Saturday, April 25, 2020

QQD40 (From Tong Its to Tarot)

Day 40, Huwebes

Sasali sana ako sa isang webinar tungkol sa bakawang gubat. Malaki kasi ang papel nito sa climate change mitigation sa mga komunidad sa kostal tapos nabasa ko pa sa isang national report 'yung tungkol sa dapat tingnan ang species ng bakawan at relasyon nito sa substrate o lupa na pagtataniman. Marami pa naman tayong species ng bakawan sa Pilipinas, nakita ko sa National Museum of Natural History na gusto ko nang mabalikan. Pero kahit anong pilit ko sa link, wala, hindi ako makapasok sa webinar. Tanghali kasi, kaya ambagal ng data. 

Sinubukan ko na lang pumasok sa isang live tarot card reading. Nakapasok naman ako. Naimbita pa akong basahan ng baraha. Kalokohan talaga ng mga tao ngayong quarantine, sari-sari na lang 'tong si kuya. Parang kasing edad ko lang, pero bihira 'to ah; isang millenial male na manghuhula. Nag-isip naman ako ng itatanong. Sakyan na lang ang trip at pare-pareho naman tayong naiinip. 

"Bakit s'ya nagcha-chat?"

Sobrang kaunti lang kasi 'yun mag-chat. Minsan aabutin ng ilang araw bago mag-reply. Tapos, ang tagal umalon ng 'typing' icon, halatang pinag-iisipan ang reply, parang nagsusulat ng mahaba tapos buburahin at mas iiklian ang reply. Pinag-iisipan. Pero lately, sunod-sunod 'yung chat, halos ilang segundo lang ang pagitan. "Ting! Ting! Ting!" ang ingay ng chatbox ko. 

Mas mahaba na 'yung chat at may "hahaha" na, parang mas hinahayaan na n'yang magdumi 'yung pakikipag-usap n'ya. Ay opo, ganun po ako ka-conservative, kapag maraming hahaha dirty chat na po 'yun sa'kin. Mga hahaha nang hahaha kahit hindi naman nakakatawa 'yung sasabihin, ang dumi po basahin.

Tapos ako, ayun 5-point-essay-type pa rin mag-reply at ako pa rin ang huling nagre-reply. Ayos lang naman sa'kin na parausan ng inip at bagot. Kaya sinubukan ko lang itanong kung meron bang iba pang dahilan bukod sa pagkainip. Baka naman meron pa?

Binalasa naman n'ya ang kanyang deck. Tak-tak-tak! Tapos, kumuha ng tatlong baraha. Pili ka sa tatlo. Patawa-tawa kong pinili 'yung pangalawa. Pinakita n'ya sa'kin 'yung baraha: ace of sword. Ang sarap lang sa pandinig nung paliwanag ng manghuhula. Baka iwanan ko na ng tuluyan ang simbahan at siyensya dahil sa ipinaparinig sa'kin ng mga bituin at baraha. Inaabot kayo ng madaling-araw, minsan. Nag-uusap kayo ng kawalang-tulog at ng kawalang-siguraduhang bukas. Nagkukuwento na ng kung anong hindi maganda sa kanyang sarili. Mas nakikita mong tao rin pala s'ya, may mga nasa, asam, takot, tanong; at naliligalig din. Nasagi ng baraha 'yung konting bahagi ng dibdib ko na baka higit pa sa nararamdamang inip ang pakikipag-usap. Kung mangungulit pa rin s'ya 'pag natapos ang quarantine, "hindi tayo sigurado, hawak n'ya ang espada". 

Malamang nakadepende 'yun sa kanya, pa-safe din 'tong mga hula-hula. Hindi pa ko sinilaw ng lubusan sa huwad na liwanag ng pag-asa. Pero kung hindi na nga mangulit pagkatapos, sana 'wag na lang munang matapos ang lahat. Sarili lang inisip, hirap na hirap na nga 'yung marami. Pero hindi kaya dapat mag-ingat ako sa hawak n'yang espada? Baka kailangang hindi gaanong malapit. Baka nakakasugat. Hindi naman ako naniniwala pero nagtanong pa uli ako ng isa pa. Mukhang di akma 'yung tanong ko, hindi 'yun dapat tinatanong. Dapat hintayin mo lang 'yung sabihin sa'yo.

"Gusto ko lang malaman kung blah, blah, blah, atbp."

Binalasa n'ya ulit ang deck. Baka paratangan pang bogus e. Tak-tak-tak! Naglagay uli ng tatlong barahang nakatalikod sa'kin. Pinili ko yung pinaka una. Pagharap ng baraha, isa sa mga suit of pentacles - seven. Tama ako sabi ng baraha. Dagdag pa n'ya "kung ano s'ya ngayon, pinaghihirapan n'ya itong buoin para ipakita o ipakilala ang sarili sa mga tao." Grabe naman 'yung barahang 'yun, may pagbubuo ng sarili pang nalalaman. Natawa ako dahil mataas nga ang sense of self n'ya. Medyo may yabang [pero okay lang sa'kin]. Magkasabay na nasa estadong kilalang-kilala ang sarili at tinatanong kung paano kinikilala ang sarili. Kaya mukhang s'yang self-absorbed. [Pero hindi, pramis].

Ang seventh suit of pentacles na baraha rin ang may kinalaman din sa direksyong norte. Sa pakiwari ko'y hindi naman ako maliligaw, alam ko na 'yung ruta ng dyip papunta ron e. Mura lang din pamasahe. 

On average, 15-day interval ang chatting ko. Sa Mayo Uno ko na uli s'ya icha-chat, kilusang Mayo Uno talaga. I'm writing a concept paper na nga on Slow Landi Movement, baka ito na ang maging TED Talk ko balang araw. 

No comments: