Tuesday, January 29, 2019

Enero 29, 2019


Uy, saglit lang. Tumigil muna tayo. Hindi naman dahil sa tuloy-tuloy at wala na talagang pahinga. Medyo nawalan na pala ako ng oras umupo-upo lang at tumangla. Madalas nagpapagala-gala at naghahanap ng pokemon. Sobrang dalas na yata na kelan lang ulit ako nakatulog ng tanghali. Nakatulog ako ng tanghali ng Linggo matapos naming mananghalian ng adobo ni Mama na di ko sigurado kung masarap ba talaga o p’re-p’reho lang kaming gutom. Limang oras akong nakatulog at paggising ko; sobrang lungkot ng pakiramdam. Saka lang nanuot sa diwa ko na hindi na naman ako tumitigil para tumangla. Gumawa ng wala. Magsulat nang wala talagang susulatin.

Baka dahil naghihintay lang ako ng kasulat-sulat na pangyayari kaya wala pa rin ako kahit isang blog entry ngayong 2019. O hinihintay ko pa rin ang great plot twist ng 2018 hanggang ngayon. Kunwari wala akong inaasahang mangyari para kunwari magugulat ako. Para hindi ako nawawalan ng latoy kahit nakakawalang gana na minsan.

Pakiramdam ko rin kasi ang dami kong naiwang di natapos. Pinaalalahanan ako ng ilang linya sa isang kanta ni Gloc 9:

Lahat ng ‘yong naabot ay pilitin mong higitan.
Patalimin ang patalim at maghanda kang gilitan
Kung hindi mo nagawa, ‘wag mo na muling tingnan
Marami pang pagkakataon ang nasa ‘yong harapan.

Para kasing wala nang darating na pagkakataon. Parang nakakatamad na ring maghabol. Hindi na rin ako nalulungkot kapag may mga pinalipad akong kalapati na hindi na bumalik. Parang nasasanay na ako pero di ibig sabihing hindi na ako magpapalipad sa susunod. Kaya nga sumaglit ako ngayon, nakipagbuno sa bunton ng gawain. Teka lang, tatakla lang. Halos humahampas na ang hangin sa mukha ko. Hindi ko na makitang naluluha na pala ‘ko. At sumusuray ang sinusulat sa sanaysay ba, tula, o ano. Ano nga pala ulit ang gagawin ko?

#

Dyord 
Enero 29, 2019
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan
Mataasnakahoy, Batangas