Saturday, December 13, 2014

Makiling 2.0

Sining ni: Sleepingmarlon Moreno

   

  Sa hindi na mabilang na siglong nagdaan, minsan nababagot din ako dito sa aking destino. Tumatakbo-takbo ng yapak sa kakahuyan habang ikinakampay-kampay ang mga malalantik na kamay ng isang diwata. At sa tuwing makakakita ng mortal ay bigla na lang maglalaho at inaasahang mahuhulog ang loob sa isang estranghero. Nakakasawa na ang ganitong imahe na meron ako sa mga taga-lupa. Masyadong tunog alamat; old skul.

   Minsan habang nakikipaghabulan ako sa mga kaibigang baboy-ramo ay bigla na lang akong natigilan at sinabi sa sariling: "Ibig kong magsulat". Magsusulat ako dahil marami akong gustong ipahayag tungkol sa sarili gaya ng hindi talaga ako naglalagay ng bulaklak sa tainga dahil pinangangathan ako. Nais kong putulin ang kaisipang nagsusuot ako ng wagas sa haba at panalo sa puting mga saya dahil sa totoo lang ay hindi iyon praktikal suotin sa bundok. Nais kong ipabatid na hindi lang pagngiti-ngiti at pagtatampisaw sa batis ang kaya kong gawin, kaya ko ring magsibak ng kahoy at madalas naniniba ako ng puno ng saging kapag may pa-okasyon. Sisibakin ko ang kaisipan na ang babae ay anito ng kahinaan gamit ang panulat. Oo nga' t ako'y isang Maria, pero hindi ako mahina.

    Magsusulat ako para tuldukan ang pananahimik. Mariin kong tinututulan ang mangilan-ngilang magkasintahang mortal na nais magparami sa aking sagradong destino. Mga moral na mas bulok pa sa mamatay ng puno. Higit pa rito'y tinututulan ko rin ang pangangaso sa ngalan ng libangan, nangangamba ako na kung hindi pa'ko tutuga sa panlalapastangan ay mag-isa na lang akong tumatakbo at nakikipaghabulan sa pagsisising dapat ay sumigaw ako. Nangangamba akong hindi na marinig ang musika ng mga siyap ng mga pipit at di na masilayan ang mga bibihirang bulaklak dahil sa pagkakabulabog ng balanse ng kalikasan. Hindi na natatakot ang mga tao sa sumpa-sumpa sa pagsira sa aking destino. Tila alamat na rin lang ang maaring pagguho ng lupa at mga paparating na delubyo kumpara sa tindi ng kanilang pangangailangan. Nais kong pukawin silang mga nagbubulag-bulagan para sa kapirasong pakinabang.

  Marahil marami ang nag-aabang sa kung anung wiwikain ko ukol sa paksain ng nagbabagong panahon. Walang nagbabagong panahon, ang paraan ng mga mortal ay wala ring pagbabago. Wala silang pakundangan sa bukas para lang mapunan ang pangangailangan ng ngayon; hindi na natuto sa nakaraan. Ngayon sila pa ang humihingi ng hustisya sa krimeng sila rin ang may dulot. Lahat ito gusto kong ipalathala ngunit sa tuwing maiisip ko na ang papel na maglululan ng aking saloobin ay maaring dati'y isang puno sa ibang destino, bigla na lang pumapatak ang aking panulat kasabay ng aking mga luha.

   Naka-isip ako ng alternatibo, mas malaya pa nga kung tutuusin at mas maraming maaaring makabasa. Gagawa ako ng blog! Ipo-post ko ang mga kalapastanganan ng mga datu ng mga mortal na makakalikasan, makadiyos, at makabayan lang tuwing ikatlo at ikaanim na taon. Silang nagbibigay pahintulot sa pamumugot ng mga puno kapalitga-lupa. Maaring nawala ko nga ang aking tiwala sa kanila dahil sa krimen ng iilang gahaman at sa pagkikibit-balikat ng nakararami ngunit hindi ko pa naiwawala ang pag-asa na mula sa iilang nagmamalasakit ay makakarating ang aking tinig sa nakararami at magdudulot ito ng pagkilos. Pagkilos na magtatanggol sa mga mahihina, sa mga pagao na kahihiyaw ngunit hindi napapansin, at sa mga walang tinig.

No comments: