Wednesday, June 7, 2017

Blogging para sa mga Komunidad na Developing


Mag-blog para sa mga komunidad na tinulungan ng Kagawaran. 
Sumulat para magmulat. 
Mag-blog at 'wag mambulag.

Lunes na Lunas



Ang huling pagkikita pa namin ni Tsang Lorie ay noong huling kumperensiya pa namin sa Pontefino Hotel sa Batangas City. Pagbalik ko ng Garcia, parang walang nangyayaring maganda sa komunidad namin. Inalat ako ng dalawang linggo kumbaga. Despalinghado ang pribadong partner, may pagtatalo sa isang taniman dahil sa tubig, di kumikitang mga bigasan, nagastos ang pera ng asosasyon, at papalapit nang papalapit na deadline ng mga bagong proposals.

"Walang nangyayaring maganda sa buhay ko," text ko kay Tsang. Hindi na rin ako nagsulat ng weekly feedback report dahil nakakalason magsulat ng mga problema. Nakailang tawag si Tsang Lors, pero di ko maabut-abutang sagutin.

"Wag kang magparinde," sabi ni Tsang habang naghapunan kami sa McDo sa Rosario. Palipat-lipat lang kami ng counseling venue saRosario; sa Jolibee, Chowking, at sa McDo. Nasa pagdududa-sa-sariling-kakayahan stage na naman ako. Nagkakaganito ako kapag walang-tumatama-sa-kalendaryo-ko week.

Pinag-usapan namin ang mga natitira pa naming pondo. Parehas nasa tig-dalawang milyon pa ang gugulin at kailangang sulatan pa ng proposal. Nag-uumpisa na ang Hunyo at sa katapusan dapat ay nasa lamesa na ni boss.

Nakakaubos na kako ako ng ideya ng puwedeng pagkakakitaan. May mga maayos na bigasan pero meron ding di maayos. Gagawa ka pa rin ga kaya ako ng mga bigasan? Tabi-tabi na ang sari-sari store. Nagpa-iwi na kami ng lahat ng hayop pang bukid. E kung elepante na ang ipa-iwi namin?

"'yung iba nga, wala pa ring proposals."

Sabagay, titiisin mo lang namang pagalitan e di ba? Walang proposal? Edi walang proyekto. Wala ka ring problema. Pakapalan na lang ng mukhang tumanggap ng suweldo nang walang na-serve! Naalala ko bigla ng tawanan namin ni Ate Ivy.

E di wag nila kong i-renew. Maghanap sila ng iba! "Simple lang ang buhay." dagdag ni Tsang sabay isang tuktok sa lamesa.

"Anong balak mo?" tinutukoy ko yung natitirang pondo ni Tsang habang hinihimay ang paa ng manok.

Bigasan at Hilot ang buod ng sagot n'ya. Ako kako'y nauubusan na talaga. Iniisip ko minsan na baka meron d'yan na mas maraming ideya, mas may karisma sa komunidad, mas magaling makipag-usap sa mga pampubliko at pribadong opisina, mas mahusay magplano; baka maa may deserving talaga ng job order ko?

Laging nasasangkalan ang self-worth kapag di ko napapangyari ang mga bagay-bagay. Pumapagod talaga sa'kin yung pagsisi sa sarili e. Nasabi ko tuloy kay Tsang yung realization ni Ate Ruma, sa Singapore daw nung manager pa s'ya ro'n ng restaurant; pagkahugas mo ng pinggan sa gabi, tutulog ka na. Bukas na ulit ang trabaho. Walang babagabag sa isip mo.

Kung puwede nga lang kakong kontrolin ang isip ng mga tao; control freak at perfectionist talaga ako e. O kung puwede lang kontrolin ang kalendaryo na umayon sa gusto kong mangyari kahit isang buwan lang.

"I started the Monday great" text ko kay Tsang ngayong Lunes ng umaga lang.

Nakapagbisita kasi kami ng mga namamasada at nakakuha ng kuwento ng bahagyang pag-angat n buhay nina Ate Merly; isang naghahalaman na natulungan ng Programa. May ipanglalagay na ako sa bago kong blog tungkol sa development.

So baka dapat kada Lunes dapat maghanap ako kahit ng maliliit na kuwento ng pag-angat. Para hindi ako nalulunesan. Para hindi ako lumubog ng buong Linggo.

Te Lors, next time try naman natin sa Ham Chan. Anong masarap d'yan? Lomi. Chinese resto 'yan di ba?

Wednesday, May 31, 2017

Mayo 29, 2017

Si Ted, Tita Lucy, Tita Sheila, at Ako

     Pumunta kami ni Ted sa quarterly na Christian Writers’ Fellowship sa OMF Lit sa Mandaluyong. Galing s’yang Cavite. Galing akong Batangas. Ano lang, paalala lang to ourselves na dapat talaga nagsusulat talaga kami. O may mga ginagawa para mapaunlad pa ang mga panulat sa kabila ng napakaaaaaaaaraming kaabalahan sa buhay.

     Naisip na naming ‘wag na lang tumuloy pero naisip din naming minsan lang ang ganitong pagsasama-sama ng mga kapatid namin sa panulat; apat na beses lang sa isang taon. Kaya tumuloy na kami at nauwi rin ako sa pagkikipnuluyan kena Ted. Kahit na sinabi na n’yang hindi masyadong warm welcoming sa bahay nila.

     Si Sir Nelson Dy ‘yung speaker, author ng Regret No More at How to Mend a Broken Heart. Mga titles na hindi ko pa nararanasan. Ang ganap n’ya ay hurting writer to healing writer; sa dami raw kasi ng mga nakakasakit at nakakalason na nababasa sa Internet ay kailangan ng mga mambabasa ng encouraging at inspiring words. Sobrang supportive pa ng wifey ni Sir Nelson na si Tita Lucy na ikinuha pa ako ng kape dahil tinamad akong tumayo.

Si Ted, Sir Nelso Dy, at Ako

     Tapos, meron akong na-discover na awkward feeling kapag ganitong mga writers’ mingle-mingle. ‘yung tanong na “writers kayo?”. “Uhhhmm (tingin kay Ted)  minsan po”. Tapos, eto pang mas awkward sagutin “anong sinusulat n’yo?” Si Ted precise and specific e, blogging – motivational/inspirational. Pagdating sa’kin; napaisip talaga ako ano ba talagang sinusulat ko. ‘tas ayun na, sinabi kong tula, sanaysay, blogging-personal, technical-government, journalistic misan, para akong karinderya; sari-sari basta lang makabenta.

     Anong nang oras kami ni Ted nakauwi sa Trese Martires? Mga pasado ala-una na. Ngalay na ngalay, ihing-ihe at gutom na gutom. Inakyat-bahay na namin ang mga nakakandado nilang pinto. Nagsaing/Naglugaw si Ted at nagbukas ng de lata. May pasok pa ako bukas at naka-iskedyul sa baranggay. “Ano bang ginagawa natin sa buhay natin Ted?”

     Para kaming mga martyr na nagpakasakit. Yae na’t kada apat na buwan lang naman. (*pabulong lang:) Malay mo naman maawa sa’tin ang OMF Lit tapos i-publish na ‘yung mga contributions natin kasi matiyaga tayong pumupunta. Biruan lang namin pero slightly true. Nagpalit ang ako ng malaking t-shirt. Walang tutbras-tutbras o panghilamos. Humiga ako sa kama ni Ted matapos n’yang tsekin ang amoy ng unan n’yang ipapahiram sa’kin. Tapos, nahiga na rin s’ya sa may sahig.


       Sa Agosto ulit?

Saturday, May 27, 2017

Mayo 22, 2017



Hamak na mas mainam
Kung walang kalmot
'Pagkat wala ring alam


#
Dyord
Lipa, Batangas
Mayo 22, 2017


Mayo 26, 2017



Nagpapa-load ako sa tindahan sa may kanto ng Abbey Road nang marinig ko ang isang mahabang “Huuyy!!”. Pamilyar ang mukhang pinanggalingan. Bumungad sa’kin ang mga bakod sa kanyang ngipin.

Kahit madilim-dilim at matagal-tagal na kaming di nagkita, nakilala pa rin ako ng isang kababata dati sa simbahan. Si Lovely, kapatid ni Gel. Sunday Schoolmates. Mga mahigit kalahating dekada na rin siguro nang huling magkita.

Bumalik lahat ng junior at young people years. Alaala ng youth camps. Alaala ng house visitations. Alaala ng children’s outreaches. Alaala ng Sunday Schools. At iba pang Western Christian activities na ginagawa rin ng Baptistang Filipino. Shuuk. Shuuk. Shuuk. Parang mabibilis na bus sa express way.

“San ka ngayon?”, “Kumusta na si Vernon?”, “Kumusta na si Rr?”, “San ka nagwer-work?”, “San ka nagcher-church?”; pinagkasya ang maraming tanong sa saglit na mga minuto. Pinagkasya ko rin ang “Sa Abbey Road lang”, “Tatlo na pamangkin ko”, “Kasama pa rin ni Mama”, “DSWD”, at “doon pa rin” na mga sagot sa saglit na mga minuto.

Lumipat sila ng simbahan kasabay ng malaking kontrobersiya na hindi pa rin lubusang nasasarhan. Kahit malapit ako sa simbahan nila, hindi rin naman ako puwedeng mangamusta dahil baka malagay pa ako sa balag ng politikal na alanganin. Politikal na nga ang halos buong linggo kong pamumuhay, ayoko namang pati ang Linggo ko.

Naalala ko pa rin ang lasa ng tuna omelette na baon n’ya noong una naming youth camp sa Jabez, sa Dasma. Parang gusto ko pang makipagkuwentuhan pero hinihigit na rin ako ng paa ko pauwi.

#

Mayo 26, 2017
Dyord
White House





Friday, May 26, 2017

Mula sa Mesa


Pre-Employment Assistance Fund (PEAF) ang tulong na iginagawad ng Programa namin sa mga miyembro ng pamilyang kabilang sa 4Ps (ang ating bersyon ng Conditional Cash Transfer) na naghahanap ng trabaho. Tulong dapat ito sa pamasahe pang-asikaso ng mga papeles, pambayad sa medikal, panggawa ng resume, at pangkain habang di pa sumusuweldo ang aplikante.

Kaya lang; may mga pagkakataon na endo na ‘yung manggagawa bago pa dumating ang kanyang PEAF. May mga kaso pa ngang inabot ng isang taon bago dumating ang tulong.

Hindi namin malilimutan ni Tita Nel ‘yung isang aplikante. Wala ako nang ipinasa ang mga dokumento. Hindi ko rin nakausap man lang. Ngayong tsinek ko ang mga dokumento para iproseso na sana, napansin kong may mga bura-bura ang petsa. Tinawagan ko ang aplikante para tanungin. Tinawagan ko rin ang nanay na nagpasa ng papel para tanungin. Magkaiba sila ng sagot!

Niloloko ako.

Gusto lang makakuha ng tumataginting na limang libo kaya pineke ang petsa sa mga  dokumento. Hindi kasi puwedeng mag-apply ng PEAF kung nagtatrabaho na. Nagpadala ako ng mensahe na hindi ko na ipoproseso ang papel. Pupunta raw sila sa opisina para sa paglilinaw. ‘yung mga magulang lang nung aplikante ang dumating. Mainit agad ang ulo nung tatay. Ang mahal-mahal daw ng baranggay clearance at nagkandadapa pa raw sa pagkuha ng NBI; tapos ay basta-basta ko lang tatanggalin? Pauli-uli s’ya sa harap ng lamesa namin ni Tita Nel habang nagsisigaw. “Dadalhin ko iyan kay Mayor!” ang paulit-ulit n’yang sigaw.

Kumukuha ka ng mga dokumento, hindi para sa tulong kundi para makapag-apply ka ng trabaho. Marami rin kasing nagpapaproseso lang sa mga employer tapos kapag nakuha na ang PEAF ay hindi na nagtatrabaho. Ginagawang easy-money ang social services.

Nagkanda-utal-utal ako sa kaba sa pagpapaliwanag na may bura-bura sa mga petsa ng ipinasa nilang mga dokumento at magkaiba ang sinasabi ng aplikante at ng nanay n’ya. Unang beses namin na may aplikanteng nag-amok sa tanggapan namin ni Tita Nel. Kung pwede matapos ma-endo saka bumalik sa’kin. “HINDI NA!” sigaw nung tatay. “Dadalhin ko iyan kay Mayor!” ang paulit-ulit n’yang sigaw hanggang sa makababa sila ng opisina.

Ninerbiyos kami ni Tita Nel pero ibinalik namin lahat ng dokumento nila.

 ....

Meron din naman kaming nakakataba ng pusong mga aplikante. Dalawang working students, of legal age naman. Si Novhel at si Jamaica na magkaklase sa kursong Computer Science. Sa umaga, service crew sila sa McDo at sa gabi ay estudyante ng Kolehiyo ng Lungsod ng Lipa (KLL). Graduating na sila pareho ngayon.

Nakuwento ni Novhel na ‘yung hanap-buhay ng tatay n’ya sa loob ng 26 na taon ay ang paglalako ng mga damit at tuwalya sa mga subdibisyon sa Taguig, Caloocan, at iba pang lungsod sa Kamaynilaan. Marami na nga raw nakitang artista ang tatay n’ya sa paglalako nito. Sa isang linggo, nakakapag-uwi naman ito ng P 2,500- P3,000 para sa kanila. Siyempre, gusto na n’yang patigilin ang tatay n’ya sa pagtitinda kaya s’ya nagtiya-tiyagang umuwi pa sa Brgy. Tamak kahit alas-onse na ng gabi at bumangon ulit ng maaaga para naman dumuty sa McDo.

Dumating na ‘yung PEAF ni Novhel pero ‘yung kay Jamaica ay wala pa rin hanggang ngayon.

Sa taas, sinusubukan naman nila lahat ng paraan para mapabilis ang proseso ng PEAF. Laging isyu ang Pre na prefix na sa totoong buhay ay Post naman dahil sa tagal dumating ng tulong. Kaya ang naging solusyon ng Opisina-Sentral ay tanggalin na ang prefix na Pre. Employment Assistance Fund (EAF) na lang s’ya ngayon. Ang laking tulong.

Hindi na ako pumapayag na iiwan lang ang mga papel sa mesa ko nang hindi nakikipag-usap. Hindi dapat transaksyonal ang ugnayan ng pamahalaan sa komunidad na nais nitong malinang at mabuksang-malay. 

Monday, May 22, 2017

An’ tanda


Sumama ako sa isang Family Development Session ni Mam Brenda. Tungkol sa Harassment ang talakayan ng mga karamihan sa nakikinig ay mga babae. Inoobserbahan ko kung paano s’ya nakikipag-usap sa mga komunidad. Marami rin naman akong natutunan tungkol sa harassment. Hindi lang pala s’ya pisikal o sekswal.

Maaari ka palang ma-harass o maabuso verbally o sa pananalita. May mga asawa na maaaring hindi nananakit physically pero nakakapanakit sa pamamagitan ng pag-aalimura o pandudsta sa asawa. Napaka simple ng mga ibinato ni Mam Brenda na halimbawang mga salitaan. “Ano ba yan, wala pang sinaing. Wala kang kuwenta!” kahit na maghapon kang naglaba at nadatnang nagpapahinga ng kaunti. Kasama na rito ‘yung mga demeaning gaya ng “tanga”, “malandi”, “bobo”, at “walang silbi”. May epektong sikolohikal ang mga nakakababang mga salita sa asawa o kaya’y mga anak.

Maari ring maabuso financially. ‘yung hindi pagbibigay ng asawa mo ng sustento sa mga anak ninyo o kaya ay hindi pagtulong sa mga gastusin sa bahay ngunit nakapag-bibisyo naman. O kaya ay ang paghadlang ng asawa na maghanap-buhay ang kanyang maybahay ay isa rin palang anyo ng financial abuse.

Ipinaliwanag din ni Mam Brenda ang Anti-VAWC (Violence Against Women and Children) Act, na maaring magsumbong sa kinauukulan ang mga nanay na inaabuso ng kanilang mga asawa. Nakakalungkot lang na tinatawanan lang ito ng mga nanay na nakikinig. Nakaka-relate man sila at may pangil man ang batas ngunit alam nilang titiklop din ang kanilang mga tuhod sa bandang dulo. Kahit naman daw kasi umabot pa sa baranggay o sa pulisya, hindi naman itinutuloy ang kaso. Kaya naman umuulit-ulit lang din ang pang-aabuso.

Nagbahagi ng sariling karanasan si Mam Brenda sa mga nanay. Marami na palang naging trabaho si Mam Brenda bago pumasok ng Kagawaran. Nagtatrabaho pa raw s’ya noon bilang production operator sa Maynila. Nakatulog daw s’ya sa bus noon dahil sa pagod at may katabi s’yang lalaki. Bigla raw s’yang nagising nang maramdamang may humawak sa kanyang dibdib. Bigla ring inalis ng lalaki ang kanyang kamay at nag-antanda.

“Hiii-nampas ko ng payong! Aba’y ano are, poon?!” pagbibida ni Mam Brenda.


Friday, May 12, 2017

Mayo 12, 2017


Lumaking nakamasid
Sa tamis na sumisid
Buhay-halang di batid
Bimpo'y nanlilimahid


#
Dyord
Padre Garcia, Batangas
Mayo 12, 2017