Sunday, January 31, 2021

Dekada a' Bente

 Katapusan na pala kaagad:


"So, anong plano?"


Tanong ni Donj pagkatapos mabasa ang isa kong sanaysay na nasa isang online exhibit ng isang local art museum. Gusto ko sanang sabihing magsulat pa rin pero gets ko ang pahaging n'yang 'yun na tungkol ito sa pagtatrabaho, sa career, sa future tenses.

Wala naman akong ibang alam gawin nang ako lang kundi magsulat. Walang trabaho sa komunidad ngayon, may mga tatrabahuhin naman pero walang magpapatrabaho. Walang kasiguraduhan sa community work, mas lalo na sa panahon ngayon.



Wala, wala akong plano.

Dahil 'yun naman talaga. Hindi sa dahil hindi na ako naniniwalang gumagana pa ang mga plano. Nakadalawang palit ako ng planner last year dahil ang daming bura nung una kong planner. 'wag mo na rin akong dalihan ng mga "his plans are higher than our plans" dahil kung may sagradong naglulumiwanag na blueprint pala ang mga buhay natin ay bakit hindi na lang i-send sa email in pdf format nang walang maligaw ng landas? Anak ng tupa naman, tatanggalan ng 'life plans mula sa langit' ng negosyo ang free will at zodiac signs.



Wala akong plano pero may mga balak.

Walang alak, pero may mga balak. Gaya pa rin ng dati kahit walang-wala ay marami-rami pa rin akong gustong gawin. Paano ako/kami kakain? Ah, susubo, ngunguya, tapos lulunok. Bata pa lang ako alam ko na kung paano ang kumain. Iba na 'yung mga bagay na gusto kong pag-isipan at problemahin ngayon. Wala akong planner ngayong taon pero meron akong isang notebook na may mga on-going na collage, pastiche, doodles; hindi natatanikalan ng  mga kung papaaano at ng mga kung kailan.

Gaya pa rin nung kabilang taon, bago magtapos ang dekada, plano ko lang ay mabuhay hanggang kinabukasan (short term), minsan naman hanggang sa susunod na linggo (long term). Naglagay din pala ako na gusto kong ugaliing magsulat ng sandaang salita araw-araw at hindi kailangang magkaroon ng kahulugan, basta sandaang salita.



Binawasan ko ng isang kahon ang mga libro ko, 'yung hindi ko na balak basahin ulit at sa tingin ko magandang may ibang makabasa. Habang pinipili ko ang mga librong ipamimigay, ang hirap palang pakawalan ng mga mga bagay na pinag-ipunan, kumitil ng bagot, dumilig sa mga pangarap, nagbigay ng mga mahahalagang tanong. Napansin ko hindi rin naman pala ganoon ka-deep ang taste ko sa panitikan pero kahit papaano ay nakabuo ako nang maaga at sariling kaintindihan ng daigdig: marikit at makalat.

Nasa isang kahon na lang din ang mga damit. Ulit-ulit lang, laba lang nang laba. Ipamimigay ko na rin ang nabili kong laundry basket dahil hindi na ako natatambakan ng labada. Buwan-buwan ay nagbabawas ako ng mga bagay-bagay, minimalism na nga yata ang bago kong relihiyon.

Siguro naisip ko lang din habang ang sunod-sunod ang malalakas na bagyo sa pagsasara ng dekada ay paano kung umapaw uli ang mga ilog sa'min at agusin ang bahay namin. Ang laking takot at panghihinayang agad ang nararamdaman ko habang nagbabalot ng mga bagay-bagay na pinahahalagan para lang di masira ng tubig sakaling bumaha uli. Ang unti-unti kong pagbabawas ng mga 'sa akin' ay pag-aaklas ko laban sa mga pananakot ng mga pagkawala at pagkasira.



Minsan iniisip ko kung saan ba nanatili o umiiral 'yung halaga, sa katapusan ba ng konsumo, sa saya ng pag-angkin, sa halaga ba ng mga nakakapit na alaala sa mga gamit, hindi lang ng mga libro, sa pagkabawas ng mga ikinakatakot at pinangangambahan? Ewan, maaaring mali ako sa pinaggagagawa ko ngayon pero saka na pagsisihan, sa huli pa naman 'yun. Ang mahalaga, mas magaan ako ngayon. Kakain mamaya. Gigising, siguro, bukas.


x

May Ilang Rants Noong 2020 Na Nabulatlat Ko sa Notes

Lately, nagsusulat ako tungkol sa environment sa isang UN page. Hirapan akong mag-research ng data. Naisip ko rin pre-covid-19 nga, hindi naman talaga tayo ma-research, hindi naman talaga tayo data-driven at evidence-based masyado, lalo na ngayong ang daming limitasyon. Kahit paano naman, matatantiya mo kung paano nag-escalate 'yung krisis natin sa basura, kulang ang landfills, ang daming infectious wastes, balik tayo sa plastik; habang binubuo mo 'yung articles, pati ikaw namomoroblema kung saan matatambak lahat ng basura natin ngayong pandemya.

Nariyan pang may mga operasyon na uli ng mga mina, may mga biyahe ng troso na may food pass, may naglulusot pa rin ng mga pawikan at balintong sa ngalan ng traditional medicine, may napatay dahil sa alitan sa komunidad malapit sa bakawanan, may kumatay ng tamaraw atbp. Parang hindi naman tumigil ang mundo. 

Sino na lang ang aasahan mo ng magandang balita sa kalikasan? DENR, sila 'yung may mandato, may resources, competencies at may kapangyarihan! Ayun, nagtambak ng dinurog na dolomite sa Manila Bay. Para raw white sand. Para raw maganda. Quarrying at Reclamation, sa DENR mo pa makikita at sa panahon pa ng pandemya. Na-flatten na talaga ang utak ko para intindihin pa ang mga bagay-bagay. 

Sana isang umagang paggising natin, mapanood sa channel 4 ang isang presscon at may magsabing "it's a prank!"

#

Setyembre 08, 2020
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon

Tuesday, January 19, 2021

Dahil Kaibigan Ko ang Gabi

Dahil kaibigan ko ang gabi

Hindi maririndi sa kanyang kuliglig

Dahil kaibigan ko ang gabi 

Hindi tatanghud lang sa mga tala

Dahil hindi na iba sa'kin ang gabi

Kukonsulta pati sa mga planeta

Kahit pa nga harangan ng ulap

Ang kumot ng mga kumikislap

Ay di na iba sa'kin ang karimlan

Dahil kaibigan ko nga ang gabi

Ang walang kibo'y di mapagwikaan

Panatag lang sa pananahimik

Kibit-balikat rin sa mga kaluskos

Hinihintay ang lumuwas na hikab

Akap-akap ang tiyan ng pag-iisa

Mamaluktot sa ginaw ang bagot

Hanggang umuwi ang kaibigan

Nang wala man lang ni ho, ni ha

Dahil matalik na nga ang gabi


#