Friday, August 31, 2018

Tungkol sa Comments & Suggestions


Hindi na ako maka-reply sa comments section.

Siguro dahil nagtanggal na ako ng Google Plus account. Hindi ko rin naman napapakinabangan. Malapit na rin akong tuluyang mawala sa Facebook. Nagbabawas na ng net presence. Blogs na lang ang gusto kong atupagin talaga.

Kaya kung may comments or suggestions ka, puwede mo naman akong i-e-mail sa idyordnal@gmail.com.

Saturday, August 18, 2018

Nagparamdam



 Nasa isang research assignment ako sa Occidental Mindoro. Tumuloy ako sa isang maliit na hotel ako sa bayan ng San Jose. Nahiya naman ako sa NGO kasi deluxe ‘yung kwarto ko nung isang gabi, queen size bed para sa nag-iisang nilalang. ‘yun rin kasi ang advise e, kaya lang wala na palang standard room. Dahil nakapahinga naman na ako, naghanap ako ng mura-mura, ‘yung malapit sa palengke.


Eto na, nasa ikatlong palapag ang kuwarto na nakuha ko. May hot shower at wi-fi naman. Maliit na kama at katsang kumot. May pakape rin naman at nilabong itlog sa umaga. Okay na ‘to, kalahati ng deluxe na room ang presyo. Pag-aaral kasama ng mga katutubo ang ipinunta ko rito, nakakakonsensyang mag-inarte di ba?

Bandang alas dos pasado ng madaling araw, bigla na lang akong nagising. Dilat na dilat na para bang di ako galing sa malalim na tulog. Madilim ang kuwarto at patay ang erkon. Pero nakakarinig ako ng ingay. Hindi ako makagalaw. Paano kung me magnanakaw? Natiktikan pala ako nang kumuha ako ng pera sa Palawan? Ladlad na ladlad ang pagbibilang ko ng bente singko mil sa karamihan ng tao sa padalahan. Paano kung pinatay ang kuryente at looban ako? E kung nasa kuwarto ko na pala at kinakapa ang pera sa loob ng bag ko? Akala lang n’ya tulog ako. May mga naririnig kasi akong kaluskos.

Kung hindi pala magnanakaw? Ano? Kanino yung naririnig kong mga apak ng paa sa sahig? Ilan ba kaming naka-check in dito? Sulit ba ang kapalit ng pagtitipid ko? Nakawan na lang sana ako at wag na akong gisingin kahit gising naman talaga ko. Baka atakihin ako sa puso pag biglang may humawak sa paa ko ngayon. Pero ayokong mamili sa magnanakaw o multo.

Biglang nagkailaw, walang tao at sarado naman ang pinto ko. Umungol ang makina ng erkon. Kinapa ko yung selpon ko sa ulunan. May isang text ni Mama:

“wla n tau gsul jord,kmusta kn jan.ndi k man lang nagparamdam”

Isang linggo na ako sa Mindoro, ngayon lang nangamusta si Mama. Pero di na ako nagulat na naubusan na kami ng gasul, kasi Enero ko pa binili ‘yun e. Mabuti na lang may raket na ulit ako nang maubos.

Kinuwento ko kay Rich, mula sa partner NGO ng researcher, ang nangyari sa hotel; siya rin kasi ang pauli-uli dito sa kalakhang Mindoro. May nagpaparamdam daw talaga sa hotel na ‘yun.

Meron nga.

Friday, August 3, 2018

Late, Late Show with the Titas of Batangas


‘Meet the Titas of Batangas’ ang isa sa mga nasa to-do-list ko that day - Hulyo 26.
Mga dating kasama sa trabaho sina Tsang Lorie, Tita Mildred, at Honey; mga hingian ko ng tissue, gamot sa sakit ng ulo, crackers or minsan pa nga sandwich na nasa resealable ziplock. Matagal na kong pinapatulog sa kanilang apartment at magyayabangan. Just like the old times.
Naghanda muna kami ni Tita Mildred ng hapunan. Bumili ako ng sukang Pinakurat. Tapos, sinamahan ko si Tita Mildred mo na bumili ng ginisang munggo at tuyo sa Levi town. Puwede namang mag-munggo kahit hindi pa Biyernes. Magsasaing na lang sa bahay.
Pagdating namin sa apartment, andun na si Tsang, kakarating lang. Masakit ang kung anuman at umupo sa kanyang collapsible chair. Agahan pa raw ag huling kain n’ya. “Hindi ka na umiinom ng gamot Ate Lors?” pagtataas ko ng kilay. “Hindi pa nga ulit ako nakakapagpa-check up,” sabi ni Ate Lors habang nasa kuwarto s’ya at nasa may kusina ako. “Tatapusin ko lang muna areng trabaho,” dagdag pa n’ya. “Aba’y hindi nauubos iyan!” sabi ko. Napapagalitan na nga raw s’ya sa bahay at pinapalala ang sakit ay wala naman daw s’yang pampaospital.
Bumili pa si Tsang ng sisig. Di ko na tinanong kung bawal o hindi sa kanya. Bago kumain dumating si Honey, hindi ko alam kung saan galing. I doubt kung pumasok talaga ito ng opisina o nag-uniform lang. Nag-report na s’ya ng mga latest Holywood chika. Pinagkuwentuhan din namin ang I, Tonya. Bago kumain sinabi n’yang s’ya raw ang maghuhugas pagkatapos. Needless to say that naman. Pinaubos na sa’kin ang sisig at munggo dahil hindi naman daw uuwi si Boots ng apartment.
Off the record na lang muna ang mga usapin sa Kagawaran. Walang mabuting balita. Wala, wala kahit isa. After ko pa lang mawala this year, tatlo pang katrabaho ko ang nasa outside world na rin. Kako, magkuwento na lang kayo ng lovelife. *katahimikan for 2 seconds
“So ayun na nga Jord..” si Honey. Hagalpakan kami ng tawa. “You know naman, bawal tayong mabakante,” si Honey ulit.  “Parang totoo,” sabi ni Tita Mildred mo. Na-miss ko rin yung ganitong klase ng humor at tawanan. Sa iba’t ibang circle of friends kasi natin may iba-ibang humor din talaga.
Dapat daw once a week may ganito sabi ni Tsang. Ay parang ano, therapy session? Naiintindihan ko naman ang ngarag sa Programa namin. Laging nag-aalala na wala pa akong ganito o ganyan na isa-submit. Mahalaga rin minsan ‘yung yabangan, tawanan, balakajan deadlines for a moment. Sadly, may isang tita na absent si Ate Cars na masakit ang pus-on. Imi-meet ko na lang some other time. May kumatok sa apartment past 9pm na. Si Boots! Wala nang pagkain ang bati ko. Ano raw meron. “Late, Late Show with Jord Earving!”
Maagang nahihiga ang mga tita. Around 10 pm kasi maaga pa ang call time nila sa Batangas City. Magre-reflect sa dtr, sayang din ang ilang minutong makakaltas sa suweldo. Pambili rin ng katinko. Maganda ang gabi.
#