Wednesday, October 15, 2014

Aaays! Bakeeet?!


   Nang makasama ako sa isang humanitarian org para magbigay ng wheelchair sa mga kapos sa buhay na mga kababayan nating Masbatenyo, hindi ko naisip man lang na may mga beneficiaries na mga bata.

   Parang ang lungkot naman kasing isipin na ang isang bata ay lumpo o hindi nakakalakad. Nung  bata ako ay halos nagtatakbo lang ako maghapon hanggang lumawit ang esophagous ko pero hindi pala lahat ng mga bata ay nakakatakbo para makapaglaro. May isang bata kaming nakita na maghapon lang siyang nakatunganga sa kanilang asoteya at nanonood sa mga nagtatakbuhang mga bata.E paano kung walang pasok? Edi wala siyang napapanood na nagtatakbuhang mga bata. Ano na lang ang magiging pananaw niya sa buhay habang lumalaki siya.

   Sabi ko sa sarili ko, parang ang unfair naman ng buhay sa kanila. Hindi ko mahinuha kung anung dahilan at ganito ang kanilang kalagayan. Mapapatanong ka nga kung bakit, bakit ganito ang kalagayan nila. Bakit wala akong magic wand para isang wagayway ko nito ay oks na ang kalagaya nila?  Bakit ang limitado ko?

   Si John Ray Paterno, 5, taga-Brgy. Kinamaligan, at meron siyang cerebral palsy. Mahina ang mga binti niya at may mga bahagyang paggalaw na hindi makontrol.Premature kasi siya ng maipanganak.Mag-isa siyang pinapalaki ng nanay niya na si Ate Amalyn at nakikipisan sa isang masikip na kwarto sa bahay ng kaniyang kapatid. Nagtitinda lang ng uling, tinapay, at barbikyu si Ate Amalyn para sa pang-araw-araw na gastusin nila ni John Ray, gaya ng pagkain at pamasahe papuntang SPED center para makapag-aral. Pero lalaki si John Ray at lalaki rin ang kanyang mga pangangailangan, mahirap kay Ate Amalyn na palakihin siya mag-isa.

   Masayahin si John Ray. Parang hindi naman siya aware sa kalagayan niya. OA lang ata ako, sabi ko sa sarili ko. Nagpasikat pa nga ito sa pagkanta ng Pusong Bato at pagpupush-up para sa  visiting team.


   Si Lexder Jay Gigante, 7, taga-Brgy. Ibingay naman siya at meron naman siyang clubfoot. Isang deformity sa buto sa paa, magkasalubongg amg mga ito na nagiging dahilan para hindi siya makalakad. Ang good news ay naitatama naman ito sa pamamagitan ng surgical procedures. Kaso sa kalagayan nila sa buhay ay ni hindi man lamang siya makapagpa-assess sa orthopedics para malaman kung paano maayos ang kanyang mga paa.

   Kung si John Ray ay lumaking walang ama, si Lexder ay lumaking walang ama't ina since birth. Inabandona siya, at sabi ng kanyang lola ay pareho nang may kanya-kanyang pamilya na ang mga ito. Si Lola Elsa na isang mananahi na mas matanda pa sa kanya ang kaniyang Singer na makina, at si Lolo Sander Judal na isang sekyu, ang nag-aaruga kay Lexder. Kaya lang sa patanda sila at hindi sa pabata, pangamba rin nila ang kinabukasan ng apo.

   Kung tutuusin, ang dilimn ng buhay ng batang ito pero ang init at ang liwanag ng pagsalubong niya sa amin nang bisitahin namin siya sa kanilang bahay. Para ngang siya na ang pinakamasayang bata sa mundo na nakita ko. Nakakahiya kasi ampangit pala ng attitude ko dahil iba ang inaasahan ko sa pananaw nila sa kanilang kalagayan o masyado lang akong nahahabag, ewan. Nakaka-challenge lang kasi  minsan akala ko ang dilim na ng mundo ko yun pala malilom lang kumpara sa iba.

   Nag-aaral din siya sa SPED at noong distribution day ko lang nalaman na magkaklase pala sila ni John Ray at mag-bff pa. Kapag nga raw magkasama itong dalawa sa iskul ay talagang di paawat sa kakulitan ayon kay Lola Elsa.

   Tinanong ko kung anung pangarap ni Lexder paglumaki na siya, sabi niya gusto niyang maging drayber.Tinanong ko kung meron pang ibang pangarap bukod sa drayber, kasi bihira kong marinig 'yon, at gusto raw niyang magtinda ng laruan sa LCC; isang department store sa Masbate.

   Naisip ko na parang magandang magtayo ng foundation na nagbibigay ng libro para sa kalagayan nila. Dapat pala yumaman ako o di kaya'y maging manunulat ng kwentong pambata para may maabot man lang sa mga batang are. Sa tingin ko hindi lang basta makukulay na papel ang libro para sa kanila bagkos ay magbibigay pag-asa. Ewan ko, kada kasi meron akong nabibili o natatanggap na libro pakiramdam ko hindi ako naghihirap. Kapag nakakabili ako ng libro, "Ang yaman yaman ko naman!" parang ganun.

   Ayoko namang maghintay pa'ko ng pagyaman para mabigyan sila ng libro baka matanda na sila noon. Gurang sa Masbatenyo. Maganda siguro yung Project: PAG-bASA, dahil may pag-asa sa pagbabasa. Yung hindi lang for literacy ang libro o pagbabasa, kundi epitome of hope, karapatang maging masaya; mga ganan. Pero open naman ako sa suggestions at donations.

No comments: