Ang tagal kong nawala. Okay naman buhay ko ngayon. Homeostasis. Ganap na kaayusan. Lahat nasa tamang lugar. Sapat ang pagod ng katawan para tawagin ng antok. Ihehele ng kuliglig at gigisingin ng mga huni. Pero hindi ako nahihilig magsulat. Kaunting basa lang.
Parang nahuhulog ulit ako sa ibang bagay; sa
ibang mundo. Naririnig ko na namang natatawa si Tsang Lorie dahil parang iba na
naman ang gusto kong gawin. Kung titingnan, mapalad nga ako dahil hindi lahat
kayang gawin 'yung gusto nilang gawin araw-araw. Hindi ko ipagpapalit (sa
ngayon) 'yung pagdidilig uma-umaga sa mga tanim kong hardin at gulay sa trabaho
sa isang korporasyon.
[Pero malay mo bigla na lang akong kuritin ng
buhay at magising na nagkukurbata at nagsisintas ng leather shoes at
nakikipagsapalaran muli sa Maynila. Ilalayo nama't 'wag ilalapit!]
Kaya siguro hindi na ako masyadong nagsusulat.
Maayos kasi lahat. Kapag magulo kasi ang kalendaryo ko, feeling ko naaayos ang
buhay ko kapag nagsusulat. Walang masakit. Walang pumupuyat. Pumikit saglit at
napangiti. Nanunuot kasi sa'kin ngayon na dapat magpasalamat. Na halos hindi mo
maisip kung anong masalimuot na puwedeng kasunod.
#
Dyord
Sitio Lipute, Brgy Kinalaglagan
Mataasnakahoy, Batangas
Pebrero 22, 2019