Nobyembre 08, 2018
Gusto ko lang magsulat habang nanonood ng Manila Symphony
Orchestra sa Facebook live. Kakatapos lang ng isang major deliverable ko sa trabaho.
Nasa huling deliverable na ako ngayong Nobyembre. Konti na lang. Marami naman
akong inaayos sa paligid-ligid habang binubuo ‘yung major deliverables.
Pautay-utay. Isa-isang araw lang kumbaga.
Kanina nung di na masakit sa balat ang araw,
nagbungkal-bungkal lang ako ng lupa. Inabot na nga ako ng dilim. Ibang aliw ang
dumi sa kamay. Sa isandaang binhi na itinanim ko isang okra palang ‘yung
sumibol. Nakakapangamba lang kasi medyo tumaas na ‘yung sibol at di pa
nagpaparamdam ‘yung ibang binhi. Sa bagay, wala naman ‘yan sa paunahang sumibol
nasa pabungahan.
Nagpalit din pala ako ng Paypay na pananim dahil miniryenda
ng mga kambing ni Warren ang una kong ihinilerang Paypay. Napatawad ko na ang mga
kambing, sila na kasi ang pinaka pantabas ko sa mga damo. Colateral damage nga
lang talaga ‘yung mga itinanim ko. May mga aso pa pala kaming naging problema,
winasiwas ‘yung pinaparami kong harding bumubulaklak. Bago ko pa nahimay ang
pinaka luya noon. May natira naman.
Marami pa kong gustong bungkalin, palaguin, at aralin sa
conservation center. Ang dami pang kuwento ng bulkang Taal. Ang dami ko pang
babasahin at susulatin. Hindi na magkasya ang dalawang araw kong day off.
Sobrang imbisibol na ako sa ibang mga kaibiga’t pamilya. Kailangan ko na ng
project assistant. Haha. Humihingi na ako ng pag-isod sa ibang deadlines.
Habang lumalapit ‘yung pagtatapos ng taon, padami nang padami ‘yung gusto kong
gawin.
I appreciate hugs and beso lalo na these days.
Dyord
Nobyembre 08, 2018
Sitio Lipute, Brgy. Kinalaglagan, Mataasnakahoy, Batangas
#
No comments:
Post a Comment