Wednesday, December 11, 2019

KTV


Kasama ako sa cluster 6 na technically hanggang cluster 5 lang sa workplace. Galing kami sa iba't ibang clusters tapos madalas lumabas together, ayon friends na. Ang diverse nga eh, mula age, gender, interests, field of expertise; iba-iba.

As in, lagi-lagi na lang lumalabas. Magkasama na sa trabaho, sa kain sa labas, sa mga okasyon, sa mga tambayan, minsan pati na rin sa simbahan. Saulo mo na ang amoy ng isa. Kaya mo nang iimpersonate ‘yung isa. Kaya mo nang asarin in less than 3 mins ‘yung isa. 

Kina-classify ko yung mga lakad ng cluster 6 sa dalawang category lang. Either loud or silent lang. Kapag silent ang lakad, madalas naman sumasama ako. Kapag loud ang lakad, lagi akong tumatanggi. Kapag kain sa labas, silent 'yan kaya madalas akong sumama. Kapag piyestahan, hindi ako sasama kasi loud ang category n'yan. Kapag tambay lang at kape with cookies, mabilis ako kasi silent 'yan. Kapag scrabble at halo-halo, sama rin ako kasi silent yan dahil nag-iisip ka ng mga salita para maabot ang triple word score bago matunaw ang halo-halo mo. Kapag sine, silent din yan. G lang.

Nang paalis na si Jaze papuntang UK para magpraktis na ulit ng kanyang pagka nars, nagyaya silang maghapunan. Siyempre, despedida naman 'yun kaya pupunta ako pero ang tindi ng hawak ni Tita Digna sa uniporme ko pagkatapos ng meeting namin. Uuwi lang naman muna ako para tumae muna't maligo. "Kilala mo ko," sabi ko pa sa kanya.

"’yun na nga e!" pinandilatan ako ng mata ni Tita. Bumitaw lang s'ya nung nagpaalam ako kay Jaze na tatae lang talaga ako sa bahay at maliligo tapos sunod na'ko sa SM. Hihintayin daw nila ako sa may GPC, na halos ikalawa na naming opisina kapag may blackout trip ang Batelec.

Pinagaan ko lang ang tiyan ko para hindi naman ako mahirapan. Pupunta rin talaga ako kasi sa isang araw pa ang suweldo at dry dessert na naman ang grocery cabinet ko. Wala na rin akong bigas. Baka nga mag-uwi pa ako ng matitira namin sa despidida.

Sagot naman ni Jaze pero di ba dapat sagot namin dahil paalis na s'ya? May bitbit silang regalo, ako wala. Kailangan bang may regalo sa mga padespidida? Hindi ko alam ang despedida rules kasi ngayon lang naman ako nagkaroon ng kaibigang magtatrabaho sa abroad. Mabuti at may dala akong maliit na aklat na sinulatan ko ng mga notes sa iba't ibang pahina. Naisip ko lang na bagay kay Jaze 'yung aklat at maliit lang at hindi magpapabigat sa kanyang bagahe. 

Sabay-sabay kaming umalis ng GPC, nasa may food court lang daw sina Ate Cars. Sa food court kaya kami, ang loud pero oks lang marunong pa ko kay Jaze. Pero meeting point lang pala iyon at bumaba rin kami at lumabas pa kami ng mall. Nang umakyat na kami ng overpass, biniro ko si Jaze, "Sa La Corona (Hotel) ba ang pa-event mo?" Sumagot s'ya ng "Oo" at sinagot ko rin ng "Wow" kasi hindi ako naniniwala. Hanggang pumasok na nga kami ng La Corona. Sa KTV room pala kami malapit sa bar and lounge ng hotel. Naghanda na ako sa loudness ng dinner namin.

Amoy sigarilyo pa ang KTV room pagpasok namin. Kami nina Tita Digs, pumili na sa menu. Sila Mam Mildred at Alvin, pumili na sa songbook. "Yey, kasama natin si Kuya Jord." Kuya kahit mas matanda sa'kin si Jason. Ngayon lang din kami nakumpleto ulit na cluster 6. Si Tita Digs, madalas masakit na ang tuhod. Si Ate Ruma, minsan umuuwi ng Mindoro para kay Tin. Ako naman madalas subsob sa trabaho. Baka mag-comment si Tita Digs na fake news ang previous sentences dahil hindi naman masakit ang tuhod n'ya at hindi naman ako nagtatrabaho. Lagi raw kasi akong drawing, literally. Dino-drawing nila 'yung mga wala tapos isasama sa groufie ‘yung drawing.

Pero bakit ako lang ang may reputasyon ng "laging drawing"? Dapat kasi may guidelines kami sa eligibility para matawag na "drawing". Dapat ang drawing ay 'yung umoo sa lakad pero hindi naman sumama. Humihindi naman ako madalas ah. T'saka, kapag nagsisine ako nang mag-isa, dino-drawing ko ba kayong lahat? Hindi naman ah. Pero hindi ko naman sila masisisi, kasi may reputasyon naman talaga ako na laging wala at bigla na lang nawawala.


(Nakalimutan kong isulat talaga si Popshie, ngayon ko lang naalala after 2 years na binalikan ko ‘yung unfinished blogpost. Late batch na s’ya pumasok sa Kagawaran. Kinaibigan lang nina Jaze tapos isama na ‘yan sa cluster 6. May mga kabarkada tayo na hindi naman natin masyadong friend, hindi naman sa ayaw natin sa kanila pero hindi lang talaga. For the sake of inclusivity na lang talaga. Anyways, andun din pala s’ya sa loob ng KTV room. At ka-power ballad ni Tita Cars.)

Fast forward. Matapos ang mahigit isang taon. Bumalik si Jaze sa Pilipinas para magbakasyon yata. Marami nang wala sa work namin sa Kagawaran. Nasa non-profit na ako. Si Tita Digs nasa corpo na. Sina Titas of Batangas (Mildred, Cars, Ruma) nasa Kagawaran pa rin that time at totoong may cluster 6 na. At nasa KTV na naman kami ng La Corona getting louder than ever at wala nang kaagaw sa mikropono sina Tita Mildred dahil nasa Australia na si Alvin. Nagbigayan uli sila ng regalo, wala na naman akong dala. Constantly consistent ako. Nagkuwento si Jaze ng mga bagay na dapat hindi kinukwento ng nars na galing sa UK. Nauna akong umuwi dahil hinahabol ko pa ‘yung last trip.


Hindi na kami madalas nagkikita-kita nagyon, siyempre. Wala na kong pagpili between loud or silent. May bago na rin akong circle of friends. Sila rin naman at kailangan nila ‘yun para umusad. Ganun talaga, hindi lahat ng cast nakakatawid sa susunod na season. May bagong characters sa next chapters. Pero hindi ba sobrang bilis pala ng mga pagpapalit na hindi mo namalayan may bago ka nang kasamang lumabas, iba na ‘yung kasama mong magkape, iba na ‘yung kinapupuyatan mo; pero ikaw pa rin naman ‘yun at sila pa rin ‘yung kaibigan mo kahit nasaang chapter or season man sila na hindi ka na kasali.

Parang nangongolekta lang kayo ng pagkukuwentuhan.












Trip to Tiaong: Aksidente



Sa isang linggo lang ng Disyembre, may tatlong aksidente akong nadaanan pauwi. Hindi ko na inalam ‘yung eksaktong bilang ng patay or nasugatan. Hindi ko na kailangang siguraduhin kung buhay o patay ba sa itsura pa lang ng busargang harapan ng dyip. Banggaan ng dyip at trak, banggaan ng dyip at posteng nasa gitna ng road-widening, at nabangga ng motor ang isang lolo.

Ang hilig ko pa naman sa unahan umupo. Mas nakakapagbasa kasi ako ron. Hindi naabala ng pag-aabot ng bayad sa drayber. Mas maayos makinig ng podcast. Hindi maganda sa matang nagbabasa sa dyip, minsan nahihilo rin talaga ako. Sayang ‘yung kilometro-pahina na dapat nakokonsumo ko sa isa’t kalhating oras na byahe. Minsan, naglalaro din ako ng Switch, mas nakakahilo ito. Kasi may mga ‘pre-work’ dapat na matapos bago ulit kami ng maglaro nina Clowee at Song.

Minsan pag-uwi biglang gumewang-gewang ang dyip sa madilim na bahagi ng San Antonio. Natamaan ng ilaw ‘yung gumagapang na lalaki sa kalsada at maiipit namin any moment. ‘yung “OHMYGOD!” ko ay kaparis ng bilang ng kabig ni manog sa manibela. Bigla-bigla, sunod-sunod, walang space na ohmygodohmygod. Hindi na ko naging conscious sa pagpili kung maliit ba o malaking G. Nagsigawan yung ibang sakay. Hindi ka na pala makakapili ng
Hindi naman namin naipit ‘yung lalaking gumagapang palayo sa kanyang motorsiklo. Nahagip din ng ilaw ang isang lolong nakabaluktot at walang malay. May mga tao na agad sa paligid. Mula sa kalapit na bahay. Dahan-dahan naming nilagpasan ‘yung aksidente. Napa antanda si manong drayber at biglang naging mapagbigay sa mga nag-oovertake sa’min.

Mas mabilis pa ‘yung tibok ng puso ko sa takbo ng dyip.

#


Monday, December 9, 2019

At Bahala na ang Ihip ng Amihan


Walang marinig na mga pagaspas
Sa sanlaksang pinalipad na mga kalapati
Naghihintay sa mga baka naman
Umaaasam ng biglang-likong pangyayari
‘yung biglang-bigla:
Na maggugulat-gulatang di inaasahan
Magmamaang-maangang di karapat-dapat
Kahit nanghahaba ang leeg katatanaw
Ni anino man lang, ni pabulong na lawiswis
Pahiram ng mga bagwis kahit saglit
Pumailanlang man lamang palayo
Sa ito na lang ba ang lahat  na hawla
Makita ang pinagpagurang pugad
Na lamunin ng luntiang dagat
At kung mabalian ng bagwis sa himpapawid
Magpapatihulog na nang buong timbang
At bahala na ang ihip ng Amihan

#