kinumusta kaming mga research assistants ng mga doktor sa team. siguraduhin daw na mabakunahan kami bago pakawalan sa field. kakatanggap ko lang ng recovery clearance ko at katatapos lang ng isa pang katrabaho na magkwarantin ng 14 days. isa pala sa research team ang absent sa meeting ngayon dahil nasa ospital: senior citizen na nurse pero nasa academe. unang nagpositibo ang asawa at s'ya ngayon ang klinikal na ang kalagayan pero hindi pa rin inuumpisahan ang COVID-19 management dahil ang tagal ng resulta ng RT PCR swab test sa Leyte. kung hindi ba nabakunahan, hindi raw. nakadalawang balik na sa pag-asang mababakunahan bilang senior citizen naman pero hindi nabakunahan ang mag-asawang matanda. dumagdag lang ang exposure sa labas ng mga matatanda na maaaring nadamay sa cluster infections o 'yung grupo-grupo dahil lang hindi maayos ang siste ng pagbabakuna sa malalayong bayan ng probinsya.
Hunyo 12, 2021
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
#
Ilang araw lang at babanggitin ni Dr Carissa na nabawasan na kami sa team; "nag-arrest at hindi na umabot ang permafusion". Ito ang huling message sa team:
"But I suppose God’s ways are not our ways. So we wait on Him. Whatever shall befall me, I should be singing til the evening comes: Praise the Lord O my soul, worship his holy name 🙏🏽”
Inulit ni Dr. Medit na mabakunahan lahat kaming research assistants.
Hunyo 17, 2021
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
#
Nabakunahan na kami. Hindi sa sariling bayan. Isinama kami sa mga prayoridad dahil ibabalandra kami ng research sa minimal risk o exposure sa COVID-19. Dalawang emails lang ng pakiusap sa Kapitolyo at nagkaroon kami ng schedule. Bayad din ng research ang pribadong sasakyan namin na ginamit papunta sa Convention Center. May pitong stations kung saan ay susuriin ang kalagayan ng kalusugan at aaralan ka pa rin nang bahagya tungkol sa ituturok sa'yo para kunin ang huling pagsang-ayon.
Sinusubukan kong ihanay 'yung sarili ko sa karanasan ng pagbabakuna kada istasyon. Hindi pa lang tapos dahil marami ring ibang mapa na kasabay na isinusulat o ginagawa. Walang natatapos, minsan nga nakalimutan ko nang ginagawa ko nga pala ito o ayun, wala e, talagang makalat ang proseso ko.
Temporary Map Title: BakuNaku!
Narinig ko kasi sa isang nanay na kapag naturukan ng bakuna ay may nalalabi na lang dalawang taon sa buhay mo. Anong puwedeng gawin sa dalawang taon, guys?!
Hunyo 23, 2021
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
#
May mga pinilit akong tapusin sa trabaho gaya ng pakikipag-usap sa mga tao kung kailan sila maaaring kausapin nang matino o magkano ang serbisyo ng paghahatid mula rito hanggang doon. Hindi ko talaga thing ang pag-aayos ng byahe ng ibang tao, mas sanay akong mag-isip para sa sariling lakad lang. 'yun siguro 'yung ikinapapagod ko, makipag-usap nang mga maliliit na bagay pero mahalagang maisaayos.
Tinapos ko hanggang madaling araw, kalos na kalos ako. Naging ugali ko na rin ang pag-iiskedyul ng emails in advance, madalas Biyernes o Sabado, para sa Lunes nang umaga ay hindi ako nagtatrabaho at nagkukumahog.
Hulyo 05, 2021
Sitio Guinting, Brgy. Lalig
Tiaong, Quezon
#
No comments:
Post a Comment