Kakatapos lang ng TintaCon IV.
Noong umaga, chinat ko si Pusa na hindi maayos pakiramdam ko today. Feeling ko ang daming tao at ayokong makipag-socialize. Napapagod na agad ako. Gumagawa pa raw s’ya ng lecture slides ngayong umaga, mamayang 1pm ang sessions namin. Tara, back out tayo?
Hindi naman s’ya pumatol, so pinilit ko pa ring maligo at magbihis. Ang pinaka magandang nabihis ko na ay simpleng shirt at board shorts. Nagtsinelas ako. Noong una ko namang inorganize ang TintaCon, nagtsinelas lang din ako.
Wala akong gana, ayoko nang magsalita sa unahan. Mas kaunti naman ang tao kapag break out sessions, mga bata lang. Okay na ‘to. Maganda naman ‘yung slides ko.
Ewan ko, hindi na ako as passionate as before. Oo, ‘yun nga. Iba na ang passion ko. Iba na ‘yung pintig sa araw-araw. Pero mahalaga pa rin na maging accessible ‘yung journalism sa mas maraming kabataan sa probinsya. Kaya naman kasi naging passion ko ‘yung passion ko ngayon ay dahil sa pagdyadyaryo. At hindi laging may campus journalism capbuild sa probinsya. Mahal. Lalo na sa para sa demographics ng mga mag-aaral sa mga bukid-bukid. Ang TintaCon ay hindi tungkol sa’kin o sa Traviesa, isa nang komunidad. Wala na nga halos akong ikinilos dito, ngak-ngak lang. Everyone just played their roles. Kaya pinilit kong maligo talaga.
May mga galing pa sa Mulanay at Calauag, Quezon. Anong oras sila bumiyahe? Meron din galing sa mga bukid-bukid ng Tiaong. Putek! May interest na rin sila for journ sa mga schools nila. ‘yung iba kasi wala pang papers pero nagpadala na ng mga bata, ‘yung iba advisers lang muna. Wala naman kaming DepEd order, kolorum ang aming keminar, pero umabot kami ng 300+ participants at Linggo pa. Ano itong ginawa namin?
Pagdiriwang na rin pala ang TintaCon IV ng Trav X, ika-sampung anibersaryo ng Traviesa, ang maliit naming pahayagan sa Southern Luzon State University. Ang daming bagong mukha na hindi ko na kilala. Ang dami nang staffers na publication advisers na ngayon na nagkalat sa Quezon. Sila-sila rin ang naglalaban-laban talaga ngayon. Tawang-tawa ako sa pagka-stage teachers nila everytime na tatawagin ‘yung bata nila for an award. Parang nanalo lotto, kapirasong metal at papel lang naman ‘yung award at mas mahal pa nga ‘yung mga items sa raffle.
“Ganyan din tayo dati ha,” paalala ni Ser Ron. Kaya ako tawang-tawa, isa ako sa mga batang ito dati na nabigyan ng platform, ng access, ng chance para mag-explore at mag-practice ng craft. Tingnan mo ngayon, wala pa rin akong nararating in life. haha. Salamat sa lahat, lahat, lahat; sa pinag-ambagan ng maliliit nating mga kapangyarihan!
Pagkatapos umuwi ako kena Clowee, nagkape at nag-Nintendo and Chill kami hanggang alas-dose!