Tuesday, January 30, 2024

Kapag Hindi na Absurd ang Sumusunod:

Kapag Hindi na Absurd ang Sumusunod:

1.   Tanghaling Tapat sa Aurora Boulevard

2.   Ama Namin Remix

3.   Talulot sa Tenga ni Totoy

 



1.

sasaglit sa luntiang lunan ng lungsod na dinisenyo para sa dibidendo. sa pilosopiya ngayon ng siyudad, pabaya kung gubat at praktikal kung gusali. munting luho ang mga parke ng puno, at rebolusyon ang pagtigil. may ‘matik na kwentang magiging mas mahirap ng 76 piso per ora ng paghinto. kukutibin ang binalot na tanghalian. huhuni sa mga tariktik at katala sa mga hawla. sisitsit sa mga sawa at iba pang rescued na reptilyang nakasanayan ang sikip ng parisukat na gubat. nabihasa sa siguradong rasyon na kahit papano’y sinisilensyo ang burog ng sikmura. paano ang iba pang mga gutom. papasok na uli sa gusali pagkat ‘yun ang praktikal. hanggang muling maghingalo sa ginhawa. kung sakmalin kaya ng gubat ang mga gusali, lingkisin ng lunti ang lungsod; kung nalalakad na ang Aurora Boulevard nang tanghaling tapat, umuusad ang pilosopiya mula dibidendo tungo sa sensibilidad, mailalahok na ang iba pang ‘taga-siyudad’ sa disenyo.

 

 


2.

kapag hindi na nakakatisod ang Ama Namin remix. kapag mas may kapangyarihan na ang may sinapupunan sa kanyang sinapupunan. kapag ang nasa pagitan ng hita’y hindi na indikasyon ng kanyang pribilehiyo. kapag hindi na tingi-tingi na voucher mula sa sandaang opisina ang ibabayad sa ospital. kapag may kakanin nang lahat sa araw-araw. kapag hindi na mesiyas ang hinahanap t’wing ikatlong Mayo. kapag hindi na natin pinapahintulutan ang mga nagkakasala sa atin. kapag hindi na tayo pikon sa pakikipagdayalogo at paghihimay ng mga pinagkaiba. kapag ang katotohanan ay hindi na kung alin ang pinaka maingay, kapag may mas oras na tayong magtanong-tanong kapag lingid sa kaalaman. kapag hindi na matarik na pahalang ang lipunan at sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay nagkukumahog tayo sa tuktok.

kapag may malasakit na tayo para i-adya ang kapwa sa lahat ng masama.




 

3.

Kung sana’y may talulot din sa tenga ni totoy na malayo sa tinik ng tukso,
ay mas may yumi ang bawat pagtapak sa damuhan

Kung lilimiing maigi ang pagkasamut-sari, may lalim ng unawang bubukal sa kaiksian 
ng paghihintay sa pagitan ng ani’t tag-araw at pagkukumahog na mamukadkad

Kung sasabog ng bulaklak si totoy sa Flores de Mayo, at aawit sa halimuyak ng sampaguita,
ilang-ilang at calachuchi 
mas magiging ligtas ang mga eskinita para sa mga birhen

Kung diringgin ang alingawngaw ng dalampasigan sa mga nalikay na mga sigay
habang ang mga sakong 
ay bumabaon sa buhangin, marahan sa pagkapuyos

May yumi sana kung may talulot din sa tenga ni totoy  
Hindi uulan ng apoy sa lambak sa Faqqua*
Litanya ng mga liryo’y lumadlad

 


*Faqqua ay isang pamayanan sa Green Line sa may bundok ng Gilboa sa lupain ng Palestina


#













Ang mga tula ay lahok sa Saranggola Awards 13.