Wednesday, November 28, 2018

Nobyembre 10, 2018


Kanina may bisita akong German. Nagkuwentuhan kami tungkol sa hilig natin sa kanin; sa almusal-sinangag, sa tanghalian-sinaing, sa merienda-arozcaldo, at sa hapunan-kanin pa rin. Kaya umaangkat na sa kapit-bahay sa Asya. Nakuwento ko rin na nasa coffee belt tayo at kaya nating magpabunga ng halos lahat ng species at subspecies ng genus Coffea. Ngunit, datapuwat, subalit, bumibili pa rin pala tayo ng kape sa mga kapit-bahay sa Asya.

Malakas din daw magkape ang mga Germans pati na kapit-bahay nilang mga Danish. Hindi nila kayang magpabunga ng kape sa kanila kaya bumibili talaga sila. Mayayaman ang mga bansang 'to. May pambili. Para pala tayong social climber na mahilig sa imported kahit lubog naman tayo sa utang.

Kakaunti pa lang ang alam ko sa bulkan at lawa ng Taal. Naubos agad ang baon kong "Did you know?". Kaya inurirat ko na lang yung pagbubukas ng pinto ng Germany sa mga Syrian refugees kaya, s'ya naman ang nagkukuwento. Hati raw ang Germany ukol dito. "Two-way phobias" ang eksaktong terminong ginamit n'ya.

Naha-highlight sa balita ‘yung mga Germans na islamophobic at naha-highlight din ang mga krimen kinasasangkutan ng refugees. Kaya may mga pagtatalo rin sa kanilang pamahalaan. Hindi ko alam kung tama bang magbukas ng politikal na paksa ang isang tour guide. Ayokong sabitan ng ID ang Germany ng 2x2 pic ni Hitler gaya ng ayoko ring magsabit ang iba ng ID sa Pilipinas ng 2x2 pic ni Du30.

#

Nobyembre 10, 2018
Dyord
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan, Mataasnakahoy, Batangas

No comments: