Wednesday, March 30, 2016

Balik-loob

Ok.

Magbabayad na 'ko. Anlaki na ng utang ko sa blog. Ambusy ko kasi. Abala kasi ako sa pagkita ng pera. Kailangang maging praktikal di ba? Tumulong sa pamilya. Pagod na pag-uwi. Mag-spend ng quality time kasama ng mga kaibigan. Magbakasyon naman para work-life balance.

Pero walang sasapat na dahilan para di makapagsulat. Sabi ko dati kapag hindi ako nakapagsulat sa blog, sa selpown, o kaya sa notbuk; pero waley. Produktibo ako sa dahilan at hindi sa akda.

Nakakapagpasa naman sa mga submission pero mema lang. Parang hayskul, memapasa lang. Mema lang. Memapost lang sa blog. Maka-entry lang; parang itong akda ko ngayon.

Meron akong binabasang sulat mula sa dalawang kaibigang sobrang busy sa pag-aaral pero nakapagliham pa nga sa'kin. Habang binabasa ko ang sulat nila sabi ni Alquin, parang gusto ko ring magsulat. Sabay nagbigay ako ng tips. Pero ako nagsusulat pa ba ako? Gaano kadalas kung oo? Gaano katotoo? Kaya humagilap ako ng scratch at doon ako sumulat para sa dalawa kong kaibigan kasi kung i-iskedyul ko pa, baka wala na kong maipadala sa kanila.
Naiinis ako sa katamaran ko.

Paparusahan na ko ng musa ng pagsusulat. Pinaparusahan ko rin ang sarili ko sa hindi pagsulat. Nagbabalik-loob na po ako.

Tuesday, March 29, 2016

HANDAAN: A Grade 7 Prepper



Isang malaking handaan ang hayskul layf. Parehong eksayting at nakakapangamba dahil maraming bagong putaheng matitikman na hindi natin kilala. Bagong eskuwelahan, guro, kaklase, aklat at asignatura, pati na kalakaran kaya may lasa talaga ng kaba. Kaya hatid ng Project PAGbASA ang HANDAAN bilang patikim sa mga bagong pag-aaralan at mga kalakaran sa Grade 7 lalo na ngayong bago pa sa panlasa ng lahat ang K-12. Ma-bote na ang handa!

Sino ang mga kumbidado?

Kinukumbida namin ang mga kabataang mag-ge-grade 7 sa pasukan. Baka kayanin lang naming pagsilbihan ang 15-20 na kabataan. Ipa-prioritize namin ang mga maagang magpapalista lalo na yung mga galing sa pamilyang may Pantawid at mga kabataang nag-Alternative Learning System Schooling; kaya makipag-ugnayan agad kay Teacher Nikabrik.

Saan at Kailan ang Handaan?
Gaganapin ang Handaan mula April 30, May 7, at May 14 (tatlong Sabado) sa Southern Luzon State University- Tiaong Campus kung saan manggagaling ang mga kusi.

Sino ang mga kusi at Ano ang ihahain?
Ang mga tutulong sa paghahanda sa mga kabataan ay mga volunteer teachers na may paniniwala sa kahalagahan ng edukasyon. Sina Ser Edison, Teacher Nikabrik, at Mam Emma na tatalakay sa iba't ibang asignatura gaya ng Science, English, Araling Panlipunan, at Filipino. Tatalakayin din ang "Ayoko sa Bully"at mga recipe sa masarap na pag-aaral. Magkakaroon din ng mga parangal at tulong na mga babasahin.

Ano ang mga dapat dal'hin?
Dahil ma-bote ang mag-aral, magdala lamang ng 5 plastic bottles kada meeting; bale 15 plastic bottles lahat. Nag-aaral tayo para lumikha ng mabuting pagbabago, maboteng praktis na natin ito. Magdala rin ng notebook at bolpen kasama na ang handang pag-iisip para mag-aral.

Hihintayin ka namin sa Handaan. Sana'y mabusog namin kayo.

Monday, March 7, 2016

Hey! Hey! Hey! It's a Research Day


Masama ang gising ng masyadong puyat. Ako yung puyat. Oks lang dahil hindi ko naman papasukan ang araw na 'to. Research day dapat ngayon, kaya lang, nahihirapan akong makipag-ugnayan sa mga taong kailangang kasama, kaya kesa pumunta sa isang lugar na hindi magiging bukas ang mga tao sa impormasyon dahil kahinahinalang magtanong tungkol sa kanilang tinatangkilik, e wag' na lang pumasok muna. Akala nila lagi secret agent ako ni Kim Henares. Takot ang mga medyo nakakaangat na mga magsasaka na ilantad ang kita nila kahit na sabihin mo pang taga-akademya ka. Takot sila sa buwis. Kaya kailangan ko ng sasama saking taga-Munisipyo o opisyal ng baranggay, at ngayong araw ay walang puwedeng sumama kaya wala munang research.

Ang pinaka dahilan talaga ay pupunta kami kena Ate Anj sa Candelaria. Huli kasi naming punta ay abala kami sa pagpo-Pokemon nina Alfie, Alquin, at Jebs. Naisip lang namin na hindi namin masyadong nakamusta si Ate. Nito lang ding Sabado, nagdiwang si Ate Anj ng kaarawan niya, na missing in action kami ni Jebs. Ni hindi na nga kami bumati sa Facebook. Wala na kasing ka-effort-effort 'pag ganun. Kaya sabi ko, punta na lang kami ng Lunes. Kaya wala munang research.

Nagkape lang ako at dapat ay mag-iimpake na kagad. Dadaanan ko pa si E-boy sa kanila. Baka gigisingin ko pa 'yun. "May pera na kaya si Ate I-det (Edith)" ? Kailangan ko kasi yung hiniram n'yang dal'wang daan para pamasahe namin sa bukas dahil medyo mahal ang papasok sa Brgy. Concepcion-Banahaw sa Sariaya. Sabi ni Mama, kahapon pa raw ako hinahanap ni Ate I-det. Ayun! Baka magbabayad na nga. Sabi kasi n'ya ibabalik n'ya rin kagad yung dal'wang daan kapag sumuweldo ang Kuya Urle (Orlando). Hinigop ko na ng mabilis ang malamig ko nang kape.

Pagdating ko doon tinanong n'ya kagad ako kung nar'yan ba raw 'yung laptop. Ang laptop na tinutukoy n'ya ay 'yung pinahiram ni Ser Walther para sa aming coffee research. Tapos, bigla n'yang naalala na may utang nga pala s'ya sa'kin at naghalwat ng bag. Habang naghahanap ng pambayad, ay may ipapa-search daw s'ya sa'kin. Sabi ko, wala kong load. Pagka-abot n'ya ng dal'wang daan; sabay sabi n'ya sa'kin na may cancer daw si Inay Uma, nanay n'ya. Parang gusto kong ibalik na lang ang dal'wang daan. Ayoko namang ipakitang naaawa ako. "Mam'ya kena E-boy, may wi-fi, ise-search ko." Kinuha ko ang number ng Ate Idet, ite-text ko na lang kako kapag mahaba sa Facebook na lang.

Kaya pala pugto ang mata at sinisipon-sip-on ang Ate Idet. Alam ko nga na inoperahan nga ang Inay Uma dahil sa bukol nito. Hindi na nga raw ito nakakalakad gawa ng bukol. Pagkakarinig ko nga'y na-confine ang Inay Uma dahil dumalaw si Mama noong kabilang linggo. Narinig ko ngang ibinalik daw sa ospital si Inay Uma, dahil nagtubig yung pinag-operahan kaya bumukol ulit; ayon kay Nay Urya noong Miyerkules sa prayer meeting. Parang aatakihin daw sa puso ang Ate Idet. Ganito rin ang mga salitang binitiwan n'ya ng tinaguan nila ng nanay ko ang area manager at mga account officer ng isang microfinance dahil hindi na sila makabayad ng nanay ko. Parang aatakihin sa puso.

Lymphoma raw ang resulta sa biopsy. Gamit ang aking basic biology, pinaalon ko lang ang usapan. Sabi ko kung sa lymph nodes ay kulani. Apat nga raw na kulani ang tinanggal. Hinihintay pa raw ang resulta ng hema - onco. Sabi ko kung sa dugo ay baka sa white blood cells. Pinaalon ko lang ang usapan. I-search ko raw kung anong puwedeng treatment, herbal na lang daw at kung puwede'y wag nang chemo. Umuwi na ko hawak ang dal'wang daan sa namamawis na palad. Kailangan ko pa rin palang mag-research. At mukhang nakikinikinita ko nang isa na namang GOK ang dahilan gaya ng maraming kanser.

Bago ako tuluyang nakapag-impake at naka-alis, narinig ko pa sa kapitbahay ang kanta ni Daniel Boone na mukhang mali ang napiling araw.


Ha, ha, ha, beautiful Sunday
This is my, my, my, beautiful day










Dyord
March 07, 2016

Thursday, March 3, 2016

Pebrero 29, 2016 (Minsan Lang sa Apat na Taon ang Leap Year)

Feb. 29, 2016

Gaano kadalas ang minsan?

Sa kaso ng Pebrero 29, isang beses lang kada apat na taon. Sasayangin mo pa ba ang araw na'to? Kaya pinasya kong bakantehin ang araw na 'to. Pahinga muna ako sa aking research raket. Kailangang makapagsaayos ng mga bagay-bagay at makapaghabol sa oras na hindi nag-iintay.

Dahil gusto ko ngang produktibo ang araw na'to, nagsulat na ko ng mga dapat gawin. Mga 14 items lahat. Naglaba, luto, basa, sulat, aral, at laro ako ng umaga. Mga bandang tanghali, nakita kong 2 nang miskol na si Mrs. Pampolina. Wala nga kasing tunog ang selpon ko. Naalala ko na papunta nga pala kami ni Ebs sa Candelaria para bisitahin ang isang kaibigan. Pero pagod na ko sa kalalaba. Pero naitakda ko na ang araw na ito noong isang linggo pa.

Pagdating ko kena E-boy, dapat gagawin ko lahat ng online works ko, papasa ng assignment sa Coursera, mag-a-update ng blog, at mag-e-e-mail ng interview; pero nalaman kong usad pagong ang unli-wi-fi ng Globe dahil may 25 gig na limit na ito kada buwan. Ngeeeeek?! Deadline ng assignment ko kahapon pa, nakatanggap na ko ng “extension” sa Yale University para sa assignment ko; at sa sukdulang ka-badtripan ko, ini-unenroll ko yung course. Nagyong ko lang naramdaman na ang usapin pala ng internet speed sa Pilipinas ay usapin din ng Edukasyon at di lamang karapatan ng konsyumer, kundi karapatan ding pantao hinggil sa impormasyon.

Nalaman ko na si Alquin at Alfie pala ay nasa Candelaria. Sila nga itong walang balak pumunta doon. Akala ko nga madadatnan ko pa sila kena E-boy bago sila mag-final interview. Hindi raw kasi natuloy sa final interview ang dalawa sa panibagong ina-applyan ng mga ‘to. Kailangan na rin talaga namin ni E-boy pumunta kena Ate Anj, tutal, matagal na rin yung huli naming pagbisita.

Pagdating namin dun, bukod sa pinagalitan ko si Alquin dahil sa kanyang lack of coordination, ay napagkasunduan naming magkaroon ng isang Pokemon battle. Ginamit ko yung tatlong Pokemon ni Alfie, siya ang nag-train. Lalabanan ko si E-boy na tinalo ni Alfie noon lamag isang linggo. Ramdam ko ang panggigil ni E-boy magpa-level last week pa. Kaya wala akong choice kundi magpatalo; 2 out of 3 battles ang nakuha ni E-boy. Teary eyed pa siya dahil natalo niya ako. Honestly, masakit, parang nawalan ng saysay ang halos isang dekada ko bilang trainer pero wala e, kailangan kong pagbigyan si Ebs. Oks na rin dahil panalo naman ako sa trash talk. Hum-beeeym!

Si Ate Anj na dapat ay bibisitahin namin ay nakatulog na lamang sa kwarto nila. Nagkakamustahan lamang kami ng ilang saglit at ipinaabot na hindi kami nakatanggap ng imbitasyon n’yang pumunta sa Taytay falls sa Semana Santa. Imposible sa dami ng mga gawain. Babalik na lang ulit kami para makapagkuwentuhan ng mas matagal kay Ate Anj.

Habang pauwi, naalala ko na ika-20 taong kaarawan pala ng Pokemon. Halos magkasing-edad lang pala kami. Dahil talo sa asar si Ebs, pinilit pa namin siyang manood ng TAG.


Napanood naming yung ‘TAG’
Isang Japanese film na naguguluhan kaming lahat. As in. Medyo gory pa siya. Saktong-sakto sa aming pagmemerienda. May pagka-surrealist pa yata. Sabi ni Wiki, “Surrealist works feature the element of surprise, unexpected juxtapositions and non sequitur; however, many Surrealist artists and writers regard their work as an expression of the philosophical movement first and foremost, with the works being an artifact. Leader AndrĂ© Breton was explicit in his assertion that Surrealism was, above all, a revolutionary movement.

Sa bandang huli, parang may pagkaganito ang dating: sa obsesyon ng kalalakihan sa mga babaeng karakter na malalakas at pumapaslang, ang pinapakain talaga nito ay ang “woman as object of desire” at kinukubli lamang ng “women empowerment”. Parang ganun. Basta, natapos ang araw na may pumasok sa utak naming kakaiba at di namin ma-gets.

Sa bandang huli, sa pagtingin ko sa buong maghapon ay 4 out of 14 items lang ang na-checkan ko sa mga dapat kong gawin. Minsan lang naman ang Feb. 29 at minsan lang din naman ako makalaya sa realidad ng buhay.