Ang dami na talagang nakahandusay na patay ngayon.
Papunta akong trabaho at Lunes na Lunes. Hindi pa man ako sumasapit ng San Antonio ay nakakita na agad ako ng dalawang pusang pisak sa kalye. Nagkahalo-halo na ang mga napitpit na lamang-loob, nalagas na balahibo, at nadurog na mga buto. Kahit mabilis pa ang takbo ng dyip pa-Lipa at wala pang tatlong Segundo kong nakita ang bangkay sa konkretong kalsada, alam kong pusa iyon. Sariwa pa ang dugo.
Lunes na Lunes. Talamak na talaga ang mga patayan ngayon.
Marami sa mga napansing kong bangkay ay nasa may gilid ng kalsada, ‘yung bagong gawa dahil sa national widening. Puwedeng gusto nila ang init ng aspalto sa gabi kaya nasa kalsada sila. Pero feeling ko, hindi pa nakaka-adjust ang mga pusa. Akala pa rin nila ay bahagi ng kanilang harapan ang bagong gawang kalsada kaya doon pa rin sila namamalagi. Pangita ito sa ilang mga aso’t pusang nakatambay sa bagong widening na kalsada. Akala nila harapan pa rin nila ‘yon, anong malay nila sa widening?
Sinong may malay sa widening? Tayo. Tayong mga nasa higher species na merong built-in na moralidad sa ating mga budhi. Pinalawak naman ang kalsada at may ilaw naman ang mga sasakyan, puwede naming iwasan ang mga pusa lalo na’t gabi naman at mas maluwag pa nga ang kalsada. Kaya lang tila naka-hibernate ang mga moralidad natin dahil sa pagmamadali at kailangang maihatid na mga karne ng manok, at mga kailangang makauwi na mga pasahero, at mga gulay na malapit nang mabulok; at dahil sa kailangang magka’ pera at maipakain sa pamilya. Para sa ekonomiya.
Pusang gala naman. Ilang balde pa ng dugo ang dadanak parasa kaunlaran? May nakulong na ba dahil nakabangga s’ya ng pusa? Bakit ang saya-saya ng puso ng drayber kapag may naririnig s’yang pisak ng mumunting katawan sa pagitan ng kanyang mga gulong? Pusang gala! May nagluluksa ba para sa mga pusang ito?
Lunes na Lunes. Talamak na talaga ang mga patayan ngayon.
Saludo ako sa mga taong may lakas ng loob na sikmura para alisin ang bangkay nina Muning, Miming, at Wish-wish sa kalsada. Pero paano ‘yung mga bangkay na hindi iisang daang beses na nagulungan ng dyip, Innova, Pajero, traysikel, bisikleta, at 10-wheeler trucks at kumapit na ang mga nabubulok na bahagi sa pagitan ng mga gulong o kaya’y nailibing na sa mga guhit ng konkretong kalsada.
Talamak na talaga ang mga patayan ngayon.
Marami sa’tin dinadaan-daanan lang at bala-bala’y hindi napapansin.