Gumawa lang ako ng mga pa-thank you cards sa opisina kanina. Ibibigay ko sa mga malaki ang naitulong sa Programa na mga nanay; mga nakasama kong magbahay-bahay, maningil ng ayaw maghulog, mamertdeyan, mamiyestahan, at hanggang sa lamayan. Mag-iiwan na rin ako ng ilang pa-thank you cards sa piling mga katrabaho ko sa gobyerno. Ang daming dapat bigyan sa totoo lang, kaso kulang na ang specialty board ko sa opisina. Nagkamali pa ako ng lay-out at print. Tinigilan ko na rin muna nang mabadtrip ako sa pagsusukat. Kinuha ko lang din ‘yung papasko ni Mayora na payong, papasko ni Bokal na groseri, at papasko ni Mam Galela na polo shirt.
Papunta na kami nina Mama at Rr sa Rob. Umuwi rin kase ‘ko sa’min kagabi. Nakita kong butane pa rin ang ginagamit namin. Lalo namang mahal ang gastos sa isang lata ng butane at paulit-ulit bumi-bumili sa isang buwan. Delikado na rin ‘yung burner ng butane. Isang maling saltik, parang masasabugan na ang kamay ng magsisindi ng apoy. Ang dahilan ni Mama kaya nagtitingi-tingi sa panglutong gas ay walang pambili ng bagong burner ng lpg. Ang labo rin ng mga 25 watts na ilaw. Kaya sabi ko ay sumama na sa’kin sa Rob kasi may passport appointment din naman ako.
Bumili ako ng isang stainless steel na lpg burner at apat na led na bumbilya para sa bahay. Binilhan ko rin si Mama ng Mother Dear, ‘yung aklat ni Candy Pangilinan tungko sa pagiging isang nanay ng batang may special needs. Kumain kami sa di masyadong matao na kainan. Minsan lang sila kumain dito ni Rr. Tapos, nagpanghimagas kami sa isang coffee shop. Umorder ako ng isang barako cup kay Mama, Choco Java Chip frappe kay Rr, at ang all-time-favorite kong Vanilla Latte; matched with brownies at Ferrero cake. Ang nanay ko tumanong na nang tumanong ng presyo. Wala na tayong pambiling gasul n’yan. Pagka-serve ng order namin, pumiktyur na si Mama nang pumiktyur na parang nagfi-fieldtrip. Piktyur kay Rr. Piktyur sa kape. Gusto ko sanang sawayin si Mama kaya lang ang daming tao. Next time, mag-oorientation talaga muna kami.
Naghiwalay kami sa sakayan ng dyip. Biyaheng Tiaong ang sinakyan nina Mama at biyaheng Garcia lang ang sinakyan ko. May ilang araw pa akong nalalabi sa upa ko sa bahay. Ihahanda ko lang lahat ng iiwanan ko sa Garcia at dadalhin pauwi. Maya-maya nang makarating na sila sa bahay, nag-text na si Mama; “Ang liwanag ng ilaw, pwd magbasa kahit sa kwarto”.
Marami rin talaga akong babasahin pag-uwi.
#
Dyord
Disyembre 22, 2017
White House
No comments:
Post a Comment