Friday, October 24, 2014

Editing Sessions




     Kamakailan ay nagkaroon kami ng editing sessions kasama sina Jeuel, Alquin, Roy, at Jem-jem. Para 'yun sa isang report na rekusitos nila sa kanilang pag-gradweyt. Dahil ayoko namang matulad sila sa'kin na hindi nakagradweyt "on time", nilamay namin ang report nila.

 Bakit ba kailangan natin ng Editor?

1. Dahil tinatanggap nating may mas nakakaalam, na limitado tayo.

2. Dahil ang akala nating tama ay may mas tama pa pala, o di kaya'y mali talaga.

   "O bakit nandito 'to? Hindi ito dito!"

   "Sigurado ka? Mali 'to! Alisin mo yan!"

3. Dahil may mga kailangan talaga tayong tanggalin.

4. Dahil hindi natin napapansin ang sariling pagkakamali.

5. Dahil may mga bagay na wala sa tamang lugar.

   "Bakit ganito 'to? Ayusin mo 'to. Wala 'tong significance, hindi nakakatulong."

   "Pampagulo 'to, pwede naman siya kaya lang mas maayos kung aalisin mo na siya"

6. Dahil kailangan may mag-alis ng mga hindi nating kayang i-let go.

7. Dahil may kagustuhan tayong manitiling tama.



 

"Anung scion groove?"

        "Yung kinukuhanan ng scion"

"Sumasayaw ba yung scion?" (kembot-kembot)
"Grove 'to, hindi groove."

Wednesday, October 15, 2014

Aaays! Bakeeet?!


   Nang makasama ako sa isang humanitarian org para magbigay ng wheelchair sa mga kapos sa buhay na mga kababayan nating Masbatenyo, hindi ko naisip man lang na may mga beneficiaries na mga bata.

   Parang ang lungkot naman kasing isipin na ang isang bata ay lumpo o hindi nakakalakad. Nung  bata ako ay halos nagtatakbo lang ako maghapon hanggang lumawit ang esophagous ko pero hindi pala lahat ng mga bata ay nakakatakbo para makapaglaro. May isang bata kaming nakita na maghapon lang siyang nakatunganga sa kanilang asoteya at nanonood sa mga nagtatakbuhang mga bata.E paano kung walang pasok? Edi wala siyang napapanood na nagtatakbuhang mga bata. Ano na lang ang magiging pananaw niya sa buhay habang lumalaki siya.

   Sabi ko sa sarili ko, parang ang unfair naman ng buhay sa kanila. Hindi ko mahinuha kung anung dahilan at ganito ang kanilang kalagayan. Mapapatanong ka nga kung bakit, bakit ganito ang kalagayan nila. Bakit wala akong magic wand para isang wagayway ko nito ay oks na ang kalagaya nila?  Bakit ang limitado ko?

   Si John Ray Paterno, 5, taga-Brgy. Kinamaligan, at meron siyang cerebral palsy. Mahina ang mga binti niya at may mga bahagyang paggalaw na hindi makontrol.Premature kasi siya ng maipanganak.Mag-isa siyang pinapalaki ng nanay niya na si Ate Amalyn at nakikipisan sa isang masikip na kwarto sa bahay ng kaniyang kapatid. Nagtitinda lang ng uling, tinapay, at barbikyu si Ate Amalyn para sa pang-araw-araw na gastusin nila ni John Ray, gaya ng pagkain at pamasahe papuntang SPED center para makapag-aral. Pero lalaki si John Ray at lalaki rin ang kanyang mga pangangailangan, mahirap kay Ate Amalyn na palakihin siya mag-isa.

   Masayahin si John Ray. Parang hindi naman siya aware sa kalagayan niya. OA lang ata ako, sabi ko sa sarili ko. Nagpasikat pa nga ito sa pagkanta ng Pusong Bato at pagpupush-up para sa  visiting team.


   Si Lexder Jay Gigante, 7, taga-Brgy. Ibingay naman siya at meron naman siyang clubfoot. Isang deformity sa buto sa paa, magkasalubongg amg mga ito na nagiging dahilan para hindi siya makalakad. Ang good news ay naitatama naman ito sa pamamagitan ng surgical procedures. Kaso sa kalagayan nila sa buhay ay ni hindi man lamang siya makapagpa-assess sa orthopedics para malaman kung paano maayos ang kanyang mga paa.

   Kung si John Ray ay lumaking walang ama, si Lexder ay lumaking walang ama't ina since birth. Inabandona siya, at sabi ng kanyang lola ay pareho nang may kanya-kanyang pamilya na ang mga ito. Si Lola Elsa na isang mananahi na mas matanda pa sa kanya ang kaniyang Singer na makina, at si Lolo Sander Judal na isang sekyu, ang nag-aaruga kay Lexder. Kaya lang sa patanda sila at hindi sa pabata, pangamba rin nila ang kinabukasan ng apo.

   Kung tutuusin, ang dilimn ng buhay ng batang ito pero ang init at ang liwanag ng pagsalubong niya sa amin nang bisitahin namin siya sa kanilang bahay. Para ngang siya na ang pinakamasayang bata sa mundo na nakita ko. Nakakahiya kasi ampangit pala ng attitude ko dahil iba ang inaasahan ko sa pananaw nila sa kanilang kalagayan o masyado lang akong nahahabag, ewan. Nakaka-challenge lang kasi  minsan akala ko ang dilim na ng mundo ko yun pala malilom lang kumpara sa iba.

   Nag-aaral din siya sa SPED at noong distribution day ko lang nalaman na magkaklase pala sila ni John Ray at mag-bff pa. Kapag nga raw magkasama itong dalawa sa iskul ay talagang di paawat sa kakulitan ayon kay Lola Elsa.

   Tinanong ko kung anung pangarap ni Lexder paglumaki na siya, sabi niya gusto niyang maging drayber.Tinanong ko kung meron pang ibang pangarap bukod sa drayber, kasi bihira kong marinig 'yon, at gusto raw niyang magtinda ng laruan sa LCC; isang department store sa Masbate.

   Naisip ko na parang magandang magtayo ng foundation na nagbibigay ng libro para sa kalagayan nila. Dapat pala yumaman ako o di kaya'y maging manunulat ng kwentong pambata para may maabot man lang sa mga batang are. Sa tingin ko hindi lang basta makukulay na papel ang libro para sa kanila bagkos ay magbibigay pag-asa. Ewan ko, kada kasi meron akong nabibili o natatanggap na libro pakiramdam ko hindi ako naghihirap. Kapag nakakabili ako ng libro, "Ang yaman yaman ko naman!" parang ganun.

   Ayoko namang maghintay pa'ko ng pagyaman para mabigyan sila ng libro baka matanda na sila noon. Gurang sa Masbatenyo. Maganda siguro yung Project: PAG-bASA, dahil may pag-asa sa pagbabasa. Yung hindi lang for literacy ang libro o pagbabasa, kundi epitome of hope, karapatang maging masaya; mga ganan. Pero open naman ako sa suggestions at donations.

Thursday, October 9, 2014

Tanaga;


Sa dibdib ba'y masikip?
Praning na kaiisip
Panalangi'y ilakip
Sa maayos na idlip

Ikaw ba'y nag-iisa?
Parating nagdurusa
Pagkatapos ng gisa
Darating ang riwasa


Ang tanaga ay isang sinaunang anyo ng tulang Filipino. Ito ay may pitong silaba at apat na linya.

Umaga ba'y maulap?
Pugto ang 'yong talukap
Halika't pag-usapan
At ika'y aatangan


Bahay na walang asin
Matabang, naninimdim
Makipag-tsat, huminga
Sarili ay libangin.






   *Ang totoo ay talunan ang mga ito sa isang patimpalak sa pagsulat ng tanaga kaya ini-entry ko na lang dito. 


Wednesday, October 8, 2014

Kubo: Ikalawang Yugto


Ginanap ang araw ng pasasalamat ng Kubo para sa ikalawang taon nito ng pagmiminesteryo sa mga mag-aaral ng SLSU-Tiaong noong ika-4 ng Oktubre, Sabado, ika-3 hanggang ika-5 ng hapon. Dinaluhan ito ng tinatayang nasa 50 na mag-aaral at mga ilang panauhin.

Mabuti ang Diyos. Marami na ring bagyong pinagdaanan ang kubo sa loob ng dalawang taon at ang pinakamatindi nga rito ay ang literal na bagyong si Glenda. Napabagsak ng bagyo ang Kubo pero hindi ang gawain at ang espirito ng mga kabataang nasa ilalim ng silong nito. Nagpatuloy ang gawain habang pinagtutulungang maitayo muli ang kubo. Sa Kanyang mapagpunong biyaya, naitayo muli ang kubo sa pagtutulungan na rin ng mga kapatiran.

Isa si Janine, isang Taclobanon, sa mga bunga ng kubo sa ikalawa nitong taon. Nagbahagi siya ng kanyang patotoo kung paanong binago ang kanyang buhay ng makilala at makamtan niya ang tunay na Pag-asa. Ito ang ilang bahagi ng kanyang patotoo:

     "Napapa-"Teynks God" ako pero wala
siyang meaning sa akin. Expression lang siya kapag may magandang nangyayari."

     "Nakikita ko yung Passion of the Christ. Naiiyak ako dahil nahihirapan siya, pero hindi ko siya kilala. I just know Him by name. Iba talaga kapag KILALA mo siya."

Kagalakan ang bumabalot ngayon sa bagong Janine. Lipas na ang maluho at suwail na anak, insecure na kapatid; bago na ang lahat.


Maupay han Diyos! Hindi lang sa buhay ni Janine kundi sa buhay ng bawat isa.


Pasasalamat:

Sa mga dumalo: Sa inyong pakiki-isa at pakikidiwang, nawa'y makasama pa namin kayo sa mga susunod na taon.

Sa mga nag-abyad: Mula sa decors, sa nagluto ng makapasong dila na pansit hab-hab, nagbuhat ng water jugs, nagtimpla ng juice, sa lahat ng nagpagal. Your labor is not in vain!

Kay Kuya Joey: Sa paghahatid ng mensahe!

Kay Kuya Caloy at Ptr. Paul: Para sa inyong pagsuporta sa gawain. Long live!

Kay BOSS: Para sa pribilehiyong makapagminesteryo sa unibersiti, sa pagtatayo ng Kubo, sa pagkabagsak nito, sa pagkatayong muli, sa mga bunga ng gawain, at sa marami pang taong sasamahan Mo kami. Tenkyu po!

Tuesday, October 7, 2014

Zipper


   Isang tangahali habang nag-aabang ako ng dyip napansin kong bukas ang zipper ko. Nung bag ko pala. At gaya ng gagawin ng normal na pag-iisip, pinasya kong isara ito. Ziiiiip!

   Sumabit. Sumabit ang tela nung mismong bag. Madalas naman 'tong mangyari, na sumasabit yung tela sa zipper pero kapag pinuwersa ko ang sara, e maisasara ko rin naman. Kaya pinuwersa ko gaya ng ginagawa ko dati.

   Pero iba ang resulta ngayon. Nasira ang zipper. Ayaw ng kumagat sa mga ngipin nito. Nagmistula itong gutom na bag. Nakanga-nga ng bahagya. Wala pa naman akong pamalit dito at saka mahal ko ang bag na'to! Natawaran ko ito sa wagwagan sa Baguio mula 150 naging 120 na lang. Ala-ala ito ng tagumpay ko bilang mamimili, ayokong palitan! Pero nasira na, huli na.

   Alam ko na kasing may sabit pero pinilit ko pa. Akala ko makakalusot ako gayang dati. Hindi pala palaging pareho ang resulta ng pagpupumilit. Hindi pala laging makakalusot. Ito ang natutunan ko sa zipper ng bag ko.

   Ilang araw ang nakalipas, naalala ko na dalawa nga pala ang panara ng zipper ko na iyon. Maayos ang kagat nito at swabe kong naisasara. Ziiiiiiiiiiiiiiiiupp! Tunog ng panibagong pag-asa.

Friday, October 3, 2014

TXU-761

Galing ako ng NAIA terminal 4, hindi na'ko nagtaka kung bakit nakuha natin ang World's Worst Airport. Tu si is tu bilib. Mukhang evacuation center, napaka-crowded, paano marami ring delayed flights. Pakiramdam ko Pinoy rin ang bumuboto para makuha natin ang top spot. Kailangan natin ng mga ganitong 'award' para magkaroon ng kamalayan ang mga paliparan sa bansa ukol sa pagsasa-ayos ng seguridad, sistema, serbisyo, at kabuuan ng paliparan. 

Paglabas ko, sinalubong ako ng isang "barker". Ikinuha ako ng taxi, mabilis pa sa grab-a-taxi app at pinagdala pako ng maleta. Sumakay naman ako ng taxi. Inabutan siya ng drayber ng limang piso, akala ko oks na pero humingi pa sakin ng tip. 

"Boss, ikaw na bahala sa'kin" sabay hara ng palad. 

Inabutan ko ng bente pesos kahit labag sa kalooban ko. Akala ko oks na. 

"Boss di pa'ko nanananghalian" hindi pa rin inaalis ang kamay sa mukha ko. Humihingi pa ng dagdag. 

Hindi ka nagtanghalian? Bakit? Nagpahintay ba ko sayo ng arrival ko? Dala ko ba ang digestive tract mo? Sobra ka. "Wala na" sabi ko ng walang bahid ng emosyon. Nagpumilit pa siya na para bang optional-holdap ang ginagawa niya. Optional kung magbibigay ka. "Wala na" ulit ko ng may diin. Tumigil na siya. Akala ko oks na. 


"Boss..." sabay hara ulit ng palad sa mukha ko ng isa pang lalaki. Ang role lang naman niya ay sumabay sa paglalakad ko at nung "bar..beggar" papunta sa taxi. Ano ka PSG? Escort service? Wala akong inabot. Umiling lang ako. Mga abusado ng kapwa, anung akala nila lahat ng galing ng erport yayamanin? Kaya sa susunod, alam ko na na ako na dapat ang kumuha ng sariling taxi. 

Umandar ang taxi. Medyo bata pa yung drayber, nakatsinelas, mukhang dating tambay, at parang manggogoyo rin. Goyo-intstinct ang nagsabi sakin. Sinabi ko ang destinasyon ko. Magallanes, pa-Southbound, sa may Alphaland Tower. 

Kina-casual talk ako ni kuya, kesyo taga-san daw ako, kesyo nadaanan daw nila ang bayan namin papuntang Bicol, kesyo ihahatid niya raw ako hanggang Tiaong. Tumawa lang ako. 


"Hanggang terminal sir?" hirit niya. 

"Magallanes. Southbound. Alphaland." ulit ko kung may baril ako baka ipinadinig ko na sa kanya yung kasa pagkatapos kung sabihin yung direksyon. Humirit ka pa at mamumulot ka ng debris ng utak mo (kung meron) sa kahabaan ng flyover. 

Napansin na niyang hindi na ako sumasagot ng buong pangungusap kaya hindi na siya nagkuwento-kuwento pa. Alam na niyang suspicious at mainit ang ulo ko. Paanong hindi ako magdududa, hindi siya nag-metro. Nilubos ko na ang paghihinala, nilabas ko ang highlighter para kopyahin ang plate number ng sasakyan at cell number ng operator na nakapinta sa pinto. Kung anu't anuman, may pagsusumbungan ako. Naisip ko pwede pala akong mag-sideline bilang asset ng NBI. 

Gusto kong bigyan ng sash na may silver dust ang drayber tapos itusok ang aspile sa balat niya. Nasa tapat nga ako ng Alphaland, NORTHBOUND. So, kailangan ko lang namang umakyat ng overpass bitbit ang 13kg kong maleta para makasakay pauwi. "Tatawid ka pa yata sir," ungot niya.

Oo! Tatawid ako ng kabilang buhay at isasama na kita. Ang linaw-linaw ng direksyong binigay ko, pero tinanong ko na lang siya kung magkano dahil badtrip na badtrip nako. 

"Sir, 250 na lang po" 
"Asan ang resibo?" 
"Ayy! Hindi po ako nagmetro." 

Nakalimutan? Pers taym pumasada o gustong makalamang sa kapwa? 

"Ba't di kayo nagmetro? Sumakay ako dito 103 lang ang siningil sa metro." 

"Sige kahit 150 na lang" singil ng drayber na parang luge pa siya. 
Na lang? Bumilis ang tibok ng puso ko. Sabi ko na e, hindi sila nagmemetro tapos sisingilan ka ng mas mahal sa nararapat. G-ni-G pako nito porket bagito ako. 
Nanlalamang kayo kaya pinaghohoholdap at pinagkakacarnap kayo. Hindi naman lahat ng binibiktima ay nanggogoyo ng pasahero. Marami sa kanila, hindi patas. 

Pwede ko siyang i-sumbong sa operator niya para sa mga sumusunod na violations: 

Una,mataas na singil o yung compulsary n Php 47 na tip. 

Pangalawa, nakatsinelas siya. Alam ko bawal 'yon lalo na't nagmamaneho siya sa national highways. Pangatlo, wala siyang lalagyanan ng barya sa dashboard. Ang multa ron ay 500 pesos agad. 

Pa-apat, hindi siya gumamit ng metro. 

Hindi pwedeng manahimik na lang parati sa ganitong mga pang-aabuso. Kaya malalakas ang loob ng mga abusado ay dahil hindi sila nakakagat ng batas. 

Hustisya para sa pasaherong Pilipino!