Friday, October 3, 2014

TXU-761

Galing ako ng NAIA terminal 4, hindi na'ko nagtaka kung bakit nakuha natin ang World's Worst Airport. Tu si is tu bilib. Mukhang evacuation center, napaka-crowded, paano marami ring delayed flights. Pakiramdam ko Pinoy rin ang bumuboto para makuha natin ang top spot. Kailangan natin ng mga ganitong 'award' para magkaroon ng kamalayan ang mga paliparan sa bansa ukol sa pagsasa-ayos ng seguridad, sistema, serbisyo, at kabuuan ng paliparan. 

Paglabas ko, sinalubong ako ng isang "barker". Ikinuha ako ng taxi, mabilis pa sa grab-a-taxi app at pinagdala pako ng maleta. Sumakay naman ako ng taxi. Inabutan siya ng drayber ng limang piso, akala ko oks na pero humingi pa sakin ng tip. 

"Boss, ikaw na bahala sa'kin" sabay hara ng palad. 

Inabutan ko ng bente pesos kahit labag sa kalooban ko. Akala ko oks na. 

"Boss di pa'ko nanananghalian" hindi pa rin inaalis ang kamay sa mukha ko. Humihingi pa ng dagdag. 

Hindi ka nagtanghalian? Bakit? Nagpahintay ba ko sayo ng arrival ko? Dala ko ba ang digestive tract mo? Sobra ka. "Wala na" sabi ko ng walang bahid ng emosyon. Nagpumilit pa siya na para bang optional-holdap ang ginagawa niya. Optional kung magbibigay ka. "Wala na" ulit ko ng may diin. Tumigil na siya. Akala ko oks na. 


"Boss..." sabay hara ulit ng palad sa mukha ko ng isa pang lalaki. Ang role lang naman niya ay sumabay sa paglalakad ko at nung "bar..beggar" papunta sa taxi. Ano ka PSG? Escort service? Wala akong inabot. Umiling lang ako. Mga abusado ng kapwa, anung akala nila lahat ng galing ng erport yayamanin? Kaya sa susunod, alam ko na na ako na dapat ang kumuha ng sariling taxi. 

Umandar ang taxi. Medyo bata pa yung drayber, nakatsinelas, mukhang dating tambay, at parang manggogoyo rin. Goyo-intstinct ang nagsabi sakin. Sinabi ko ang destinasyon ko. Magallanes, pa-Southbound, sa may Alphaland Tower. 

Kina-casual talk ako ni kuya, kesyo taga-san daw ako, kesyo nadaanan daw nila ang bayan namin papuntang Bicol, kesyo ihahatid niya raw ako hanggang Tiaong. Tumawa lang ako. 


"Hanggang terminal sir?" hirit niya. 

"Magallanes. Southbound. Alphaland." ulit ko kung may baril ako baka ipinadinig ko na sa kanya yung kasa pagkatapos kung sabihin yung direksyon. Humirit ka pa at mamumulot ka ng debris ng utak mo (kung meron) sa kahabaan ng flyover. 

Napansin na niyang hindi na ako sumasagot ng buong pangungusap kaya hindi na siya nagkuwento-kuwento pa. Alam na niyang suspicious at mainit ang ulo ko. Paanong hindi ako magdududa, hindi siya nag-metro. Nilubos ko na ang paghihinala, nilabas ko ang highlighter para kopyahin ang plate number ng sasakyan at cell number ng operator na nakapinta sa pinto. Kung anu't anuman, may pagsusumbungan ako. Naisip ko pwede pala akong mag-sideline bilang asset ng NBI. 

Gusto kong bigyan ng sash na may silver dust ang drayber tapos itusok ang aspile sa balat niya. Nasa tapat nga ako ng Alphaland, NORTHBOUND. So, kailangan ko lang namang umakyat ng overpass bitbit ang 13kg kong maleta para makasakay pauwi. "Tatawid ka pa yata sir," ungot niya.

Oo! Tatawid ako ng kabilang buhay at isasama na kita. Ang linaw-linaw ng direksyong binigay ko, pero tinanong ko na lang siya kung magkano dahil badtrip na badtrip nako. 

"Sir, 250 na lang po" 
"Asan ang resibo?" 
"Ayy! Hindi po ako nagmetro." 

Nakalimutan? Pers taym pumasada o gustong makalamang sa kapwa? 

"Ba't di kayo nagmetro? Sumakay ako dito 103 lang ang siningil sa metro." 

"Sige kahit 150 na lang" singil ng drayber na parang luge pa siya. 
Na lang? Bumilis ang tibok ng puso ko. Sabi ko na e, hindi sila nagmemetro tapos sisingilan ka ng mas mahal sa nararapat. G-ni-G pako nito porket bagito ako. 
Nanlalamang kayo kaya pinaghohoholdap at pinagkakacarnap kayo. Hindi naman lahat ng binibiktima ay nanggogoyo ng pasahero. Marami sa kanila, hindi patas. 

Pwede ko siyang i-sumbong sa operator niya para sa mga sumusunod na violations: 

Una,mataas na singil o yung compulsary n Php 47 na tip. 

Pangalawa, nakatsinelas siya. Alam ko bawal 'yon lalo na't nagmamaneho siya sa national highways. Pangatlo, wala siyang lalagyanan ng barya sa dashboard. Ang multa ron ay 500 pesos agad. 

Pa-apat, hindi siya gumamit ng metro. 

Hindi pwedeng manahimik na lang parati sa ganitong mga pang-aabuso. Kaya malalakas ang loob ng mga abusado ay dahil hindi sila nakakagat ng batas. 

Hustisya para sa pasaherong Pilipino!

No comments: