Wednesday, December 11, 2019

Trip to Tiaong: Aksidente



Sa isang linggo lang ng Disyembre, may tatlong aksidente akong nadaanan pauwi. Hindi ko na inalam ‘yung eksaktong bilang ng patay or nasugatan. Hindi ko na kailangang siguraduhin kung buhay o patay ba sa itsura pa lang ng busargang harapan ng dyip. Banggaan ng dyip at trak, banggaan ng dyip at posteng nasa gitna ng road-widening, at nabangga ng motor ang isang lolo.

Ang hilig ko pa naman sa unahan umupo. Mas nakakapagbasa kasi ako ron. Hindi naabala ng pag-aabot ng bayad sa drayber. Mas maayos makinig ng podcast. Hindi maganda sa matang nagbabasa sa dyip, minsan nahihilo rin talaga ako. Sayang ‘yung kilometro-pahina na dapat nakokonsumo ko sa isa’t kalhating oras na byahe. Minsan, naglalaro din ako ng Switch, mas nakakahilo ito. Kasi may mga ‘pre-work’ dapat na matapos bago ulit kami ng maglaro nina Clowee at Song.

Minsan pag-uwi biglang gumewang-gewang ang dyip sa madilim na bahagi ng San Antonio. Natamaan ng ilaw ‘yung gumagapang na lalaki sa kalsada at maiipit namin any moment. ‘yung “OHMYGOD!” ko ay kaparis ng bilang ng kabig ni manog sa manibela. Bigla-bigla, sunod-sunod, walang space na ohmygodohmygod. Hindi na ko naging conscious sa pagpili kung maliit ba o malaking G. Nagsigawan yung ibang sakay. Hindi ka na pala makakapili ng
Hindi naman namin naipit ‘yung lalaking gumagapang palayo sa kanyang motorsiklo. Nahagip din ng ilaw ang isang lolong nakabaluktot at walang malay. May mga tao na agad sa paligid. Mula sa kalapit na bahay. Dahan-dahan naming nilagpasan ‘yung aksidente. Napa antanda si manong drayber at biglang naging mapagbigay sa mga nag-oovertake sa’min.

Mas mabilis pa ‘yung tibok ng puso ko sa takbo ng dyip.

#


No comments: