagbigay inkspirasyon sa'kin para isulat ang proyekto. Salamat sa ibang nanalangin para sa proyekto ko kahit di naman naniniwala. Salamat E-boy, Nikabrik, Alfie, Jem-jem, Ate Abby, at Kuya Joey, sa panlilibre n'yo ng kape, biskuwit, at pamasahe kapag G na G ako. Hindi ko pa kayo malilibre dahil hindi sa'kin ang premyo, kaya i-lilibre n'yo pa kong patuloy. Haha

Salamat sa Diyos, dahil sa di mabilang na patimpalak at panawagan sa kontribusyon na sinalihan ko sa isang buong taon, meron namang tinamaan kahit isa. May himala nga, 'te Guy! Sige na God, iiyak na ko dito sa bus. Salamat! Apir!

Bukas: Tulak pa-Tarlac!

Wednesday, January 6, 2016

So Kailangan Reflective Lagi ang Bagong Taon?

   Mula bisperas hanggang bagong taon ay  nag-movie marathon kami, dighay lang ang pahinga. Kena E-boy ako sumalubong sa 2016 kasama ng aming kapitbahayan sa Lusacan.  Sina Mama, andun sa kamag-anak namin sa Lumingon.

Masarap na maanghang ang shabu ni Konsehal Gemson at manamis-namis naman ang carbonara ni Gyl. 'Yung ispageti ni Mrs. P ay unli-cheese at lasang tao yung sauce. Masagana ang salubong sa bagong taon. Ibig sabihin ba nito mag-mo-movie at kakain lang kami buong taon? Hayahay naman.


Napanood namin 'yung 'Paper Towns'

Isa sa napanood namin ay ang pinaka hinanap at hinintay namin na 'Paper Towns'. Ayun! Di masyadong nasapatan dahil sa sobrang naiba. Hindi lang naiba, kundi sobrang naiba. Excited pa naman kami sa karakter nina Ben at Radar. 'Yung magulang din ni Q, di masyadong nabigyan ng hustisya. Maraming lumayo sa kani-kanilang karakter sa aklat. Ganito ba dapat ang adaptasyon? Pero sakto lang yung acting ni Q para sa'kin. Very alipin lang. Si Margo, anlaki ng butas ng ilong. Sobrang natawa na rin  naman kami sa pagkanta ni Ben ng Pokemon song at pagtilamsik ng ihi ni Ben kay Radar sa sasakyan. Pero kulang pa rin yung buong pelikula. So ibig sabihin mga pangit na pelikula lang ang mapapanood namin? Puro adaptation na lalaitin na lang buong taon?

Paputok. Sa tingin ko, hindi na nag-iisip ang mga tao ngayon. Bukod sa mga regalong hindi naman talaga natin kailangan, paputok dito at doon na pampaingay lang naman talaga e. Maganda naman yung fireworks ni Mayor na tanaw mula sa labas ng simbahan, kaya lang halatang, wala yata siyang pyrotechnique expert dahil walang sync ang mga ilaw sa ere. Nagpaputok din kami nina Gabby, isang plastik ang pa-pop niya at kahon-kahon na lusis. Kawad na pala ang hawakan ng lusis ngayon? At plastik straw na pala na maliliit ang pa-pops ngayon? Di ba dati ay papel ang balot nito? Anyare? San pupunta ang milyong pa-pop kinaumagahan ng Enero Uno?

Alas dos na kami nakatulog ni E-boy at nagising ng 8: 45 am para sabay-sabay na kumain ng almusal. Parang busog pa rin ako pero kain pa rin. Si E-boy maya-maya ay bumalik sa pagtulog sa kwarto nina Pastor, ako naman ay naisipang magpa-pawis. Kahit na alam ko na may taga-linis ng simbahan ay nagwalis at naglampaso ako ng sahig ng simbahan. Tapos, winalsan ko ang harapan na nagkalat ang mga maliliit na bahaging plastik ng pa-pop. Nakuha ko naman ang gusto ko, napagpawisan ako. Uuwi na kaya ako sa'min?
Hindi pa. Lumupage ako sa sahig. Nagpatuyo ng pawis. Maliligo na rin naman ako. Nanghingi lang ng shampoo. Pagkatapos ay nagtanghalian. Nood movie ulit. Sarap buhay. Bili ng rugby sa labas. Sabi ko nga kay E-boy, iwanan na niya ang pagra-rugby dahil bagong taon na.

Dumating na si Roy. Maya-maya ay si Alquin. Selfie ng konti. Tas labas sa palengke para mag-meryenda. Sagot nila dahil wala akong pera. Tawid sa overpass. Iwas sa mga basag na bubog. Bili ng kwek-kwek. Bili ng sitserya sa 7-11, Mr. Chips, Cracklings, at Clover. Tapos, overpass ulit para di na mangyari ang karumaldumal na pangyayari noong  nakalipas na taon. Bili ng tigi-tigisang Coke float. Balik sa simbahan. Set up ng laptop. Nood ng movie ulit. (Tamad ko magsulat kahit bagong taon.) Purge. Kain sitserya at Coke float. Imis laptop. Kain dinner na ispageti na unli-cheese at yema cake. Sopdrinks pa more.

Balik sa church. Barilan ng pellet gun. Bale, si Ebs lang ang may baril. Nabaril ni Roy si Alquin sa pwet. Nagbugbugan. Gabi na pala. Kinuha na ni Ebs ang susi sa pinto. Tinraydor ko siya para makaganti si Alquin. Nakapalag at nakapagkasa ng baril. Wala na siyang pinagkakatiwalaan ngayon. Ang tagal sa may pinto. Sa labas nag-aagawan pa sa baril. Nagbabantaan pa ng buhay. Alas diyes na kami naka-uwi. Bale, sila lang pala ang umuwi dahil kena Ebs ako tutulog. So masasayang alaala lang buong taon?

Set up pa si E-boy ng sound system para sa praktis nila bukas. Nanghiram naman ako ng damit pamalit dahil maliligo ako't napawisan na naman. Pagod na pagod sa walang kapararakan. Sana lumipas ang taon ng may kapararakan.

Ebs tama na yan. Aayusin ko lang base ko. Saglit lang. Ala-una na o. Tama na uy! Saglit lang aatack lang ng isa. Mag-aalas dos na o.
May lakad pa tayo bukas. Tama na...slowly fade...zzzz..