Saturday, December 27, 2014

Paskuhan sa Pandacan


 Bisperas na ng Pasko, napaka-maulan. Ayon sa PAGASA, Yellow warning ang Kamaynilaan dahil sa Tail End of a Cold Front. Akala ko, hindi na matutuloy ang Paskuhan sa Pandacan ng araw na iyon. Kahit na anong nangyari, tuloy-tuloy pa rin ang Pasko.

   Sabi nila, ang Pasko ay para sa mga bata. Kultura na ng mga Noypi na magbigay ng aguinaldo sa mga bata tuwing kapaskuhan. Naglipana ang mga grupo, trio, duo, at minsan pa nga ang naglalakas-loob na solo; para mangaroling. Mas kaunti kasi na miyembro, mas mababa ang hatiian sa makukuhang aguinaldo. Dito abala ang mga bata gaya ng mga bata sa Balagtas, sa Pandacan, Maynila.


   Tuwing Miyerkules ng hapon, pa-gabi; pumupunta rito sina Kuya Benj, Ate Lyn, Kuya Joey, Ate Tin, Kuya Marlon, 'Rik, 'Chard, at minsan, kasama ako kapag maaga akong nakakalabas sa trabaho. Nilalakad lang namin papuntang Balagtas. Tatawirin namin ang tulay ng Nagtahan, tapos liliko sa may Jesus St., tapos ay tatawid ng Jesus Bridge at konting lakad pa'y mararating na ang plaza ni Balagtas. Noong 1835 kasi, mula Bulacan ay lumipat dito si Fransisco Balagtas kung saan nakilala niya si Maria Asuncion Rivera na pinagkunan niya ng tauhan na si Celia sa 'Florante at Laura'. Kaya bilang pag-alala sa kanya ay mayroon siyang plaza na may dancing fountain na. Pinabasa ko yung nakasulat sa may rebulto ni Balagtas sa isa sa mga bata:

"Ang laki sa layaw ay karaniwang hubad
Sa bait at muni't sa hatol ay salat
Masaklap na bunga ng maling paglingap
Habag ng magulang sa irog na anak."


Maraming 'Florante at Laura' sa Plaza Balagtas

   Tinanong ko siya kung kilala niya si Balagtas. Umiling lang at ngumiti ito. Araw-araw siyang pumupunta sa Balagtas, pero ngayon niya lang nalaman na isa pala itong manunulat. Taon-taon din silang nagpa-Pasko. Taon-taong nangangaroling. Sana hindi matulad si Hesus kay Balagtas, araw-araw nadadaanan ngunit hindi kilala.

Hindi sila zombie, nagpapakanta sila Ate Faith at Ate Tin

   Nagpalaro kami sa mga bata ng iba't-ibang relay. Nagpakanta ng masisiglang awit sa pangunguna ni Ate Faith at Ate Tin. Nakipagkwentuhan sa mga bata. Nalaman namin na bertdey pala ni Alyssa at masaya siya na nagpa-parteh kami. Nalaman din namin na suot ni Teng-Teng ang kanyang pamasko. Nalaman din namin na si Courtney pala ay ipinanganak sa basketball court. 

Si Courtney na busy sa kanyang frostee

Si Teng-Teng suot ang kanyang pamasko

 Nalaman naman nila kung sino ang nagbebertdey ngayong Pasko mula sa kwento ni Kuya Joey sa kanila. Nagtapos kami sa pagsasalo-salo ng mainit na pansit na maraming-maraming kikiam at sa masarap na lumpia na niluto ni Ate Mimi. Itinulak ito ng malamig na iced tea.

 Umuwi kami lahat na masaya, bagamat malamig ay may init sa puso sa pag-alala na natanggap namin ang pinaka-da-best (double superlative) na regalo noong unang Pasko.








Pasasalamat:

Sa mga Grace Ambassador: Kena Kuya Bej, Kuya Joey, Nesto, Ate Mimi, Ate Tin, Ate Lyn, Ate Faith, Ate Evs, Ate Tin, Rics, atbp. na hindi ko maalala ang pangalan. Sa inyong pagpapagal, salamat po!

Kay BOSS: Para sa unang Pasko! 


No comments: