Tuesday, October 7, 2014
Zipper
Isang tangahali habang nag-aabang ako ng dyip napansin kong bukas ang zipper ko. Nung bag ko pala. At gaya ng gagawin ng normal na pag-iisip, pinasya kong isara ito. Ziiiiip!
Sumabit. Sumabit ang tela nung mismong bag. Madalas naman 'tong mangyari, na sumasabit yung tela sa zipper pero kapag pinuwersa ko ang sara, e maisasara ko rin naman. Kaya pinuwersa ko gaya ng ginagawa ko dati.
Pero iba ang resulta ngayon. Nasira ang zipper. Ayaw ng kumagat sa mga ngipin nito. Nagmistula itong gutom na bag. Nakanga-nga ng bahagya. Wala pa naman akong pamalit dito at saka mahal ko ang bag na'to! Natawaran ko ito sa wagwagan sa Baguio mula 150 naging 120 na lang. Ala-ala ito ng tagumpay ko bilang mamimili, ayokong palitan! Pero nasira na, huli na.
Alam ko na kasing may sabit pero pinilit ko pa. Akala ko makakalusot ako gayang dati. Hindi pala palaging pareho ang resulta ng pagpupumilit. Hindi pala laging makakalusot. Ito ang natutunan ko sa zipper ng bag ko.
Ilang araw ang nakalipas, naalala ko na dalawa nga pala ang panara ng zipper ko na iyon. Maayos ang kagat nito at swabe kong naisasara. Ziiiiiiiiiiiiiiiiupp! Tunog ng panibagong pag-asa.
Mga etiketa:
maka-enrty lang,
sanaysay
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment