Saturday, September 10, 2022

hindi na ako passionate

hindi na ako passionate.

okay lang naman. sa trabaho, sa pagsusulat, sa kalikasan at sa iba pang bagay; hindi na ako passionate. kinitil ng mga kontrata. kinitil ng kailangang may maipasa. at hinahayaan ko lang naman ding hindi ako passionate. hindi naman s'ya estado ng parusa ang kawalan ng liyab.

minsan mas passionate ako sa pagkukuwento ng gusto kong palaman ngayong linggo na puwedeng iba naman sa susunod na panahon ng groseri. fruit jams ang trip ko lately.

hindi na ako passionate.

minsan, ano bang nakasulat sa kontrata, o ba't naghahanap ka pa ng ekstrang kamay? dalawang kamay lang ang binayaran ng kumpanya - hanggang dito lang ang sabi ng dokumento. iaaabot ko ang ikat'lo at ikaapat na kamay kung kailan ko gusto at kung kanino ko gustong iabot pero walang ekspektasyong lalagpas ako sa nasasaad sa papel. 

hindi na ako passionate.

mas hindi na ako galit at gigil kapag nagpapaliwanag. walang mag-iimbuna sa skincare ng palakunot kong noo. kapag tanga, patawarin, kapag hindi alam, turuan. kapag ayaw makinig, at least sinabi kong may tae at walang sisihan kapag humakbang ka pa rin. 

hindi na ako passionate.

umaayaw ako kahit naka oo na kapag hindi ko talaga kaya. mas kaya ko nang manood ng payapa sa dambuhalang sunog kung walang sirenang rumeresponde. kapag may bumubukol sa daloy ng mga sistema, bubuntong hininga na lang ako at kaya kong maging payapa. 

hindi na ako passionate.

pero lilikha pa rin ako nang mga bagay nang mas mabilis, nang mapagpatawad sa sarili, nang walang silbatong pagpupulis, susulat, didikit, guguhit sana, sasayaw kahit mag-isa, mas hindi ko na hinahanap 

ang pagpapalaki ng liyab 
sa dibdib kundi sa lawig 
ng pahingahang lilim 


2 comments:

Anonymous said...

Ang ganda nito. Relate.
Tuloy-tuloy lang tayo. Pahinga pag kailangan! Paypayan lang ang baga, baka bukas mas lumakas ang ningas.

-Rald

Anonymous said...

hidni naman ako napagod, hindi na lang talaga ko passionate haha mas iba na pinanggagalingan ng works