Monday, March 7, 2016

Hey! Hey! Hey! It's a Research Day


Masama ang gising ng masyadong puyat. Ako yung puyat. Oks lang dahil hindi ko naman papasukan ang araw na 'to. Research day dapat ngayon, kaya lang, nahihirapan akong makipag-ugnayan sa mga taong kailangang kasama, kaya kesa pumunta sa isang lugar na hindi magiging bukas ang mga tao sa impormasyon dahil kahinahinalang magtanong tungkol sa kanilang tinatangkilik, e wag' na lang pumasok muna. Akala nila lagi secret agent ako ni Kim Henares. Takot ang mga medyo nakakaangat na mga magsasaka na ilantad ang kita nila kahit na sabihin mo pang taga-akademya ka. Takot sila sa buwis. Kaya kailangan ko ng sasama saking taga-Munisipyo o opisyal ng baranggay, at ngayong araw ay walang puwedeng sumama kaya wala munang research.

Ang pinaka dahilan talaga ay pupunta kami kena Ate Anj sa Candelaria. Huli kasi naming punta ay abala kami sa pagpo-Pokemon nina Alfie, Alquin, at Jebs. Naisip lang namin na hindi namin masyadong nakamusta si Ate. Nito lang ding Sabado, nagdiwang si Ate Anj ng kaarawan niya, na missing in action kami ni Jebs. Ni hindi na nga kami bumati sa Facebook. Wala na kasing ka-effort-effort 'pag ganun. Kaya sabi ko, punta na lang kami ng Lunes. Kaya wala munang research.

Nagkape lang ako at dapat ay mag-iimpake na kagad. Dadaanan ko pa si E-boy sa kanila. Baka gigisingin ko pa 'yun. "May pera na kaya si Ate I-det (Edith)" ? Kailangan ko kasi yung hiniram n'yang dal'wang daan para pamasahe namin sa bukas dahil medyo mahal ang papasok sa Brgy. Concepcion-Banahaw sa Sariaya. Sabi ni Mama, kahapon pa raw ako hinahanap ni Ate I-det. Ayun! Baka magbabayad na nga. Sabi kasi n'ya ibabalik n'ya rin kagad yung dal'wang daan kapag sumuweldo ang Kuya Urle (Orlando). Hinigop ko na ng mabilis ang malamig ko nang kape.

Pagdating ko doon tinanong n'ya kagad ako kung nar'yan ba raw 'yung laptop. Ang laptop na tinutukoy n'ya ay 'yung pinahiram ni Ser Walther para sa aming coffee research. Tapos, bigla n'yang naalala na may utang nga pala s'ya sa'kin at naghalwat ng bag. Habang naghahanap ng pambayad, ay may ipapa-search daw s'ya sa'kin. Sabi ko, wala kong load. Pagka-abot n'ya ng dal'wang daan; sabay sabi n'ya sa'kin na may cancer daw si Inay Uma, nanay n'ya. Parang gusto kong ibalik na lang ang dal'wang daan. Ayoko namang ipakitang naaawa ako. "Mam'ya kena E-boy, may wi-fi, ise-search ko." Kinuha ko ang number ng Ate Idet, ite-text ko na lang kako kapag mahaba sa Facebook na lang.

Kaya pala pugto ang mata at sinisipon-sip-on ang Ate Idet. Alam ko nga na inoperahan nga ang Inay Uma dahil sa bukol nito. Hindi na nga raw ito nakakalakad gawa ng bukol. Pagkakarinig ko nga'y na-confine ang Inay Uma dahil dumalaw si Mama noong kabilang linggo. Narinig ko ngang ibinalik daw sa ospital si Inay Uma, dahil nagtubig yung pinag-operahan kaya bumukol ulit; ayon kay Nay Urya noong Miyerkules sa prayer meeting. Parang aatakihin daw sa puso ang Ate Idet. Ganito rin ang mga salitang binitiwan n'ya ng tinaguan nila ng nanay ko ang area manager at mga account officer ng isang microfinance dahil hindi na sila makabayad ng nanay ko. Parang aatakihin sa puso.

Lymphoma raw ang resulta sa biopsy. Gamit ang aking basic biology, pinaalon ko lang ang usapan. Sabi ko kung sa lymph nodes ay kulani. Apat nga raw na kulani ang tinanggal. Hinihintay pa raw ang resulta ng hema - onco. Sabi ko kung sa dugo ay baka sa white blood cells. Pinaalon ko lang ang usapan. I-search ko raw kung anong puwedeng treatment, herbal na lang daw at kung puwede'y wag nang chemo. Umuwi na ko hawak ang dal'wang daan sa namamawis na palad. Kailangan ko pa rin palang mag-research. At mukhang nakikinikinita ko nang isa na namang GOK ang dahilan gaya ng maraming kanser.

Bago ako tuluyang nakapag-impake at naka-alis, narinig ko pa sa kapitbahay ang kanta ni Daniel Boone na mukhang mali ang napiling araw.


Ha, ha, ha, beautiful Sunday
This is my, my, my, beautiful day










Dyord
March 07, 2016

No comments: