‘yung blog entry title ‘yung tagal bago ako nakauwi sa’min na isang dyip lang naman ang layo.
Bigla na lang kaming nagkasalubong sa daan ni Nikabrik. Bulleted lang ang kuwentuhan at fast forward. Saka na lang tatasahin at pagdidiskusyunan kapag nasa kusina na kami nina E-boy sa Linggo. Magkasama na nga pala sa seminaryo ‘yung dalawa ni Uloy, kinain na ng langit. Ako naman daw ay kinain na ng ‘bayan’. Malapit na rin naman yata akong umuwi ‘for good’.
Hindi naman kung anong masamang hangin ang nag-pauwi sa’kin. Isang kilo ng Tapang Garciano mula kena Tita Rose ang nagpauwi sa’kin. Wala naman akong lutuan sa bahay. Wala rin akong ref. Naisip ko, dapat man lang matikman ito nina Mama at Rr. Isa pa, unti-unti na rin akong naghahakot ng mga aklat pabalik sa bahay.
Hindi pa naluluto ang tapa ay naubusan na kami ng butane. Kaya nagparikit pa si Mama ng apoy sa labas. Ma, mukha na tayong nagluluto ng pagpag. Ang dami pa ring tambak sa paligid ng bahay. Ang taas na ng basura na nasa may pinto pa rin. Ito ang mga headlines sa pamilya namin et. al.:
a. Na-ospital si Tito Yoyon. Sa Batangas City na ito nadala noong kabilang linggo dahil wala nang tumanggap na pampublikong ospital na malapit sa’min. Sa pribado naman, puno na ang mga isolation. Gandang-ganda sina Mama sa serbisyo sa Batangas Medical Center, maya’t maya nagra-rounds ang mga doktor. May kung ano-anong kulay daw na card ‘yung mga pasyente. Nagdamot pa raw si Ate Ellen, ‘yung kinakasama ni Tito, ng mansanas nung hingin ito ng pasyenteng taga-Isla Verde dahil pauwi naman na sila. Nagka-pneumonia rin si Ate Ellen dati. Grabe naman…blah…blah..tungkol sa kung gaano kalayo ang Isla Verde.
b. Si Vernon ay nasa Taguig na nagtatrabaho. Nagma-manage pa rin ito ng online RPG account ng mga koreano. Mas malaki raw kasi ang kitaan sa Taguig. Maingay na rin ang pamangkin kong si Puti at “bite” ang tawag sa kuya n’yang si Top-top. ‘yung pamangkin ko na ipinanganak na 7 months-old lang ay burok na ngayon. Nakalimutan ko ulit ang palayaw.
c. Nagkaroon ng trick or treat sina Rr sa Central. Pinagsuot lang ni Mam Aiza ng itim na kapa, damit, at pantalon, tapos pinulbusan, supremo na raw. Wag lang di makasali ang mga differently-abled (PWD) students sa school event. Inimbitahan si Mama na umattend ng pag-oorganisa ng samahan ng may kapansanan at ng mga magulang na may anak na may kapansanan. Hindi naman daw n’ya maiwan si Rr ng tatlong araw. Isipin n’yo’y kapag kayo’y wala na! At di natuto yang si Rr mag-isa. Kayo’y mag-a-attend ng mga seminar tungkol sa mga ganyan na alam n’yo ang mga karapatan at programa para natutulungan n’yo ‘yung ibang magulang…blah…blah…blah tungkol sa community organizing.
d. Baka mawalan na ko ng trabaho. Performance rating blah..blah…blah… Hanap na lang ulit kapag natanggal. Ano pa?!
e. Nakasulong naman ng pambayad kay Ate Carla. Pero hindi na nga raw naningil simula nang maospital si Tito Yoyon. Aba! Ma, utayin n’yo yan at nakakahiyaaaa…blah…blah…blah tungkol sa debt management. Nag-fund raising daw si Mama ng pampaospital mula sa mga kamag-anak, tumulong din ‘yung kanong boyfie ni Auntie Alet.
f. Palagi na lang ding naka-noodles at itlog sina Mama at Rr. Palagi na rin kasing kasali sa suweldo sina Vernon. Madalas, si Mama pang naghahagilap ng pambiling patuka sa mga manok ni Papa. Mas mahal pa ‘yung patuka kaysa inuulam n’yo. Mabuti naman at na-peste ang 5 manok namin. Peste pa more.
g. Nagsigawan si Val at si Mrs. D. Parang hindi pa nararamihan si Mama sa sariling agenda ng buhay namin.
h. Napagawaan na rin ng pader ang banyo. Kahit medyo sala ang lapat ng haloblaks. Pero problema pa rin ang mga saksakan. Ang labo pa rin ng ilaw. Parami nang parami ang tulo sa bubong. Humihiwalay na ang ding-ding na plywood.
Nasaan ka pala nung kabilang linggo? Tawag ako nang tawag, hindi ka ma-contact.
Nagbakasyon ako sa malayong norte. At gusto ko na uling magbakasyon.
#