Wednesday, July 31, 2019

National Cheesecake Day



Marami kaming natrabaho ni Warren this day. Marami rin akong kinakausap na potential partners. Puwede kong sabihin na ‘yung trabaho ko ay running smoothly. Hindi stress-free pero kahit papaano’y lumilinya ang bawat planeta. Sumasang-ayon sa mga gusto kong mapangyari.

Ang gusto ko lang naman ay bumagsak ang mga activities na ayon sa kalendaryo ko. Aba, ang daming events ngayon sa Pokemon Go kaya kailangan kong isaayos ang lahat. Malapit na akong mag-level 40, sukdulan na ‘yun. Kaya gusto ko well-communicated ang lahat sa mga bibisita conservation center. Buset na buset ako sa mga CSRs na ayaw magbasa ng guidelines at gusto lang na makapag-activity basta. (Susulat ako sa devcom blog ko tungkol sa CSRs.) T’ya-tiyagain mo talagang turuan eh, may resources sila, kailangan nilang mag-comply sa kung anumang kahingian ng CSR, pero hindi kasi nila alam ang gagawin. ‘yun ang trabaho ko kaya walang dapat ika-buwisit. Tiyaga lang.

Nalaman ko National Cheesecake Day pala ngayong ika-31 ng Hulyo. Parang deserve ko namang mag-cake kahit papaano. Naisip kong lang na an’layo ko rin naman sa bayan ng Lipa. Nasa kasitio-sitioan pa ako ng Mataasnakahoy. Bawal mag-crave. Tapos, naglinis si Ate Mabel ng ref nina Ser Howie. Oo, nakikitambay lang ako sa rest house nila at mag-iisang taon na. Inilabas n’ya ang iba’t-ibang cakes na tira ng mga guests at iniuwi nina Ka Ipat. “O, ubusin mo na at mapapatapon lang are,” sabi ni Te Mabel.

Pagsilip ko, uy halo-halo yung flavor: may red velvet, triple chocolate, strawberry at ang hinahanap-hanap kong blueberry cheesecake! Nagpainit pa si Ate Mabel ng kapeng barako. Kapag ganito nang ganito, lilipat na ko ng trabaho kena Ka Ipat bilang ref cleaner, kahit part-time lang.

#

Hulyo 31, 2019
Dyord
Kapusod, Mataasnakahoy, Batangas


Tuesday, July 30, 2019

Bigla na lang



Bigla na lang akong hindi antukin. Nangangamba sa wala. Normal lang naman ang nilaklak kong kape ngayong araw pero may kabog sa dibdib. Pasado hating gabi na. Kung sinu-sinong sinisilip ko na Facebook profile na wala naman akong mga pakialam at all.

Wala masyadong pressure at work. Siguro may konting achievement addiction ako. Tapos, ilang taon na at wala kang nakukuhang ikakataas ng noo. Ilang beses na rin kasi akong natatalo sa international essay writing contests. Konti lang yung kurot kapag nakakatanggap ng sorry e-mails pero ngayon ko yata nararamdaman lahat. Baka naman normie ka lang talaga na nagpapaka intelectual. Parang ganito na hindi yung pangamba. Naiinip din siguro na walang nangyayaring makulay. Ako rin naman ang nagsabi sa sarili kong magbumagal pero parang ang kupad-kupad ko naman masyado baka wala na kong marating.

Masaya ako sa pinagkakaabalahan ko ngayon. Subsob kung subsob, napatigil lang ng tatlong araw para magpahinga at kapit-talaba na agad ang takot. Walang kabagay-bagay kung tutuusin. Tulog lang sana ang katapat. Nakailang hikab na pero dilat pa rin.

Bago matulog kailangan ko pang kumbinsihin ang sarili ko na una, ang ako ay hindi lang kung anong bahaghari ang bumalot sa buhay ko. Pangalawa, kasama sa kaakuhan ko ang pagyakap sa makukulimlim na araw. Pangatlo, ang pagong kahit makupad ay umuusad.

Gusto ko nang magpakapagod bukas.