Tuesday, November 30, 2021

riles4


(pinto/pintuan)

tadtad lagi ng sticker ang pinto ng bahay namin. kung ano-anong census, survey, mapping bago pa man maisabatas ang community-based mapping system puro na paskin ang pinto namin. 

parehong pinto simula noong Grade 5 kami. nabaklas na ng bagyo't baha pinupulot lang namin. tuklap na ang balat ng kahoy. walang lock. nakatagilid na't alanganin na uling mabaklas. galing pala sa kusina ito nilipat lang sa harapan. 

1. rotary sticker. kulay orange. may simbolo ng PWD. may all caps na PRIORITY. may tag line na walang iwanan. krisis ng pandemya nang maabutan kami ng mga rotarian ng ayudang mga pagkain. bukod dyan, di ko alam kung bakit kailangan lagyan kami ng sticker.

2. Digital Mapping and Household Profiling. may logo ng PNR at DOTR. 2021-LLG3-282 ang code. minamapa ang dadaanan ng demolisyon para sa pagbubuhay ng biyahe ng tren. kasama kami sa mga bahay na masasagasaan. tinanong ang kalagayang sosyo-ekonomikal, kubeta, kuryente, materyales ng bahay. ginagawa ko rin ito sa DSWD bakit di pa naghingian na lang ng datos? marahil ibang bulnerabilidad at sukatan ng "pagiging mahirap" ang mayron sa Kagawaran.

2.a China Railway Design Corporation (CRDC) ay kasama ng sticker ng PNR at DOTR. ito yata yung kinomisyon ng Pilipinas na gumawa ng panibagong siste ng byahe ng tren na magdudugsong sa Bikol sa Maynila.

serial no: S-07-453
structure: wood


3. National Census ng PSA sticker. 

enumeration area number: 008000
bldg serial no. : 0306
housing unit serial no. : 0255
household serial no. : 0257

nume-numero lang. ni hindi nga namin magamit para indikasyon sa mga pa-deliver sa bahay. 'yung bahay namin hindi madaling makita. lalo na kapag nasa istatistika na lang na kasama ng iba pang mga bilang. 

Monday, November 29, 2021

riles3

bumibili ako ng shampoo nang marinig ko ang malungkot na "Jord, aalis na tayo," sabi ni ka denia; 'yung may ari ng sari-sari store. kausap nya 'yung renowned marites sa sitio na tabing-riles. tuloy na ang demolisyon ng mga bahayan paliwanag nila. kahit pa may pandemya. wala naman akong nasagot at hindi naman kami close nang may tindahan bagamat mabuti naman kaming magkapit-bahay. at ano namang isasagot ko? 

Sunday, November 28, 2021

Almost Annual Assembly (or Buhay pa pala ang Friendship na 'to)


Nagkita-kita ulit kaming magkakaibigan nung college: si Adipose Perlita at Rodora. Dalawang taon din na hindi ko nakausap ang tatlo. Kinidnap nga kasi ako ng mga alien nang dalawang taon ayon sa aking bersyon ng realidad. Ngayon lang uli ako ibinaba ng mga alien para makipagkapwa. Magkita-kita tayo nang maaga kasi di ako pwedeng gabihin gaya ng dati na may bus at hindi ko sure ang last trip ng Tiaong-Candelaria. Isang dyip o isang bus lang ang pagitan namin.

Maaga kaming nagkita-kita nina Ate Tin dahil bumili pa kami ng mga pagkain, fast food lahat at isang cake na may birthday tag na: Perlita. Nag-uumpisa nang magkwento si Ate Tin sa daan pa lang kaso pinigilan ko kasi baka ulitin na naman pagdating kena Perlita. Tinawagan nya si Rodora para daanan kami dahil taga-Candelaria lang din naman.

Rodora in Grey Estrada

Dumating si Rodora na minamaneho ang bagong Estrada. Two years ago kulay pula ang sasakyan nya at hindi ganito kakintab ngayon. Nakapag-area na s'ya kaninang umaga pa kaya bakante na. "Ang yaman mo na," sabi ko habang sumasakay sa driver seat at inaamoy ang bango ng kotse nya. Napagtange naman ako ni Rodora. Napag-usapan namin yung road trip nila noong July kasama ng iba pang kaklase. Nakapagtapos na pala ng Masteral si Hawen. Nag-aaral na si Sky at ayaw pa nyang sundan ito.

Papasok sa village nina Perlita. Ihanda ko na raw ang seatbelt sa mga kwento na naipon sa loob ng dalawang taon na wala akong balita sa outside world. "Kumusta na kaya si Ara, malaki na kaya ang tiyan nun?" sabi ni Rods. Bakit buntis? *silence "Buntis nga?!" inulit ko pa yung tanong. Tumawa na si Ate Tin na nananahimik kanina pa at ayaw n'ya raw na sa kanya manggaling sana. Tatawa-tawa si Rods sa pagkadulas. "So pano mamaya? Mag-aacting pa ko na magugulat?" hindi ko kaya, isusumbong ko kayo na tsinismis nyo si Perlita kahit 3 mins na lang at malalaman ko rin naman na.

Perlita and her Womb

Ayun, babae nga ang kaibigan namin dahil buntis nga ito. Pabalik na sa Japan  sana uli nang magpositibo hindi sa antigen test kundi sa pregnancy test kaya ayun nasa bahay. Hindi sya interesado sa kasal, wala namang kaso sa'min kaya lang nakataas na agad ang kilay ko dahil alam kong taong simbahan sina Tya Dolly (mama nya) at ibang usapin 'yun.

Doble kayod daw ang nakabuntis sa kanya (jowa nya). Hindi na raw natuloy yung plano naming mag-roadtrip sa Tagaytay kasama ng jowa nya. Puwede naman daw na sasakyan ni Rodora ang gamitin kaso ay kaya raw bang bumiyahe ng ganung tiyan. Kahit kailan daw basta Sabado o Linggo ay puwedeng mag-drive paakyat sa Tagaytay si Rods. Ano namang makikita ko sa Tagaytay? Bulkang Taal pa rin?


Daming Naganap

Kinuwento ko rin kung ano na bang pinaggagawa ko sa loob ng dalawang taon. Kung paanong nagsisimula pa lang uli dahil sa dagok ng pandemya. Kinuwento ko rin na medyo alam ko naman 'yung ilang kuwento sa buhay nila. Nabalitaan ko na namatay na sa cancer ang tatay ni Ate Tin. Na nakauwi na si Perlita sa Pilipinas. Na kasabay uli ang kaarawan ni Rodora at paggunita sa pagtama ni Yolanda. Pero sinadya ko rin di makipag-usap sa mga tao.

Kapapanganak lang din daw ni Bibe, kambal! Nag-dayoff lang si Ate Tin para makipagkuwentuhan samin. Inaaway na sila sa usapin ng lupa kahit wala pang babang-luksaan ng tatay nya. Kinasal na si ganito. Namatay na ang nanay ni ganito. Naaksidente si ganyan. May anak na si ganito. Nagme-maintenance na si ganyan. Nakapag-masteral na si ganyan. Taga-react lang ako sa lahat ng nangyari na kung tutuusin hindi rin naman relevant sa buhay ng isa't isa at puwedeng mangyari lang nang di mo alam at yun dere-deretso pa rin 'yung buhay ng mga tao.

Lumipat kami sa labas ng bahay nina Perlita para tumambay lang uli. Ang sarap lang magpagani-ganito no? Kung malapit lang kami edi mas madaling makitambay. Hindi pa pwedeng gabihin ngayon dahil mahirap ang byahe ng dyip, di ko alam ang last trip. Di ko pa rin alam kung saan pwede sumakay ng bus. Di gaya dati na kahit pahating-gabi na e pwede kaming maghiwa-hiwalay.

Nilabas din pala ni Perlita ang pasalubong nya sa'kin galing Japan. Maliit na notepad, ilang stickers at may chocolate bar na wag ko na raw kainin dahil may amag na. Kinain pa rin naman namin sa bahay dahil pagkaamoy ko, wala pa namang amag, sayang. Babalik pa raw sya pagkaanak nya kailangan nyang bumalik dahil nakapirma sya ng kontrata "or else makukulong" sabi ni Perlita.

Uwian na

Papunta sina Tya Dolly sa bayan kaya sasabay na ako pag-uwi. Sayang din ang trenta pesos sa traysikel no. Hindi ko alam kung kailan kami magkikita-kita uli. O kung matutuloy ba ang Tagaytay na byahe. O kung kailan ba manganganak si Perlita. Pero ganun lang kabilis ang dalawang taon pala. Buhay pa pala ang friendship na ito salamat naman sa matiyaga na nag-oorganisa na si Ate Tin.

#


Tuesday, November 23, 2021

Habang Wala Pang Matino

 Hindi ako fan ng small talks.

Mahaba akong mag-reply.

Tinaguan ko ang tanong na “kumusta?!” sa pagsisimula ng Zoomocene period. Mangyaring sabihin lang agad-agad nang walang paligoy-ligoy; nang walang mga paimbabaw na pangungumusta. Kung ano-anong mga ganap sa loob ng isang taon para lang manatiling matino sa panahong nililigalig tayo ng buang na daigdig. Nakakalokang isipin kung saan ka lulugar sa pagitan ng pagtapik sa balikat dahil “ayos lang ‘yan basta’t buhay ka sa ngayon” o sa pag-uumpisang aralin ang mga bagong silang na mga agos.

Habang wala pang matino bukod sa mga pantasya ng mga pangsalba ng sariling katinuan na mga proyekto, humanap kami ng mga pag-uubusan ng ekstra-ekstrang oras, talino’t lakas. Ambag na rin sa pagtutulak sa natapilok na ekonomiya. Si Tita Cars, na bukod sa nagtitinda ng ispageti sa kanilang village ay nagbabato rin sa’kin ng mga raket na dapat pagpasahan ng resume.

Mood. Sa mahigit 355 entries (as of June 13), nasa average ako ng 3.5 (41%) sa tala-damdaman (moodtracker) ay kasing bughaw ng tahimik na dagat. Ang Okay ay: ‘yung mga karaniwang gising, pagkabagot, pagkatapos kumain, kaunting lungkot, hindi masarap na ulam. Luntiang gubat ang kadalasang damdamin kung Biyernes.

Nakatanggap ako ng isang raket na transkripsyon ng ilang panayam sa mga nanay sa Addition Hills. Para akong balik-kagawaran [DSWD] dahil sa ingay ng komunidad habang nasa isang focus group discussion. Ang challenge ay naririnig ko rin ang dramarama sa hapon sa recording kasabay ng mga pananaw nila sa programa ng gobyerno. Kahit wala akong nakikita, naririnig kong magkakadikit ang mga bahay sa Addition Hills at magkakalapit ang mga tao kung paano nila pakitunguhan ang isa’t isa sa loob ng diskurso. Simula noon, laging nasusugagaan ang mga balita tungkol sa Addition Hills kesyo nasunugan ang ilang daang residente idagdag pang naging hotspot ng hawahan.

Nakatanggap din ng raket tungkol sa first 1000 days ng mga bagong silang, kung gaano kalayo ang bahay sa barangay health center, kung anong natutunan tungkol sa nutrisyon, gaano kadalas ang pagpapatingin, mga balakid kung bakit hindi nakapagpapasuso. Hindi makahabol ang pagtipa ng titik sa rehistro ng salita mula sa pinakikinggang panayam. Nakikita ko si Nanay A na naglalakad kasama ang anak na biglang pumara ng trasyikel dahil sobrang init o kaya’y biglang bumuhos ang ulan. Napansin namin ni Tita Cars na ang bagal naming mag-transcribe dahil nahuhuli namin ang sariling nag-eevaluate ng mga implikasyon ng pagkaantala ng mga programang pangkalusugan. Bubuntong-hininga na lang at iisiping basta’t ang mahalaga sa ngayon ay manatiling buhay.

Mood. ‘yung rehiyon na kulay ube ay indikasyon ng lungkot baka dahil sa magandang pelikula rin, mga rejected project proposals, balitang badtrip at mga pakiramdam na parang ang daming dapat gawin kahit wala namang talagang gagawin kundi matulog lang sana. Kung hindi ko mapangalanan ang mga palapag ng pakiramdam, edi ‘ayan kulayan.

Tumanggap din ako ng isang raket na sa wakas ay kinailangang lumabas para makipag-usap. Inusisa ang ilang taong gobyerno kung anu-ano at paano ang mga adaptasyon na isinasagawa ng isang siyudad kahit noong hindi pa ganito ang kalagayan. Mas naging abala ang mga tao ngayon dahil pwede ka nang umattend ng dalawang meeting nang magkasabay dahil nga nasa Zoomocene period. May mga restriksyon at rekusitos pa rin sa pakikipag-usap. Nakapanayam ako nang may harang na plastic sheet at sumasagot ang kausap gamit ang isang radyo. Nahinto rin ang pag-uusap dahil ilang minuto lang ang nakalaan kada kliyente.

Habang wala pang matino, naging suki rin ako ng ilang fellowships sa pag-asang magawa ang mga nasulat kong projects noong isang taon pa. Nag-exhibit ako ng Quarantine Phases sa graduation rites ng isang fellowship na documented at doodled kong mga mukha habang unstable at nag-eevolve ang pinakamahabang lockdown sa daigdig. Sa isang pitching exercise, gumamit ako ng degradasyon ng ugnayan bilang ugat ng degradasyon ng kalikasan na “mabibigat na mga salita” ayon sa isang science community. Ang pagpapatintero ko sa pagitan ng agham panlipunan, gawaing pangkanayunan, tula at ekolohiya ay nagpapalabo sa mga pagitan na gusto kong gawin. Iniisip ko tuloy kung may “ordinaryong mamamayan” na dapat kausapin kailangan bang isipin kong maliit lang kung di man makitid ang pagsasalinan. Ordinaryo lang din ba ang kayang isipin ng ordinaryong mamamayan, walang lugar sa paglilimi, pagtatanong at pagdududa? Ang direskyon lang ba talaga ng pagsasalin ng siyensya ay mula taas-pababa? Inaalala ko kung nakakita ba ko dati ng ordinaryong tao sa mga ordinaryong komunidad.

Emotion Count. Anim na raan at animnapu’t siyam (669) na dami ng mga damdaming naitala sa loob lang ng kalahating taon. Minsan ang mga kulay ng damdamin ay hindi hiwa-hiwalay bagkos ay sapin-sapin. Ang tendency chart ko ay ibang paraan para sabihing ang “okay lang” ay correlation ng kung anong nangyari, nangyayari sa paligid gaya ng metyorolohikal na panahon o sosyo-politikal na klima, anong kinonsumo (pagkain/pelikula/panitikan), at anong ginawa ko at gustong mapangyari- ang totoong dramarama.

Ang hirap lang ding lumikha ng daloy. Lalo na kung wala kang pagpipiliang espasyo kundi kasama nang mga ayaw mong makarinig sana sa mga sinasabi. Kung bakit pinapanood ako habang nagsusulat, hindi naman ako nagtatanghal. Ikapipigtal ng pisi mo ay kapag sumasagwan ka na sa bukana ng daloy ay bigla kang hahanapan ng nail cutter Hindi mas mahalaga ang adbokasiya, trabaho, o anumang -ismo na inilalako mo sa screen kaysa sa kuko na kailangan nang putulin.

Sleep & Restedness. May mga pagtulog na hindi pahinga kundi pagpikit lang. May mga gising na parang kaya mong mag-isod ng mga bundok. May magdamag na inabangan ko lang ang araw. May mga tulog sa tanghali na akala mo gabi. Pinaka mahahabang tulog sa Marso at pinaka nakahinga ang Pebrero.

Nanakawin mo pa ang mga gabi habang tulog ang lahat, na parang gumagawa ka ng mga kabalbalan. Habang ninanamnam ang kuliglig o ulan dahil deserve mo ‘yun habang nagsusulat ay biglang gugulatin ka ng mga malalagong na “huy! matulog ka na!”. Hihinga ka nang malalim para ipaliwanag na ito ay “Geographical Mapping of Memories of a Freshwater Ecosystem” o “Virtual River Navigation as a Communal Experience” parang channelling oral tradition sa paglalakad lang sa baybay ilog Ma! Pero huli na ang lahat, nagawa na ang krimen: napagsasaksak na ang kaisa-isang musang dumalaw sa isang iglap na “huy!”. Hindi ko alam kung paraan ng langit para gisingin ako sa pananaginip na ang mga sinusulat ay nasa panahon ng mga hindi maaari. Siguro paraan ko rin lang ito ng paglalandi habang wala pang matino.



shortlisted for PKL Foundation Award for Art Criticism 2021

Masaya rin namang magtupi-tupi ng mga bangkang papel.