Friday, March 8, 2019

Marso 08, 2019



Mula labing-siyam na estudynate, dalawa na lang kami ni Warren buong araw.

Gusto ko sanang fumocus sa online works, kaya lang kailangan kong tutukan Si Warren kundi walang maa-accomplish na maayos. Lahat na yata ng paraan para iorganisa ang mga gawain ay tinuro ko na. Hindi ko alam kung nag-eexpect lang ako ng masyadong mabilis na pagkatuto o ayaw talagang pagbutihin ang trabaho.

May nabago naman. T’saka mahirap humanap ng mapagkakatiwalaan sa pera.

Balik tayo sa ginawa namin today: nagtanim ng kakawate, gulay at hardin. Naghakot ng damo. Nagdilig. Naglinis. Parang ang konti lang pero hinapon talaga kami. Nakakapagod din. Malaking tulong din talaga ‘yung may manpower ka ng interns. Pero mas matahimik naman ang paligid. Hindi ako nag-iisip ng iuutos. Haha

Kaya naparami ang kain ko. Naghain si Tita Betty ng kanyang obra na sinaing na tulingan, hiniwang kamatis at nilagang baka na galing Padre Garcia. Nakailang bulos ako ng kanin. Ang sarap ng mga pagod ko ngayong araw.

#
Dyord
Marso 08, 2019
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan
Mataasnakahoy, Batangas

Thursday, March 7, 2019

Habol



Kanina sa dyip biyaheng Balete, naipit ako sa ingay ng mga kabataang hayskul. Lobat na ko kaya di makapagpalsak ng earphones at bingihin ang sarili sa Spotify. Buti na lang may dala akong libro, 56 ni Bob Ong. Tinanaw ko kung may espasyo pa ro’n sa tapat ng led lights ng dyip. Meron pa. Mapagigitnaan ako ng isang dalagita at isang lolo.

Lumipat ako. Bago pa makapuno ‘yung dyip baka makalimang paragraph pa ko nang mababasa. Mej kaya kong mag-casual reading kahit maingay. Bumunot din si lolo ng pocket-size book n’ya. Sabay kaming nagbasa sa ilalim ng puting ilaw. Unti-unting napupuno ang dyip.

Nasilip ko ang chapter na binabasa ni Lo ay How to Finish Well. Nakasalamin na s’ya pero mabilis pang maglipat ng pahina ha. Sana nagbabasa pa rin ako kahit marami na kong puting buhok. Marami naman na akong uban sa ngayon, I mean kapag uugod-ugod na ko. Tapos naisip ko ang gara pala ng mga binabasa ko lately. Bukod sa non-fic ni Bob Ong, binabasa ko rin ang ss: True Work by Justine and Michael Toms (non-fic), Lord of the Rings: Two Towers ni Tolkien (fiction), Taal Volcano Protected Landscape Management Plan ng Protected Area Management Board (environment,policy & governance), NatGeo Reviving Extinct Species, Apr. 2013 issue (science) at Activist Faith (spiritual & social science). Salit-salitan, depende sa mood ko. At marami pa ring nakapila. Diversity-stability hypothesis keme.

Kaya naghahabol kung saan may sapat na ilaw. Nakita ko ang binabasa ni Lo; Something to Smile About ni Zig Ziglar. Tungo sa mas marami pang pagbabasa, maayos na ilaw sa dyip, at di baku-bakong kalsada!