Lagi akong
hinahanap sa meetings namin. Unang Projects Review and Evaluation Workshop
(PREW) ng Calabarzon sa Programa namin, wala ako. Hindi ako pumunta. Hindi ko
pa tapos yung trabaho. Unang beses akong naiupo sa isang coffee shop ni boss
dahil naka-Regional Special Order na dapat nandun lahat. “RSO ‘yun, hindi dapat
yun mababali,” sabi n’ya. Half-day din akong sumuweldo ng pinapagalitan lang.
Hindi ko
kasi maatim na mag-team building nang di pa natatapos ang trabaho.
Kumendeng-kendeng sa cheering na may nakabinbing gawain. Isa pa, kaka-team
building lang namin last week ah? Ganun daw talaga, sunod na lang.
Unang beses
kong regional meeting na dinaluhan, nakapag-eksena ako. To the point na naiyak
pa ko sa gigil, hiya, at inis dahil hindi ko makuha yung sistematiko at
matalinong sagot kumbakit ang tagal umusad ng pondo para sa mga proyekto ng
komunidad. Cliche ang isinasagot sa’kin gaya ng “kung di ka magiging part ng
solution, manahimik ka na lang”. Saang troll page galing yan? Dagdagan ko raw
kasi ang yabang ko sa bayan ko para maniwala sila. Naiyak na ako sa gigil.
Pinapaakyat ako ni Binong sa taas, sinusulsulan akong mag-walkout. Umiyak lang
ako sa kinauupuan ko at hinayaan ko silang tingnan ako. Hindi naman ako ganito
sa mga dati kong trabaho.
Mga ilang
beses pang di ako umaattend ng meeting. May problema ako noong iregularidad sa
isang proyekto, nangulit na ko sa e-mail, text, at tawag. Akala yata’y hahayaan
ko na lang dahil marami pa kong trabaho. Naka-schedule ang team noon na gumawa
ng summer station id. Hindi ako umattend, keber na ang kaltas sa suweldo.
Bahala na ulit kay boss.
Hulyo 2016.
Ito yung pinaka madilim na buwan so far. Nag-umpisa na akong mahirapang
matulog. Una, inaabot ako ng pasado alas dose. Minsan ala-una o alas-dos na
bago ako makatulog. Baka stress lang, kaya nagpahilot ako. Lumakas din akong
kumain lalo na ng matamis. Tumambok pa ang pisngi ko noonat sumikip ang
pantalon.
Ayokong
dumating ang gabi. Pakiramdam ko ang haba-haba ng gabi. Higit na mas mahaba
kaysa araw. Kahit napupuyat, ganun pa rin naman ang trabaho ko sa opisina at
baranggay. Minsan kahit inabot ako ng alas tres ng madaling araw kaya ko pang
magbaranggay ng apat kinabukasan. Okay ako sa opisina. Parang may hila na akong
malaking itim na baka kapag nasa apartment.
Wala akong
ganang magbasa’t magsulat. Nakahiga lang ako’t naghahanap ng antok. Natatakot
ako sa kung anong kumakabog sa dibdib na parang sasabog kung itutuloy ko ang
tulog. Wala akong nakikita. Wala akong naririnig. Pakiramdam ko lang sa gabi
may nakahilig sa’king malaking baka. Higitan kami sa umaga. Pagtungtong ko ng
opisina; tuloy pa rin naman ang feedback reports at sinusulat na proposals;
karaniwa’t tuloy lang.
Isang
alas-tres ng madaling araw nahuli ko nang sarili kong nagsasalita ng “ayaw mong
matulog ha, sige magpatayan tayo,” at humawak ako ng ballpen para magsulat.
Wala namang pupuntahan yung sinulat ko hanggang antukin lang ako sa mga boring
na ideyang nasa papel. Lalo akong natakot nang minsang inabot ako ng alas sais
ng umaga at kinakayang magtrabaho sa umaga. Hindi po, hindi po ako nagda-drugs.
Kapag
weekends, hindi ako lumalabas ng bahay. Hindi rin ako naliligo. Hindi kumakain.
Para akong ginulpi. Babangon lang ako para kumain at tatamarin pa akong
maghugas ng kinainan. Ayokong magpabisita sa bahay. Ayoko rin munang lumabas at
makipagkuwentuhan.
Naalala ko
nagkukuwento ako kay Bo. Para gusto kong palitan lahat. Ayokong umuwi sa bahay.
Hindi kami nagkukuwentuhan tungkol sa mga gani-ganito. Ayokong umuwi sa
simbahan. Aaralan lang ako ro’t sasabihing kulang lang ako sa ‘praise the lord’
kaya ako nagkakaganito. Hindi ko na maalala pero parang inaway ko si Bo sa
chat. Hindi ko na rin maalala kumbakit sorry rin ako ng sorry. Matiyaga lang
s’ya talaga.
Itinapon ko
rin ang mga tinidor at kutsilyo sa apartment ko sa basurahan. Hindi, hindi ko
maiisip na maglaslas dahil takot ako sa dugo. Pero umabot ako sa pagsabunot sa
sarili. Pag-umpog ng ulo sa pader. Para lang sigurado kailangan kong alisin
yung matatalas na bagay sa bahay. Ang dami ko pang deadlines. Busy ako. Bukas
na lang. Pero may mga pag-iisip talaga. Naghahanap ka talaga ng pisikal na
sakit para tagpian yung pagsuwag ng itim na toro sa dibdib mo. Parang
butas-butas ka na’t tumatagas lahat ng nasa loob mo.
Sobrang hina
ng pakiramdam. Ayoko kong magpraise the lord but I still go to church every
Sunday. Wala. Walang paggaling akong nararamdaman. Ang bigat-bigat ng itim na
baka na minsa’y sumasakay pa sa likod ko kung di nanunuwag sa dibdib. Gusto ko
nang magpakonsulta kaya lang wala kaming leave credits at wala naman akong
pera. Ayokong mag-take ng gamot. Baka madala pa sa simba talaga. Pero hindi
talaga.
Nagkuwento
na ko kay Mil. Hindi naman kami close sa church. Parang meron ako. Ine-expect
kong sasabihin nya ring kulang ako sa praise the lord. Baka kulang ako sa faith
at trust kay Papa God at iba pang Christian cliches. Baka kailangan ko lang ng
memory verse na “Casting all your cares upon Him” at mawawala nang parang bula
ang itim na baka. Hindi n’ya raw alam ang sasabihin. Hindi s’ya nagreseta.
Pakiramdam ko natulungan na ako. Lalo na nang may ibinigay s’ya sa’king aklat.
Naglakad din
kami noon sa Sampaloc Lake nina Uloy at Nikabrik. Hindi kami nag-bike para mas
matagal at mas nakakapagod. Parang nagle-lecture lang ako habang pinapanood ang
lawa sa’ming kaliwa. Kailangan lang kasing pag-usapan at tanggapin na kailangan
ko ng mahihingahan. Hindi pala ako laging maliwanag. Hindi ako laging makislap.
Kailangan lang aminin na umaandap-andap din ako.
Bigla na
lang nawala isang araw. Minsanan na lang ito dumalaw. May nakapagturo sa’kin na
ang side effect ng anti-histamine ay antok. Hindi ko naman inabuso pero bumili
ako ng isang banig. Iniinom ko sa hapon kapag nangangamba akong may dumalaw
ulit.
Hanggang
dumating na naman ang isang regional meeting. Para na naman akong paniking
nakulong sa isang maliwanag na kuwarto. Hindi matali hangga’t di nakakatakas.
Pailang strike ko na pero bahala na may ipon naman ako. E-mail na pinadala ko kay boss re Takas Incident sa Caliraya.
To: ********
Bcc: Tsang Lorie
Subject:
Takas
Magchi-cheer
at maglalaro lang naman tayo all day, ang liit na bagay pero kinakatakot ko. Ng
sobra. Naninikip 'yung dibdib ko. Sinubukan ko namang i-mental hack yung sarili
ko. Akala ko kasi perspe-perspective lang. Pero hindi talaga.
May social
anxiety yata ako. Hindi pa ako nagko-consult. Aminado akong napipigilan ako ng
stigma kapag nagpa-psych. Wala rin kaming leave at ang mahal din ng
consultation. May depression episodes ako (last year) kaya iniiwasan ko lahat
ng pwedeng trigger kasi inaabot ng ilang weeks bago ako maka-recover.
Walang may
alam sa bahay. Walang may alam sa team o kahit sa cluster 6. Hindi ko rin
kinukuwento kasi iniiwasan ko 'yung mga "ok lang yan" at "dapat
positive lang lagi" remarks na hindi nakakatulong.
Sorry. Gets
ko yung RSO. Gets ko na dapat nagsabi ako sa'yo at kay Ate Lors. Kaya lang
kinain na ako ng takot na baka hindi n'yo ma-gets. Ayokong i-spoil 'yung araw
dahil lang "nagpaka-KJ" ako (sa pananaw ng iba). Kaya lang parang
lalong na-spoil kaya sorry.
Na-appreciate
ko 'yung patience mo sobra. Nahihiya na rin ako as in. Alam ko 'yung
consequence, natakot din ako. Isa pa lang ang nasusuot ko sa mga bago nating
uniforms pero you always know what's the best for the team.
Sorry at
Salamat;
Parang
ginagamit ko lang na panggalang yung itim na baka tutal pahara-hara din naman
s’ya. Peroparang hindi na talaga healthy ang trabaho ko kahit gusto ko pang
protektahan at ituloy ang mga gawain sa komunidad kailangan ko ring mag-alaga
ng sarili. Kahit naka-blind carbon copy lang si Tsang Lorie, kasamahan sa
trabaho, at hindi dapat s’ya nag-reply dahil mababasa ni boss; nag-reply pa rin
ito. Pero hindi ko binasa noon. Ayoko kasing magpaalaga at alalahanin parati.
Kunwari maliwanag pa rin ako. Mahigit isang taon ang nakalipas nang buklatin ko
ang e-mail n.’ya:
Nalungkot
ako pagkabasa ng letter mo. Sorry, Jord ha hindi namin kasi alam. Talagang
nainis at nag isip kami nung malamang umalis ka na walang pinagpaalaman isa
man. Sinubukan kong tawagan ka last friday pero di kita mareach. Pinili kong
hindi ka itext at kako ay mag uusap na lang kita. Salamat at ibinahagi mo sa
akin ang dahilan. Hindi ka man nahingi ng payo ay gusto kong himukin ka na
magkunsulta. Hindi ka naman na iba sa akin at makakaasa kang wala akong
pagsasabihan ng lahat ng ito. Iki mag ingat. Iwasan ang mastress. Nandito lang
ako kung anuman.
Christmas
Party namin last year ang huling takas ko at hindi na ako nakapag-renew ng
kontrata. May sipa pagdating sa ipon ko sa banko. May pagdurugo pero may
paghilom din. Hindi lang hanggang touchy-feels ang Tsang Lorie, Tita Cars, Tita
Mildreds at iba pang titas of Batangas. Mararamdaman mo ang patuloy nilang
suporta sa mga nilulut nilang ulam, binebake na cookies, at pagpapa-overnight
noong naghahanap pa ulit ako ng matatrabaho.
Sa ngayon, ginigising
ako ng huni ng mga ibon, naarawan sa pagbubungkal, nakikipag-usap pa rin sa
komunidad, humihikab sa ihip ng Taal, kukumutan ng mga tala, at pahihimbingin
ng koro ng mga kuliglig. Hindi ko na kailangang tumakas.
No comments:
Post a Comment