Sunday, July 25, 2021

Sabado, Linggo; Walang Pasok


Minsan passionate talaga ako sa pagsasayang ng oras.

Simula nang paghiwagin ang opisina at trabaho na-time space warp din ang bahay at trabaho. Naging tambayan ko ang klasrum ni Edison madalas gabi-gabi kapag nakauwi na ang mga teacher (minsan hindi pa nga nakakauwi) o madalas din nang Biyernes ng hapon hanggang Linggo ng hapon. 

madalas gawin:
1. manood ng anime/pelikula
2. kumain, mag-order ng foods/ mag-fastfood
3. maglaro; Nintendo at tablet/phone
4. magpakitaan ng nakakatawang memes
5. magpuyat-matulog
6. repeat no.1

bihirang gawin:
1. mag-hot spring
2. mag-bike
3. magtrabaho

Sa home economics room ang tambayan na pinaka masarap ang pag-iinat. 'yung pagpiga sa balakang habang nakasuntok ka sa hangin. Para kang inaalihan ng musa nang kawalang silbi. Nakakatamad na nakakakonsensya. Parang ikinasasama mo pa ng loob na may dalawang araw kang pahinga.

Sa h.e. room namin pinag-uusapan kung paano ba ang healthy meal plan, hindi naman namin magawa-gawa dahil nakakatamad nga kasi. Sa h.e. room namin pinaplanong mag-camping sa bundok pero naiirita na nga agad kami kapag mabagal ang wifi. Ultimo nga pagkain, kinatatamaran. 

Kaya kapag may tinatapos ako, hindi ako lumulutang sa h.e. room. Saka na lang uli ako magpapakita. Minsan, darating na lang ako doon kapag isa-submit ko na ang mga bagay-bagay na tinapos ko na sa bahay.

Kapag pala Sabado or Linggo, dito rin madalas 'yung ganap sa arts. Mahalaga 'yan, 'yung tumingin-tingin sa exhibit, buklat-bulat ng mga zines, magbuklat ng iba-ibang mga pulitika. Minsan lumikha rin ng sariling tugon. Ilan sa mga hal:

Usap bilang Saliksik [Conservation as Research] na tungkol sa pagpapatintero sa mga sistema sa kanayunan, baranggay at mga komunidad dahil 8 years na pala ako sa community development work at siguro pwede naman akong magreflect-reflect bilang selebrasyon, bilang propesyunal, bilang mananaliksik, bilang kausap. Maaaring pakinggan ang ganap dito sa link ng Eternal Conferences at ito naman ang link para sa isang visual guide habang nakikinig ng talk. 


Dito puwedeng mag-inat pagkatapos kumain ng almusal, walang sasaway sa'kin. Pagkagising mo pa lang iisipin kung "ano kayang puwedeng gawin today?" abalahin ang sariling walang pinagkakaabalahan. Gaya ngayong umaga, nakikinig lang sa Radar Philippines at nangangarap uli na baka puwedeng sumulat ng kanta isang araw. 

Nakakakonsensya rin magpahinga. Parang gumagawa ako ng kasalanan kada wala akong bullet box na maaaring tsekan. Parang pariwara 'pag walang plano sa isang linggo. Pangatlong linggo ko na 'tong nabubuhay nang walang kontrata. Wala akong deliverables, wala akong work plan, wala akong gagawin. Sabi ko ay chance ko na para makasulat. Sabi ko chance ko na para mag-plan para next year. Sabi ko chance ko na basahin ang mga di pa nababasang libro. Sabi ko chance ko na para mag-ayos ng hardin. Sabi ko, sabi ko, chance, chance. Hindi ako makabalik sa gusto ko at dapat kong gawin habang walang kontrata. Naadik ako sa kontrata na naghahanap na naman ako ng proyekto na mapipilitan akong magkalendaryo ng mga gawain. Ang hirap maging malaya muli  kapag sanay kang nakatali na naghahanap ka na naman ng panibagong kadena.  

Ang spirit of sloth o goddess of laziness pala na si Aergia ay anak ni Aether at Gaia [air and earth]. S'ya pala ang kaibigang dumadalaw sa'kin. It's not me, it's the elements.  Minsan umaabot ang kawalang-gana ng araw ng Lunes. Nalulunesan ako. Galing pala ang salitang Monday sa anglo-saxon word na 'mondandaeg' na araw ng buwan. Lunes naman sa salitang pranses ay may kinalaman sa pagkabaliw. Buwan, baliw, nalulunesan, binubuwan. 

Ilang Sabado-Linggo rin akong naglalandi ng lupa sa bukid nina Ms. Ann (dati kong boss). Kumain ng matatabang pagkain, matatamis, maalat, lahat ng ikamamatay nang maaga sinusubo ko sa bibig. Masaya rin naman ang extrovertish na weekends, meeting new people na gusto ring takasan ang sari-sariling buhay; mga bago kong barkada sa bukid ngayon ay mga titas of manila. ang kukyut ng English speaking na mga anak. Yabangan kami hanggang antukin at natutulog lang sa tents. Wala naman akong obligasyon, dapat bang maghanap na ako ng obligasyon? Sort of hedonistic konsensya habang naggagayat ng inihaw na liempo at nagtitimpla ng toyong sawsawan. 

Dapat ba sa susunod na taon magpakahirap ako sa buhay? Magdusa, gumapang sa lusak? Lord, gets ko naman na hindi ganun nag-ooperate ang sistema ng universe pero baka mamaya kung anong mangyari masama next year ah. haha. Sa lagay ng lipunan ngayon parang nakakatakot maging maayos at masaya lang.


No comments: