Puro na mga tao ang kaharap ko buong linggo simula pa Martes. Tinanggap ko naman 'yung work ko kasi akala ko 2x a month lang ako kailangan sa opisina. Pero ayun, need na need din talagang harapin yung mga tao lalo na kung kailangan may pagkasunduan o pagtalunan sa trabaho.
Tapos, sapin-sapin na ang online meetings habang nasa pila ako sa temporary releasing office ng DFA sa Rob para sa renewal ng passport. Ikinuha ko na nga ng serbisyo sa travel/processing agency kasi nga hindi ko na kaya at masaya naman ako na nakahanda na lahat para sa appointment: may ilang kopya ng resibo, application form, at mga bilin bago pumunta sa date ng appointment. Pagdating naman sa Robinson, malinaw at nakatagalog ang mga paskin ng process flow o steps na susunduan ng nag-aasikaso bukod pa sa mga bilin ng personnel kada station. Mas maluwag na, maayos, mabilis ang DFA kumpara 5 years ago na huli akong kumuha bago pa baguhin ni Du30 ang validity ng passport. Imagine, sa susunod na dekada ko pa ulit makikita yung cute na employee ng DFA. Regular na siguro yun, may pamilya na o kaya may tiyan na rin. Kudos naman sa tanggapan ng gobyerno na nag-iimprove ang serbisyo.
Habang naglalakad papuntang Step 2 at nakikinig sa meeting sa opisina, bigla akong napatanong, shet tumigil ba ang ikot ng daigdig bakit walang gumagalaw sa mga kliyente, store attendants, empleyado, hanggang naririnig ko na pala ang Lupang Hinirang; napahinto agad ako. Nakakahiya ako lang ang gumagalaw nakailang linya na yung pambansang awit. Nakakaiyak din na lahat naman pala tayo may paggalang pa sa mga simbolo na nagbubuklod satin. Kailangan lang talaga ng passport nung iba para umalis at siguro'y maghanap ng mas maayos na oportunidad sa ibang bansa. 'yung isang nagtitinda nga nakakamay sa dibdib at kumakanta kahit walang watawat. Lahat naman tayo ay hihinto sa unang kumpas pa lang pambansang awit. Hindi na lang ako umiyak kasi baka isipin ng mga tao magsa-Saudi ako at may maiiwan akong pamilya sa Pilipinas.
No comments:
Post a Comment