Eto na, nasa ikatlong palapag ang kuwarto na nakuha ko. May hot
shower at wi-fi naman. Maliit na kama at katsang kumot. May pakape rin naman at
nilabong itlog sa umaga. Okay na ‘to, kalahati ng deluxe na room ang presyo.
Pag-aaral kasama ng mga katutubo ang ipinunta ko rito, nakakakonsensyang
mag-inarte di ba?
Bandang alas dos pasado ng madaling araw, bigla na lang akong
nagising. Dilat na dilat na para bang di ako galing sa malalim na tulog.
Madilim ang kuwarto at patay ang erkon. Pero nakakarinig ako ng ingay. Hindi
ako makagalaw. Paano kung me magnanakaw? Natiktikan pala ako nang kumuha ako ng
pera sa Palawan? Ladlad na ladlad ang pagbibilang ko ng bente singko mil sa
karamihan ng tao sa padalahan. Paano kung pinatay ang kuryente at looban ako? E
kung nasa kuwarto ko na pala at kinakapa ang pera sa loob ng bag ko? Akala lang
n’ya tulog ako. May mga naririnig kasi akong kaluskos.
Kung hindi pala magnanakaw? Ano? Kanino yung naririnig kong mga
apak ng paa sa sahig? Ilan ba kaming naka-check in dito? Sulit ba ang kapalit
ng pagtitipid ko? Nakawan na lang sana ako at wag na akong gisingin kahit
gising naman talaga ko. Baka atakihin ako sa puso pag biglang may humawak sa
paa ko ngayon. Pero ayokong mamili sa magnanakaw o multo.
Biglang nagkailaw, walang tao at sarado naman ang pinto ko.
Umungol ang makina ng erkon. Kinapa ko yung selpon ko sa ulunan. May isang text
ni Mama:
“wla n tau gsul jord,kmusta kn jan.ndi k man lang nagparamdam”
Isang linggo na ako sa Mindoro, ngayon lang nangamusta si Mama.
Pero di na ako nagulat na naubusan na kami ng gasul, kasi Enero ko pa binili
‘yun e. Mabuti na lang may raket na ulit ako nang maubos.
Kinuwento ko kay Rich, mula sa partner NGO ng researcher, ang
nangyari sa hotel; siya rin kasi ang pauli-uli dito sa kalakhang Mindoro. May
nagpaparamdam daw talaga sa hotel na ‘yun.
Meron nga.
No comments:
Post a Comment