Sunday, September 18, 2022

kalendaryong karinderya

Puro na mga tao ang kaharap ko buong linggo simula pa Martes. Tinanggap ko naman 'yung work ko kasi akala ko 2x a month lang ako kailangan sa opisina. Pero ayun, need na need din talagang harapin yung mga tao lalo na kung kailangan may pagkasunduan o pagtalunan sa trabaho. 

Tapos, sapin-sapin na ang online meetings habang nasa pila ako sa temporary releasing office ng DFA sa Rob para sa renewal ng passport. Ikinuha ko na nga ng serbisyo sa travel/processing agency kasi nga hindi ko na kaya at masaya naman ako na nakahanda na lahat para sa appointment: may ilang kopya ng resibo, application form, at mga bilin bago pumunta sa date ng appointment. Pagdating naman sa Robinson, malinaw at nakatagalog ang mga paskin ng process flow o steps na susunduan ng nag-aasikaso bukod pa sa mga bilin ng personnel kada station. Mas maluwag na, maayos, mabilis ang DFA kumpara 5 years ago na huli akong kumuha bago pa baguhin ni Du30 ang validity ng passport. Imagine, sa susunod na dekada ko pa ulit makikita yung cute na employee ng DFA. Regular na siguro yun, may pamilya na o kaya may tiyan na rin. Kudos naman sa tanggapan ng gobyerno na nag-iimprove ang serbisyo. 

Habang naglalakad papuntang Step 2 at nakikinig sa meeting sa opisina, bigla akong napatanong, shet tumigil ba ang ikot ng daigdig bakit walang gumagalaw sa mga kliyente, store attendants, empleyado, hanggang naririnig ko na pala ang Lupang Hinirang; napahinto agad ako. Nakakahiya ako lang ang gumagalaw nakailang linya na yung pambansang awit. Nakakaiyak din na lahat naman pala tayo may paggalang pa sa mga simbolo na nagbubuklod satin. Kailangan lang talaga ng passport nung iba para umalis at siguro'y maghanap ng mas maayos na oportunidad sa ibang bansa. 'yung isang nagtitinda nga nakakamay sa dibdib at kumakanta kahit walang watawat. Lahat naman tayo ay hihinto sa unang kumpas pa lang pambansang awit. Hindi na lang ako umiyak kasi baka isipin ng mga tao magsa-Saudi ako at may maiiwan akong pamilya sa Pilipinas.


Pagkatapos, nagmeeting naman ako sa bus, sa gilid bg Katipunan sa tanghaling tapat, sa grab car hanggang habang pumipirma ako sa regsitration ng gallery! May video shoot kasi para sa isang exhibit yata o ano ba ga. Ang awkward ko nga magbasa ng excerpt. Tapos, nagsocial kami ng ilang writers na nakasabay sa shoot kasi syempre have a life din naman. Tumakas na lang din naman kami. Itagay na. Nakauwi ako bandang alas onse ng Quezon. 

Natulog. Gumising. Nag-ulit ng damit kasi hindi na nakalaba. Kumain nagbihis tapos umupo ako at tumulala saglit: pagod na ko. I know pero ginusto ko rin naman lahat ng ito. Isinabog ko ang kalendaryo ko sa madla e. Saan ako papunta? sa isang event ng local artists and musicians sa Lipa  pinili kasi nilang beneficiary ang mga mangingisda thru Sa Ngalan ng Lawa (as conduit). 

Tapos tutulak sa farm sa San Jose para sa ilang kumustahan habang magpapakita rin ako sa dalawang online event tungkol naman sa mga sayaw sa Asya at sa mga dumarayong ibon sa Paliparan ng Timog Asya-Australasiya. Kung anu-ano, may visit pa sa isang spirulina farm. Bakit ako umoo nang umoo? Kahit naman hindi ako gumalaw ngayon sa pagkakaupo ko, matutuloy naman lahat ng event, ang pag-ikot ng daigdig. 

Kahit anong pagpapatas at pagpapaluwag ko sa buhay, mabibigo akong huminto at huminga lang kapag hinayaan kong nakabuyangyang ang kalendaryo sa lahat ng maaaring maganap. 

Mabuti na lang may ganitong mga paghihintay sa palate-late na kaibigan. 

SM Lipa
Sept. 18, 2020

Friday, September 16, 2022

scratch paper ng 'Tao sa Tao'


Maaga pa ko for the program. Sakto lang kahit matrapik. Pwede naman akong mag-work sa bus. 

May mga bagets [naka-pink] na naghihintay din ng bus. Botante na ba to ang babata. Matanda na ba ko? Naluha ako ng onti. Majoha is rising. Pota wala pa, di pa start.

Nang dumaan yung bus, tinapon ng mga bagets yung upos ng yosi nila sa kalye. Pwede pang maayos yun mahalaga muna sa ngayon tama yung pultika nila.

Sa bus, pinag-usapan yung kay Leni. 20,000 boxes daw kada Jollibee sold out mula Tiaong hanggang Sariaya. Kay Marcos, manok na lagunot. Kay Leni, prito. hahaha yung pink people lang talaga na pakalat-kalat no pwedeng mag-umpisa ng diskusyon.

Baka pwedeng umiyak muna ako sa Grand Terminal bago pumunta sa venue ng Quezonduan.

Noong isang araw, nakuwento ni Mama 'yung martsa ng magsasaka ng Sumilao. Late ko na nalaman na nagkaroon sila ng discussion sa bayan namin.

Wala pang 30mins nanlimahid na. Naulanan. Nakisukob ako sa Bumble match kasi iniwan ko fibrella ko. Baka mawala. Fibrella rin payong ng kakampink. Amoy alingahit na kami. 

Extra judicial killings vs. people are shouting suman. A platform for party not for political agenda? Nagpapagaan na yung mga volunteers kasi mamaya concert na.

Sonny Matula, "di masyadong gwapo pero abogado". hahaha. Batuhan ng suman.

Jolina momshie in shining headband. Spongecola Mundong Puno ng Pag-Ibig.

Di ako naihi. Pauwi na. May mga inaakay na strectcher habang kumakanta si Yael. May mga doktor at medic. 










Saturday, September 10, 2022

hindi na ako passionate

hindi na ako passionate.

okay lang naman. sa trabaho, sa pagsusulat, sa kalikasan at sa iba pang bagay; hindi na ako passionate. kinitil ng mga kontrata. kinitil ng kailangang may maipasa. at hinahayaan ko lang naman ding hindi ako passionate. hindi naman s'ya estado ng parusa ang kawalan ng liyab.

minsan mas passionate ako sa pagkukuwento ng gusto kong palaman ngayong linggo na puwedeng iba naman sa susunod na panahon ng groseri. fruit jams ang trip ko lately.

hindi na ako passionate.

minsan, ano bang nakasulat sa kontrata, o ba't naghahanap ka pa ng ekstrang kamay? dalawang kamay lang ang binayaran ng kumpanya - hanggang dito lang ang sabi ng dokumento. iaaabot ko ang ikat'lo at ikaapat na kamay kung kailan ko gusto at kung kanino ko gustong iabot pero walang ekspektasyong lalagpas ako sa nasasaad sa papel. 

hindi na ako passionate.

mas hindi na ako galit at gigil kapag nagpapaliwanag. walang mag-iimbuna sa skincare ng palakunot kong noo. kapag tanga, patawarin, kapag hindi alam, turuan. kapag ayaw makinig, at least sinabi kong may tae at walang sisihan kapag humakbang ka pa rin. 

hindi na ako passionate.

umaayaw ako kahit naka oo na kapag hindi ko talaga kaya. mas kaya ko nang manood ng payapa sa dambuhalang sunog kung walang sirenang rumeresponde. kapag may bumubukol sa daloy ng mga sistema, bubuntong hininga na lang ako at kaya kong maging payapa. 

hindi na ako passionate.

pero lilikha pa rin ako nang mga bagay nang mas mabilis, nang mapagpatawad sa sarili, nang walang silbatong pagpupulis, susulat, didikit, guguhit sana, sasayaw kahit mag-isa, mas hindi ko na hinahanap 

ang pagpapalaki ng liyab 
sa dibdib kundi sa lawig 
ng pahingahang lilim 


Thursday, September 1, 2022

struggle for space.subd.1.4

nag-update ako kanina ng palit-bahay fundraising program, isang excel sheet ng financial targets, tracker at strategy natin paano magtitipid, kikita ng coins, at makaka-avail ng bahay sa subidivision. naglagay ako ng monthly dues na 5K para lang kunwari nagbabayad na ako ng mortgage pero sa stocks pa pumapasok para lang masanay ako at tada 3 months na ako lagging behind that target. tipid na tipid na ko. 2 months lang pala na hindi kumita ng pera at mahihirapan na ko to recover. hindi pala talaga kaya, never enough! sinubukan kong i-project ang income ko until December (kunwari walang life emergencies) hindi aabot sa target ko para makapag-down kunwari ng bahay. mabuti na lang din hindi muna ako kumuha ng bahay. good decision ako ron. pero maygad para need ko na talaga mag-lotto, mage-gets mo rin talaga bakit sumusugal ang mga tao on the hope to beat their projected realities. pagbabaka sakali. tinitingnan ko ang kapatid kong may limang anak, walang inaalala sa buhay ni pag-iisip kung paano itataas ang sweldo sa trabaho walang excel-excel sheet. 

naalala ni Mama ang mga tagaferocaril, hindi na raw gumitaw simula noong eleksyon kahit na panay ang daan ng tren. gagawi palang istasyon ang bahagi ng lugar namin sa Sitio Guinting. 

sabi ko kay Mama, maghotel kami lahat for a night. "para takasan ang buhay sa Guinting for a night?" sabi ni Mama. binanggit ko kay Mama ang pool na pwedeng maglangoy ang pamangkids, baka may discount si Rr sa PWD card, masarap na complementary breakfast. " tapos pag-uwi natin, wala tayong gasul? wala tayong isasaing? balik tayo sa tuyo? at nagbaybay pa s'ya ng maraming kailangan tapos binuksan ang sobre ng Meralco, bayaran mo na lang 'to 450 pesos lang 'yan.

'anla, wala akong pera!'