Hu Keyrs?
Hindi ko naabutan ang
Lupang Hinirang ng Lunes na ‘yon. Medyo nahuli kasi ako ng dating sa munisipyo.
Hindi ko na-recite ang Panunumpa ng Katapatan sa Watawat ng Pilipinas at
Panunumpa ng Kawani ng Gobyerno. Hindi ko na rin naawit ang masiglang Imno ng
Padre Garcia.
Pero naabutan ko ang mga
Pabalita ni Mam Galela, Social Welfare Dept. Head. Nagpahatid s’ya ng pakikiramay para
sa pumanaw na ama ng isang kawani. Nanghingi rin s’ya ng kaunting tulong
para naman sa anak ng isang kawani na nasa ospital. Medyo mainit na ang sikat
ng araw at marami-rami na ring departamento ang nagpabalita. Humirit lang si
Ate Annie, kawani ng Municipal Agriculture.
Dahil sa pambungad n’ya na “Please bear with me
dahil baka huling beses n’yo na akong makikita sa munisipyo,” nakuha n’ya ang tainga ng lahat.
Nagtanong agad ako kum’ bakit? Magre-resign na ba s’ya? Pero hindi agad
sinagot ni Ate Annie ang tanong sa isip ko.
Simula raw ng pumasok
ang taon na ito ay ang dami na n’yang absent. Sumisikip ang dibdib madalas. Kaya
sunod-sunod daw ang pagpapapirma n’ya ng leave forms. Bumibilis ang tibok ng puso at nahihilo. Kaya
kailangan laging magpatingin sa mga doktor at magpagamot. “Nagkabaon-baon na ako sa
utang.” Ang dami raw kasing ispesyalista ang tumingin at nagpa-lab test sa
kanya na may special price din kaya naubos ang kanyang naipon at
nagkautang-utang pa. Nagpasalamat s’ya sa mga boss n’ya na pumapayag naman sa leave request n’ya kahit madalas.
Sa dinami-daming doktor
at kung ano-anong tests na ginawa sa kanya sa mga ospital sa Lipa, wala s’yang nakuhang sagot. Sa
Maynila, apat na ispesyalista ang tumingin sa kanya, limang tests ang ginawa sa
kanya, at nagpasalamat s’ya sa Diyos dahil lahat ng ‘yun ay walang bayad. Do’n n’ya nakuha ang kasagutan
sa kanyang kalagayan.
“Bihira”. Special case daw ang sakit ni Ate Annie. “… versus thyroid gland” sabi ni Ate Annie na
nagpakunot sa noo ng marami. Hindi namin masyadong nakuha kung ano ‘yung sakit. Basta
pinabababa raw nito ang immune system ng katawan at kaunting pagbilis lang daw
sa tibok ng kanyang puso ay dapat nang ituring na emergency. Ang resulta na
nagpaiyak sa kanya ay “can not be cured, but can be treated”.
Kung tutuusin masyado pa
raw maaga. “May 3rd year college pa ako na engineering.” Pero kailangan talagang
magpahinga aniya, “kundi ay mawawala ako ng maaga.” Alam daw n’ya na Diyos ang
magpupuno sa lahat ng mga pagkukulang. Gusto pa nga raw n’ya sana kahit tapusin
man lang ang taon para sa bonus, kaya lang kailangan na n’yang mamili. “Lahat tayo may choices,” sabi ni Ate Annie ng
ilang ulit.
Nagtanong daw s’ya kung may makukuha ba
s’ya sa commutation ba ‘yun? O parang separation pay? O retirement benefits?
Hindi ko alam masyado. Basta nagtanong daw s’ya kung may makukuha ba s’ya sa pagreresign n’ya. “Napalaglag ang luha ko,
dahil kahit singko ay wala akong makukuha”. Parang nanikip na rin ang dibdib ko.
Masakit daw sa puso.
Sabay banat ni Kuya Gaspar sa isang katrabaho “kaya ikaw ‘wag kang magpaasa ng mga lalaki, masakit sa
puso!” Natawa naman ako. Nag-iiyak naman si Ate Annie sa unahan. “For 16 yeeears of
service, <hinga ng malalim> why do I need to stay that looong?” Nakailang ulit pa s’ya ng why do I need
to stay that long bago binitiwan ang mikropono at tumalilis ng lakad.
Lahat tayo may choices.
Pinili ni Ate Annie na magserbisyo sa gobyerno. Pinili ko rin at ng lahat ng
nakabilad ngayon sa harap ng munisipyo. Hanggang kailan ko tatayuan ang choice
ko? Will I stay that long? Bakit naman? Kaya ko ba? #Esep-esep.
Maya-maya ay kumambyo
lang ng kaunti ang sumalo ng mikropono at tumuloy na sa sunod na bahagi ng
programa; ang pagbibigay parangal (loyalty award) sa mga kawani na nasa 15 taon
na ng serbisyo publiko alinsabay sa pagdiriwang ng ika-116 na taon ng Serbisyo
Sibil ng Pilipinas. May tatlong nakatanggap ng parangal, isang nasa Social
Welfare, isang nasa Health, at isang nasa Treasury. Tumanggap sila ng plake,
puting sobre, at palakpak ng mga kapwa kawani.
Sabay-sabay din kaming
bumalik sa kani-kanilang tanggapan para sa panibagong linggo ng paglilingkod sa
pamilyang Gaciano. Ipinagpapasa-Diyos na lang muna ang bukas. Walang choice e.
No comments:
Post a Comment