Wednesday, November 28, 2018

Nobyembre 10, 2018


Kanina may bisita akong German. Nagkuwentuhan kami tungkol sa hilig natin sa kanin; sa almusal-sinangag, sa tanghalian-sinaing, sa merienda-arozcaldo, at sa hapunan-kanin pa rin. Kaya umaangkat na sa kapit-bahay sa Asya. Nakuwento ko rin na nasa coffee belt tayo at kaya nating magpabunga ng halos lahat ng species at subspecies ng genus Coffea. Ngunit, datapuwat, subalit, bumibili pa rin pala tayo ng kape sa mga kapit-bahay sa Asya.

Malakas din daw magkape ang mga Germans pati na kapit-bahay nilang mga Danish. Hindi nila kayang magpabunga ng kape sa kanila kaya bumibili talaga sila. Mayayaman ang mga bansang 'to. May pambili. Para pala tayong social climber na mahilig sa imported kahit lubog naman tayo sa utang.

Kakaunti pa lang ang alam ko sa bulkan at lawa ng Taal. Naubos agad ang baon kong "Did you know?". Kaya inurirat ko na lang yung pagbubukas ng pinto ng Germany sa mga Syrian refugees kaya, s'ya naman ang nagkukuwento. Hati raw ang Germany ukol dito. "Two-way phobias" ang eksaktong terminong ginamit n'ya.

Naha-highlight sa balita ‘yung mga Germans na islamophobic at naha-highlight din ang mga krimen kinasasangkutan ng refugees. Kaya may mga pagtatalo rin sa kanilang pamahalaan. Hindi ko alam kung tama bang magbukas ng politikal na paksa ang isang tour guide. Ayokong sabitan ng ID ang Germany ng 2x2 pic ni Hitler gaya ng ayoko ring magsabit ang iba ng ID sa Pilipinas ng 2x2 pic ni Du30.

#

Nobyembre 10, 2018
Dyord
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan, Mataasnakahoy, Batangas

Wednesday, November 21, 2018

Prelude


Minsan, sumimba ako ng hapon. Minsan na rin lang ako sumimba sa'min. Mas kaunti lagi ang tao kapag hapon. Kakanta na lang kami nang tumigil ang piyanista dahil may binanggit si Pastor. Di nakadalo si Ate Evelyn. Nadamay kasi ang apo sa raid. Nagkaroon ng operasyon ang pulisya sa isang babuyan sa San Pablo. Edad disisiyete (17) pa lang ang nasabing apo. “May itsura pa naman,” sabi nang nasa likuran ko. Sabi ni Ate Evelyn naghahanap-buhay lang naman ang kanyang apo at walang kinalaman sa droga. Sabi naman ni Pastor nakakapakinig naman ng ebanghelyo ang biktima. Bumagsak ang kumpas ng kamay ni Pastor at tumiklada ulit ang piyanista. Kumanta na ulit ang kapatiran.

Sabay-sabay sa koro ng “Praise the Lord! Praise the Lord!” 

#

Thursday, November 8, 2018

Nobyembre 08, 2018


Nobyembre 08, 2018


Gusto ko lang magsulat habang nanonood ng Manila Symphony Orchestra sa Facebook live. Kakatapos lang ng isang major deliverable ko sa trabaho. Nasa huling deliverable na ako ngayong Nobyembre. Konti na lang. Marami naman akong inaayos sa paligid-ligid habang binubuo ‘yung major deliverables. Pautay-utay. Isa-isang araw lang kumbaga.

Kanina nung di na masakit sa balat ang araw, nagbungkal-bungkal lang ako ng lupa. Inabot na nga ako ng dilim. Ibang aliw ang dumi sa kamay. Sa isandaang binhi na itinanim ko isang okra palang ‘yung sumibol. Nakakapangamba lang kasi medyo tumaas na ‘yung sibol at di pa nagpaparamdam ‘yung ibang binhi. Sa bagay, wala naman ‘yan sa paunahang sumibol nasa pabungahan.

Nagpalit din pala ako ng Paypay na pananim dahil miniryenda ng mga kambing ni Warren ang una kong ihinilerang Paypay. Napatawad ko na ang mga kambing, sila na kasi ang pinaka pantabas ko sa mga damo. Colateral damage nga lang talaga ‘yung mga itinanim ko. May mga aso pa pala kaming naging problema, winasiwas ‘yung pinaparami kong harding bumubulaklak. Bago ko pa nahimay ang pinaka luya noon. May natira naman.

Marami pa kong gustong bungkalin, palaguin, at aralin sa conservation center. Ang dami pang kuwento ng bulkang Taal. Ang dami ko pang babasahin at susulatin. Hindi na magkasya ang dalawang araw kong day off. Sobrang imbisibol na ako sa ibang mga kaibiga’t pamilya. Kailangan ko na ng project assistant. Haha. Humihingi na ako ng pag-isod sa ibang deadlines. Habang lumalapit ‘yung pagtatapos ng taon, padami nang padami ‘yung gusto kong gawin.

I appreciate hugs and beso lalo na these days.


Dyord
Nobyembre 08, 2018
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan, Mataasnakahoy, Batangas


#