Monday, December 29, 2014

Nabasa Ko Yung Nuno sa Puso


Mahal kong mga mambabasa (kung meron man):

   Nabasa ko yung Nuno sa Puso. Kambal na aklat ni Bebang Siy mula sa mga advice columns niya sa Responde Cavite. Tungkol ito sa mga problema sa pag-ibig, relasyon, at praktikal na buhay. Dalawa ito (kambal nga e), isang kahel at isang asul ang pabalat. Kung personal mo 'kong kilala, malamang ito sabihin mo: "Si Dyord? Dapat binabasa n'yan hindi "Nuno sa Puso" kundi "Nuno sa Pusong Bato". Say what you want pero binasa ko talaga ito.

     "Gawin mong light", ang gaan ng pabalat ng aklat na guhit ni Sean (anak ni Bebang) at cover design ni Poy (asawa ni Bebang). Gaya ng dapat pagsalubong at pagtingin natin sa mga problema sa buhay, kailangan magaan at may kulit. 
     
Si Dolour/Ara/Amnesia. Nagbabasa kuno.

    Hindi ako mahilig sa mga advice columns dahil mukha namang obvious ang sagot sa mga problema noong senders. Hindi ko nga alam kung totoo ba yung mga letter senders. Pero mahalaga ang ganitong babasahin, sa dahilang: Una, kung totoong nag-eexist yung sender, nagkakaroon siya ng avenue para ilabas ang kanyang mga kabigatan sa life lalo na kung wala siyang mapag-kwentuhan. Kapag inipon kasi ito ng inipon, baka sumabog na lang siya one day. Pangalawa, kahit na minsan may desisyon na yung sender sa gagawin niya,  nagkakaroon siya ng oras magtimbang-timbang at mag-consider ng mga mas mainam na sagot sa problema niya. Pangatlo, nagkakaroon ng pagsilip ang mga mambabasa sa buhay ng mga tao sa paligid niya at makikita niyang hindi pala isolated case ang problema niya dahil nararanasan din ito ng ibang tao. Kung ang problemang isinasangguni ay hindi pa nararanasan ng mambabasa, magkakaroon siya ng clue kung paano idi-deal ang mga ganitong problema sa hinaharap.

   Maganda ang iba't-ibang pag-atake ni Bebang sa mga problema. Hindi siya preachy mag-payo. Bibigyan ka niya ng options na pwede mong subukan. Para ka lang nakikipag-usap sa tropapeeps mo. Ipapakita niya rin sa'yo na hindi siya palaging tama at nasa sa'yo ang huling halakhak kung tama ang desisyon mo.

    Isa sa mga paborito ko sa mga isinangguni sa kanya ay 'yung tungkol sa two-timer.  Rak na rak ako 'ron katatawa. Napaka-kwela rin ng kanyang mga closing (Ito talaga yung inaabangan ko sa bawat column). Ito ang ilan sa mga paborito ko: Nakalipstick ng itim, Empowering the Prince Charming, Ngumingiti kahit tag-ulan, at Patukso-tukso na lang.

     Ang bonus pa rito ay matututo ka ng mga lugar sa Cavite kaya basahin mo na rin!


Ang blogger na walang reader,
Dyord




Saturday, December 27, 2014

Paskuhan sa Pandacan


 Bisperas na ng Pasko, napaka-maulan. Ayon sa PAGASA, Yellow warning ang Kamaynilaan dahil sa Tail End of a Cold Front. Akala ko, hindi na matutuloy ang Paskuhan sa Pandacan ng araw na iyon. Kahit na anong nangyari, tuloy-tuloy pa rin ang Pasko.

   Sabi nila, ang Pasko ay para sa mga bata. Kultura na ng mga Noypi na magbigay ng aguinaldo sa mga bata tuwing kapaskuhan. Naglipana ang mga grupo, trio, duo, at minsan pa nga ang naglalakas-loob na solo; para mangaroling. Mas kaunti kasi na miyembro, mas mababa ang hatiian sa makukuhang aguinaldo. Dito abala ang mga bata gaya ng mga bata sa Balagtas, sa Pandacan, Maynila.


   Tuwing Miyerkules ng hapon, pa-gabi; pumupunta rito sina Kuya Benj, Ate Lyn, Kuya Joey, Ate Tin, Kuya Marlon, 'Rik, 'Chard, at minsan, kasama ako kapag maaga akong nakakalabas sa trabaho. Nilalakad lang namin papuntang Balagtas. Tatawirin namin ang tulay ng Nagtahan, tapos liliko sa may Jesus St., tapos ay tatawid ng Jesus Bridge at konting lakad pa'y mararating na ang plaza ni Balagtas. Noong 1835 kasi, mula Bulacan ay lumipat dito si Fransisco Balagtas kung saan nakilala niya si Maria Asuncion Rivera na pinagkunan niya ng tauhan na si Celia sa 'Florante at Laura'. Kaya bilang pag-alala sa kanya ay mayroon siyang plaza na may dancing fountain na. Pinabasa ko yung nakasulat sa may rebulto ni Balagtas sa isa sa mga bata:

"Ang laki sa layaw ay karaniwang hubad
Sa bait at muni't sa hatol ay salat
Masaklap na bunga ng maling paglingap
Habag ng magulang sa irog na anak."


Maraming 'Florante at Laura' sa Plaza Balagtas

   Tinanong ko siya kung kilala niya si Balagtas. Umiling lang at ngumiti ito. Araw-araw siyang pumupunta sa Balagtas, pero ngayon niya lang nalaman na isa pala itong manunulat. Taon-taon din silang nagpa-Pasko. Taon-taong nangangaroling. Sana hindi matulad si Hesus kay Balagtas, araw-araw nadadaanan ngunit hindi kilala.

Hindi sila zombie, nagpapakanta sila Ate Faith at Ate Tin

   Nagpalaro kami sa mga bata ng iba't-ibang relay. Nagpakanta ng masisiglang awit sa pangunguna ni Ate Faith at Ate Tin. Nakipagkwentuhan sa mga bata. Nalaman namin na bertdey pala ni Alyssa at masaya siya na nagpa-parteh kami. Nalaman din namin na suot ni Teng-Teng ang kanyang pamasko. Nalaman din namin na si Courtney pala ay ipinanganak sa basketball court. 

Si Courtney na busy sa kanyang frostee

Si Teng-Teng suot ang kanyang pamasko

 Nalaman naman nila kung sino ang nagbebertdey ngayong Pasko mula sa kwento ni Kuya Joey sa kanila. Nagtapos kami sa pagsasalo-salo ng mainit na pansit na maraming-maraming kikiam at sa masarap na lumpia na niluto ni Ate Mimi. Itinulak ito ng malamig na iced tea.

 Umuwi kami lahat na masaya, bagamat malamig ay may init sa puso sa pag-alala na natanggap namin ang pinaka-da-best (double superlative) na regalo noong unang Pasko.








Pasasalamat:

Sa mga Grace Ambassador: Kena Kuya Bej, Kuya Joey, Nesto, Ate Mimi, Ate Tin, Ate Lyn, Ate Faith, Ate Evs, Ate Tin, Rics, atbp. na hindi ko maalala ang pangalan. Sa inyong pagpapagal, salamat po!

Kay BOSS: Para sa unang Pasko! 


Monday, December 22, 2014

Medikal (Rekusitos Dos)


Prolouge: Gravity! Halos nasa last quarter  na'ko ng aking pag-aasikaso ng rekusitos para sa aking pinaka-unang #trabaho. Mabilis kong natapos yung NBI Clearance dahil automated na yung application, halos wala pang trenta minutos para sa biometrics at; viola! May  NBI Clearance na'ko! Ganito! Ganito dapat! 
Kailangan ko ng harapin ang pinaka-kinatatakutan ko: And Medikal.

   Mahigit isang buwan ko nang dinala sa dibdib ko ito. Dugs-dugs talaga kapag sumasagi sa isip kong magpapa-medikal na'ko. Tapos ko na lahat ng rekusitos, medikal na lang talaga. Kailangan na raw ako sa opisina. Tapos na ang mahigit isang buwang pananakot sa'kin ng medikal. Kailangan ko na siyang harapin.

   Lahat yata ng trabaho ngayon nagpapa-medikal. Tiba-tiba naman ang mga ospital at lab clinic sa dami ng aplikante. Maraming aplikanteng nagpapamedikal, ibig sabihin marami pa lang trabaho sa bansa. Marami rin sa mga nagpapa-medikal ay nag-aabroad, gaya ng mga DH at SM (seamen o pwede ring nagtatrabaho sa SM).

   Bakit kasi kailangan ko pang dumaan d'yan sa medi-medikal na yan?! Wala naman akong AIDS or Ebola. Magsusulat lang naman ako, kahit nga may lagnat pa'ko o Ebola, feeling ko keri pa rin namang magsulat. Ang sagot ay sistema at proseso. Kailangan naman talagang masigurado ng kumpanya na "fit to work" ang aplikante na magiging empleyado nila. Para na rin ito sa kabutihan ng empleyado, siyempre ayaw nating makonpromiso ang kalusugan kapalit ng kabuhayan.

  Kaunti lang. Hindi marami. Hindi marami and dahilan ko kung bakit takot ako sa medikal.

   1. Ayoko ng amoy ng ospital.
   2. Takot ako sa karayom.
   3. Nakakahiyang magbigay ng ihi at .... 
       tae.
   4. Ayokong maghubad.
        (Lalo na maghubo.)


  Kada papasok ako ng ospital, pakiramdam ko nakaka-amoy ako ng formaline. Sa sobrang linis ng amoy, nasusulasok ang gaya kong dugong dugyot. Pader, puti. Nars, puti. Doktor, puti. Parang lalo kong nararamdaman ang aking karumihan. Pero madali lang pagtagumpayan ang takot sa ospital: "Pumasok ka tapos alisin mo sa isip mo na ida-disect at pag-eeksperimentuhan ka dahil sa mga pelikula lang 'yon!". Lumaklak ka ng pampalakas ng loob - Suka; datu puti.

   Sa ospital ng mga mandaragat ako pinagmedikal. Sa SEAMEN'S Hospital sa Intramuros. Sagot ng kumpanya ang bayad. Sagot ko naman ang pagharap sa mga takot ko. Andaming pasikot-sikot ng medikal lalo na sa malalaking ospital. Andaming tao. Andaming kwarto. Una kong istasyong tinigilan ang Out Patient Department (OPD). Dito yung mga hindi naman seaman pero nasa ospital ng mga seaman. Hindi ako pumila dito, accelerated agad sa konsultasyon kapag galing sa kumpanyang pinanggalingan ko. (Itago natin sa pangalang *Philippine Daily Bulletin (PDB) )

  "Dyord :Isa sa mga dakilang kolumnista" sabi noong doktor na nag-e-encode ng medical records ko. Ngumiti lang ako. Nagkwento-kwento na siya na marami daw ngayong nagpamedikal doon na galing sa *PDB. Kesyo taga-saan daw ako. Kesyo kung una ko ba raw na trabaho ito. Unang beses ko ring magpapamedikal kako. Na-sense niya siguro  na kinakabahan ako kaya kinukwento niya 'ko. Marami kasi sa doktor na kilala ko parang bored sa pakikipag-usap sa pasyente at palaging patalilis. Hindi naman pala lahat ng doktor ay concern lang sa pagpatay sa mga mikrobyo sa katawan mo, may mga concern din sa emotional at psychological condition ng pasyente nila. Sa mga gaya ko na mabaliw-baliw sa pagpapa-medikal. Para hindi ako panawan ng bait, sinasabi ko sa sarili ko "Dyord, medikal lang yan, wala ka pang kanser. Ok? Kalma lang" . 

   Proceed ako sa  susunod  na level. 

   Radiology. 

   Kung kasama ko ro'n ang kaibigan kong si Roy, ijo-joke niya agad na "Radiology is the study of radio". Sana mas magaan ang pagpapa-x-ray. Kumuha ako ng number, tapos umupo lang saglit tapos ay tinawag na'ko. Pumasok ako sa puting-puti na kwarto, may puting higaan, at puting mga aparato.

   "Kuya, hubad na." sabi ni kuyang nars.
 
   "Kuya, bitiwan mo na yung gamit mo, tapos hubad na"  ulit pa niya. "Tapos tapat ka dito."


   Mahirap sa'kin ang maghubad ng may makakakita sa katawan ko. Sa katawan ko. Hindi ako sanay. Kahit pa pare-parehong lalaki pa, hindi ako naghuhubad basta-basta. Pumupunta pa 'ko sa CR para magbihis. Akin lang ang katawan ko. Parang privacy issues ganan. Hindi na nga ako nag-artista. Naalala ko tuloy yung binitawan kong isteytment dati kay E-boy, "Mag-aartista na lang ako, tapos maghuhubad, mas madaling kumita kesa sa pagsusulat." Dala ng frustration sa laki ng sweldo sa modeling.

   Di ba lahat ng gagawin ko ay "for the glory of God"? Hindi ko pwedeng isipin 'to ngayon, hindi ko pwedeng sabihing "Maghuhubad ako ngayon para sa Lord". Anlaswang pakinggan. Ewan ko lang kung ito yung iniisip ng mga artistang naghuhubad kahit Christian diumano. Maghuhubad ako para sa x-ray!

   Naghubad na'ko. 

   Ang hirap isulat kahit sentence lang siya. Inisip ko na lang na hindi naman kanasa-nasa yung katawan kong pat-patin. Tsaka suuuuuper once in a lifetime lang naman akong maghuhubad na may ibang makakakita bukod sa honey-bebe ko in the near future.

   Oks nga rin pala 'tong si kuyang nars. Kinukwento rin ako tungkol sa trabaho ko bilang manunulat sa *PDS. Kung matagal na ba raw ako. Kung pailang medikal ko na ba raw ito. Siguro napansin niyang kinakabahan (at mababaliw) ako. Tapos  nabanggit niya na may annual medical daw sa *PDS. Hindi ako magpapa-abot ng isang taon sa pahayagang ito.

  Extraction


  Kapag tinuturukan ako ng karayom, parang bumabara 'to sa daluyan ko ng hangin tapos tumutusok sa puso ko. Kahit sa may braso (likod ng siko) ko naman talaga tinuturok yung syringe. Sobrang iba yung pakiramdam. Ito yata ay dala ng trauma ko nung bata pa'ko dahil sa palagiang pagpapaturok ko noong na-dengue ako ng Stage 3 lang naman. Kinamusta ako ng karayom.

  Tinalian na ang braso ko. Dugs.dugs. dugs.
  Kumuha na siya ng panturok. DUGS. DUGS. DUGS.
  "Relax mo lang kuya ha" sabi ni Ate Nars ng palambing.


  Pinahinga niya ako ni Ate Nars ng malalim. Hmmmmm tapos pumikit ako. Pag-exhale ko tapos na siya. Hindi ko man lang naramdaman yung karayom. Wew! Wala pala yang karayom nyo e! Isa pa nga!

  Tapos, binigyan niya na'ko ng dalawang maliit na botelya. Yung isa medyo mahaba para raw 'yun sa Urinalysis at yung maliit na glass bottle ay sa fecalysis. "Pupunuin ko po ba ito?". "Yung ihi, kahit hanggang 25 lang. Yung, dumi kahit konti lang, mga ganito pwede na". Ipinorma niya ang daliri para sabihing sapat na ang kurot sa dumi mo.

   Pumunta ako ng CR. Umihi. Naku, hanggang 10 lang yung inabot. Umupo, at dinayal ang kalikasan pero mukhang busy ang kalikasan. Hindi ako ma-jebs. Bumili ako ng tubig. Lak-lak para maihi at majebs. Ilang minuto pa ay naihi ako at naabot ko pa ang 40. Pero tumatakbo ang oras at wala pa ring senyales ng jebs.

   Inspiration

   Umuwi ako ng San Miguel, sa may Nagtahan. Sa Kumbento o sa parsonage ng Grace Bible Church kung saan ako nanunulyuan. Upo sa trono. Wala. Inom ng kape. Upo ulit. Wala rin. Cotton buds. Kalikot. Wala pa rin. Kape ulit.

   Dumating si Ate Jobelle, nag-aaply din ito ng trabaho at pansamantala ring naninirahan sa Kumbento. Siyempre, nagpa-medikal din si Ate Jobelle. Kaya mas senior siya sa akin. Humingi ako ng tips. Kape raw. Sabi ko, pinalya na'ko ng kape ngayon. Pauwi, bumili na'ko ng kikiam, kwe-kwek, lumpiang gulay, lumaklak ng suka. Pero hindi ako nag-tae talaga.

  Isang beses lang kasi ako nakakadumi sa isang araw. Tapos, nakadumi na'ko kaninang umaga. Sabi niya pwede naman daw yun bukas ng umaga, basta raw within 2 hours pa lang nailabas. Na-comfort naman ako. Ibig sabihin made-delay na naman ang endorsement ko sa HR. Delay ang umpisa ng trabaho.

  Kinabukasan, nag-return call na ang kalikasan. Ihi, puti. Dumi, basa. Sobrang kadiri yung pagkuha ko sa sample, hindi ko na isusulat dito dahil baka hindi ka makapagtanghalian. Bumalik ako ng Extraction at ibinigay ang sample. Gusto ko sanang itanong kung mahal ba nila ang trabaho nila at kung anong inspiration nila para piliin ang ganitong propesyon kaya lang nakita ko namang masayang nagtatrabaho ang dalawang BS Bio na graduate, hindi pala sila nars. Maghintay daw ng dalawa hanggang tatlong oras. Tamang-tama lang dahil dala ko ang Alternative Alamat na pwede kong basahin.

  Findings

   Hindi ko ma-gets. Kaya dinala ko na lang sa nars ng *PDB para siya ang mag-interpret. Sabi niya kailangan ko pa raw ng apicolordific view ng x-ray. Tapos may past cells daw sa ihi ko kailangan gamutin. May consultation pa raw ako sa Medical Center of Manila. Kulang na lang i-disect ako. Ang resulta ay maiipod na naman ang pag-uumpisa ko sa trabaho, manganganak na ang mga utang ni Mudra. Wala ng patuka ang mga manok ni Pudar.

   Ang hirap tiisin lahat ng oras ng paghihintay pero kailangang dumaan sa madugo, mapanghi, at malabsak na proseso. Pagkatapos nito malamang medical expert na'ko.

  

Saturday, December 20, 2014

CWF sa OMF (talk ni: Lola Grace Chong)



   Galing ako sa OMF Lit. sa may Boni. Pioneer. Naimbitahan nga kasi ako roon ni Ms. Yna noong huli kong punta noong nag-talk si Bebang Siy. Christmas parteh raw ng Christian Writers Fellowship (CWF). Pupunta talaga ako kahit hindi ako inimbitahan. Aba! Christmas parteh kaya yun, maraming pagkain.

   Dapat talaga ay Disyembre 05 ang isked ng parteh, pero nasa Tiaong ako para sa field assignment. Kulang ang oras para umabot ako kung babyahe ako pabalik ng Maynila. May naka-ambang pang bagyo noon na si Ruby, na inasahang super typhoon. Hindi na talaga ako makaka-attend, sabi ko. Sabi ko kay Nikabrik, "pag-pray mo naman na umulan ng malakas sa Maynila, bumaha, lumindol, madelubyo para hindi matuloy ang parteh. Para ire-isked next week." Ang selfie ko 'no?


Si Lola Gara, ibinibida ang 'kanyang' Christmas Tree

   
  Naganap nga, na-post-pone ang parteh, na-re-isked, nakapunta ako. Gusto ko kasi talagang marinig mag-talk si Lola Grace Chong, inangkin niya akong apo. Nabasa ko minsan yung 'Bakit hindi naka-Lipstik si Nanay?'. Bago kami nakinig sa kanyang inihandang devotional-sanaysay ay kumain muna kami. Bumaha ngayon ng pagkain, pasta na maraming condiments (nang-gaya lang ako kung anung i-tataktak ko sa pasta ko), cakes (na hindi ko kilala ang flavor), singkit na lumpia (binili ni Lola Grace sa Chinatown), atbp. Hindi lang ako ang pinakabatang manunulat ng gabi na iyon, kundi wari ko'y ang pinaka-gutom din na manunulat.

   Nagkantahan din kami ng pamaskong awit. Ito palang si Ms. Yna ay strong alto. At multi-faceted pala talaga ang mga writers dahil may kumanta at tumugtog ng instrumento. Tapos, binigay na ni Lola Grace ang kanyang devotional-sanaysay tungkol sa pag-angkin natin sa Pasko. Naku! Walang exempted dito, either taon-taon o misan sa buhay natin, isini-sentro natin ang pasko sa ating kasiyahan. (Ang guilty itaas ang ngala-ngala!)

   Ito ang link sa devotional-message ni Lola Grace Chong na pinost niya sa kanyang blog:
http://leavesofgrace.blogspot.com/2014/12/owning-christmas.html

   Naka-usap ko rin si Dr. Lusi Gatmaitan, at hindi ko siya kilala. Siya pala ang nagsulat ng 'Sandosenang Sapatos' at nagsalin ng 'Bakit hindi naka-Lipstik si Nanay?' sa Filipino. Naku! Dapat pala kasi talaga mas nilalawakan ko pa 'yung pagbabasa ko ng genre. Mga alamat na pala ang nakakausap ko, hindi ko pa alam.

   Bago matapos ang gabi ay nagkaroon kami ng palitan ng aklat o exchange books. 'Yung isang libro na talagang minahal mo raw, sabi ni Ms. Yna. Kaya ang pinang-regalo ko ay 'Maybe (Maybe Not)' ni Robert Fulghum at ang nabunot ko ay si Lola Grace Chong na meron na pala ng anim na aklat ni Robert Fulghum. Ang nakabunot naman sa'kin ay si Dr. Luis Gatmaitan at natanggap ko naman ay ang 'Toxicology' ni Jessica Hagedorn.

   Unang beses ko mag-regalo ng aklat, at unang beses makatanggap ng aklat. 

   
Kodakan na! (Larawan ni: Malou Ortiz)



   Hanggang sa susunod mga kapatid sa hanapbuhay!!!




Pasasalamat:


Kay Ms. Yna: Sa walang sawang pag-iimbita sa PG-manunulat na tulad ko. Nag-uwi po pala ako ng dalawang suman.

Kay Lola Grace Chong: Sa iyong effort sa pagsusulat ng devotional sanaysay at sa pag-angkin mo sa'kin bilang apo sa panitikan.

Kay Dr. Luis Gatmaitan: Sa iyong binigay na aklat. Ang mahal! At sa pag-unawa sa walang kamuwang-muwang na bata sa mundo ng panitikan para sa mga bata. Ginoogle ko po kayo matapos ng gabing iyon.

Sa CWF: Para sa inyong mainit at masarap na mga cakes. Siempre sa fellowship, may mga ganito palang samahan?

Kay BOSS:

   Ang galing lang. Ang simple ng 'bertdey' mo. Ang bongga ng party mo taon-taon. Salamat sa mga regalo at bonuses mo sa'kin araw-araw. 


Saturday, December 13, 2014

Makiling 2.0

Sining ni: Sleepingmarlon Moreno

   

  Sa hindi na mabilang na siglong nagdaan, minsan nababagot din ako dito sa aking destino. Tumatakbo-takbo ng yapak sa kakahuyan habang ikinakampay-kampay ang mga malalantik na kamay ng isang diwata. At sa tuwing makakakita ng mortal ay bigla na lang maglalaho at inaasahang mahuhulog ang loob sa isang estranghero. Nakakasawa na ang ganitong imahe na meron ako sa mga taga-lupa. Masyadong tunog alamat; old skul.

   Minsan habang nakikipaghabulan ako sa mga kaibigang baboy-ramo ay bigla na lang akong natigilan at sinabi sa sariling: "Ibig kong magsulat". Magsusulat ako dahil marami akong gustong ipahayag tungkol sa sarili gaya ng hindi talaga ako naglalagay ng bulaklak sa tainga dahil pinangangathan ako. Nais kong putulin ang kaisipang nagsusuot ako ng wagas sa haba at panalo sa puting mga saya dahil sa totoo lang ay hindi iyon praktikal suotin sa bundok. Nais kong ipabatid na hindi lang pagngiti-ngiti at pagtatampisaw sa batis ang kaya kong gawin, kaya ko ring magsibak ng kahoy at madalas naniniba ako ng puno ng saging kapag may pa-okasyon. Sisibakin ko ang kaisipan na ang babae ay anito ng kahinaan gamit ang panulat. Oo nga' t ako'y isang Maria, pero hindi ako mahina.

    Magsusulat ako para tuldukan ang pananahimik. Mariin kong tinututulan ang mangilan-ngilang magkasintahang mortal na nais magparami sa aking sagradong destino. Mga moral na mas bulok pa sa mamatay ng puno. Higit pa rito'y tinututulan ko rin ang pangangaso sa ngalan ng libangan, nangangamba ako na kung hindi pa'ko tutuga sa panlalapastangan ay mag-isa na lang akong tumatakbo at nakikipaghabulan sa pagsisising dapat ay sumigaw ako. Nangangamba akong hindi na marinig ang musika ng mga siyap ng mga pipit at di na masilayan ang mga bibihirang bulaklak dahil sa pagkakabulabog ng balanse ng kalikasan. Hindi na natatakot ang mga tao sa sumpa-sumpa sa pagsira sa aking destino. Tila alamat na rin lang ang maaring pagguho ng lupa at mga paparating na delubyo kumpara sa tindi ng kanilang pangangailangan. Nais kong pukawin silang mga nagbubulag-bulagan para sa kapirasong pakinabang.

  Marahil marami ang nag-aabang sa kung anung wiwikain ko ukol sa paksain ng nagbabagong panahon. Walang nagbabagong panahon, ang paraan ng mga mortal ay wala ring pagbabago. Wala silang pakundangan sa bukas para lang mapunan ang pangangailangan ng ngayon; hindi na natuto sa nakaraan. Ngayon sila pa ang humihingi ng hustisya sa krimeng sila rin ang may dulot. Lahat ito gusto kong ipalathala ngunit sa tuwing maiisip ko na ang papel na maglululan ng aking saloobin ay maaring dati'y isang puno sa ibang destino, bigla na lang pumapatak ang aking panulat kasabay ng aking mga luha.

   Naka-isip ako ng alternatibo, mas malaya pa nga kung tutuusin at mas maraming maaaring makabasa. Gagawa ako ng blog! Ipo-post ko ang mga kalapastanganan ng mga datu ng mga mortal na makakalikasan, makadiyos, at makabayan lang tuwing ikatlo at ikaanim na taon. Silang nagbibigay pahintulot sa pamumugot ng mga puno kapalitga-lupa. Maaring nawala ko nga ang aking tiwala sa kanila dahil sa krimen ng iilang gahaman at sa pagkikibit-balikat ng nakararami ngunit hindi ko pa naiwawala ang pag-asa na mula sa iilang nagmamalasakit ay makakarating ang aking tinig sa nakararami at magdudulot ito ng pagkilos. Pagkilos na magtatanggol sa mga mahihina, sa mga pagao na kahihiyaw ngunit hindi napapansin, at sa mga walang tinig.

CNF sa OMF (talk ni: Beb Ang)


   Naimbitahan nga ako ni Ms. Yna, ang editorial director ng OMF Lit., para sa kanilang ginanap na Creative Non-Fiction (CNF) Workshop-Talk sa Boni-Pioneer. Nakakatawa dahil si Bebang Siy na naman ang nag-talk sa nasabing workshop. Mukha na akong stalker ni Ate Bebs dahil kapapakinig ko lang sa talk niya sa Aklatan 2014 nito lang ding Nobyembre.

Si Bebang Siy, nag-iingay sa unahan

   Bago nag-umpisa ang talk ni Ate Bebs ay nagbigay muna ng isang maigsing devotion si Pastor ['yung writer ng Stay Connected at Boring ba ang Bible Mo? under OMF Lit.] tungkol sa "pinaka" dahilan ng pagsusulat. At nagpaalala siya na "you can't serve God and Money".

   Kahit sabi ni Ate Bebs na wala na kaming mapipiga sa kanya (dahil nga marami ng talks na narinig namin siya) ay marami pa rin naman akong natutunan. Gaya ng... gaya ng... ahhhmm... ah basta! Madami. Nagbigay siya ng 6 Tips sa Pagsulat ng CNF o sanaysay na kahit isa wala akong maalala. Pero hindi naman ibig sabihin noon ay wala akong natutunan. Kung pinipilit mong malaman kung ano talaga yung natutunan ko, e ito yung kung paano nakakatulong sa sarili at sa iba ang pagsusulat. 

   Para kay Ate Bebs, ito ang mga dahilan kung bakit tayo nagsusulat:
   1. Para sa sarili
   2. Para sa iba
   3. Para sa bayan
   4. Pangkabuhayan

   Sinulit ko ang registration na Php 75. 00 sa pag-ubos sa potato chips sa table ko. Baka hindi na'ko iimbitahan ni Ms. Yna sa susunod dahil sa pagiging patay-gutom ko.  Magkagayunman, na-imbitahan ulit ako ni Ms. Yna para sa Christian Writers Fellowship Christmas Party. 



Pasasalamat:

   Kay BOSS: Para sa mga ganitong klaseng opurtunidad na hindi naman ako deserve at sa nakuha kong raket.

   Kay Ms. Yna:  Sa kanyang mga imbitasyon sa hindi lang "young writer" kundi "hungry writer" din na kagaya ko.

   Kay [*kung sinuman siya]: Naging kaibigan ko 'to doon sa talk. Mula pa siya sa Calamba, Laguna kaya kasabay ko siya umuwi pa-South. Tapos, nakatayo kami sa bus dahil uwian ng Biyernes ng gabi. Tapos, para hindi kami antukin ay nagsagawa kami ng review and discussion kahit mukhang ingay na ingay sa'min ang mga pasahero.