Tuesday, July 30, 2019

Bigla na lang



Bigla na lang akong hindi antukin. Nangangamba sa wala. Normal lang naman ang nilaklak kong kape ngayong araw pero may kabog sa dibdib. Pasado hating gabi na. Kung sinu-sinong sinisilip ko na Facebook profile na wala naman akong mga pakialam at all.

Wala masyadong pressure at work. Siguro may konting achievement addiction ako. Tapos, ilang taon na at wala kang nakukuhang ikakataas ng noo. Ilang beses na rin kasi akong natatalo sa international essay writing contests. Konti lang yung kurot kapag nakakatanggap ng sorry e-mails pero ngayon ko yata nararamdaman lahat. Baka naman normie ka lang talaga na nagpapaka intelectual. Parang ganito na hindi yung pangamba. Naiinip din siguro na walang nangyayaring makulay. Ako rin naman ang nagsabi sa sarili kong magbumagal pero parang ang kupad-kupad ko naman masyado baka wala na kong marating.

Masaya ako sa pinagkakaabalahan ko ngayon. Subsob kung subsob, napatigil lang ng tatlong araw para magpahinga at kapit-talaba na agad ang takot. Walang kabagay-bagay kung tutuusin. Tulog lang sana ang katapat. Nakailang hikab na pero dilat pa rin.

Bago matulog kailangan ko pang kumbinsihin ang sarili ko na una, ang ako ay hindi lang kung anong bahaghari ang bumalot sa buhay ko. Pangalawa, kasama sa kaakuhan ko ang pagyakap sa makukulimlim na araw. Pangatlo, ang pagong kahit makupad ay umuusad.

Gusto ko nang magpakapagod bukas.

No comments: