Laba(s) pa More
Niyaya ko si Alvin na mag-malling. Saturdate, unwind, unwind. Sabi ko
titingin lang ako ng sapatos. Sabi n’ya sa’kin ay sasamahan n’ya lang ako. Sabi
lang namin ‘yun. Eh sa tunay?
Nag-reply siya sa chat na kung puwedeng mga alas-singko ng hapon at
naglalaba pa raw s’ya. Oks lang kako dahil may labahin pa rin naman akong
natira. ‘yung marami kong labada kasama na ng panglatag kong kumot na higaan ay
pina-laundry ko na lang sa halagang 85 pesos. Pagod pa rin ako mula sa isang
linggong drama-filled na mid-year evaluation ng Kagawaran sa Binondo;
alas-diyes na nga ng umaga ako nagising.
Inabot pa rin ako ng halos dalawang oras sa paglalaba ng mga natira kong
labahin at paglilinis ng bahay na isang linggo ring pinamahayan ng mga di
nawalis na gabok. Parang pagod na’kong maglaba. Gusto ko na lang umuwi kena
E-boy, kaya lang nasabi ko nang lalabas kami ni Bino. Titingin lang ako ng
hiking shoes sa mall dahil 3-day sale ngayon.
Nauna pa rin s’yang dumating sa National Bookstore. Pupunta lang daw
s’ya muna sa ATM. Sige at maniningin lang ako sa bargain sa loob. Hindi naman
ako bibili, tingin lang. May mga tula ni Pambansang Alagad ng Sining sa
Panitikan Rio Alma sa halagang 50 pesos. May mga ilang antolohiya rin mula sa
Anvil sa halagang 50-100 pesos lang. Nakakarelaks kayang igalaw-galaw ang
daliri sa spine ng mga aklat. Ang dami-daming iniisip at sinusulat ng mga tao.
Ang dami-daming dapat isipin at isulat pa. Maya-maya’y di ko namalayang kanina
pa pala si Bino sa harap ko. Pag-alis ko ay may kumapit na isang kalipunan ng
mga tula ni Rio Alma; ‘Ang Hayop Na Ito!’ at ‘In Love with Science’ na isa
namang kalipunan ng mga kuwento ng mga Outstanding Young Filipino Scientists.
Sa baba tumingin-tingin din kami ng mga bargain na damit. Pero wala
kaming nagustuhan. Kaya dumeretso na kami sa pagtingin lang ng sapatos sa
department store. Nakakita kami ng 50% discount kaya pumapatak lang ng 400-650
pesos ang isang pares ng medyo kilala namang brand ng sapatos. Babalikan daw ni
Bino, tingin lang muna kami ng hiking shoes.
Nasa 40% and diskuwento ng nakita kong sapatos with spikes na Sandugo.
May mga umalingawngaw na mga tinig sa hippocampus ko. “Ser, kayang
makipagsabayan n’yan sa Merrel, kahit major hike kaya n’yan,” sabi ng isang
sales rep na nakausap ko sa isang Sandugo store sa Maynila. “Ang bilhin mo yung
may ano (spike), para di ka madulas…’yung Sandugo ko dati, inabot ng 3 years,”
sabi naman ni Lianne, ka-trabaho kong mountaineer. Pero titingin lang dapat
ako.
May mga financial obligations pa ako, laptop dues, monthly bills, at
house rentals. Nasa ospital pa nga yata ang pamangkin ko dahil nanghihingi na
naman ng pera si Mama. Wala raw cash ang Kagawaran so baka ma-delay na naman
ang sahod namin. Pero 40% e, ang 2k plus ay 1.4K na lang.
“Kuya, size 9 po.” Isang swipe lang ang katapat at lumundag-lundag na
naman ang kapirasong muscles sa loob ng dibdib ko. Le’mme justify: Magha-hiking
kami sa Lobo, Batangas kapag naka-target na kami sa aming programa. Parang
motivation ko ‘yung hiking para galingan at magsipag. Isa pa, ‘yung sapatos
kong binili noong Hulyo ay hindi pala puwedeng pang-ulan dahil kitang-kita ang
dumi kapag naputikan. Kaya naman, kailangan ko talaga itong sapatos na’to sa
tingin ko.
Binalikan namin ni Bino ang 50% na discounted items. Kumuha s’ya ng not
just one, not just two, not just three; but four pairs! Nasa 1.7K pesos lang
lahat ng apat na Milanos sizes 9-10. Tag-iisa raw sila ng tatay at mga kapatid
n’ya. Ngayon lang daw s’ya gumastos ng ganito. Nasa 200 pesos lang daw mga
sapatos n’ya mula sa mga overrun stores sa Cavite. Sabihin na lang nating
umiiwas tayo sa Christmas rush. Bumili rin s’ya ng bag kasi medyo sawa na raw
s’ya sa bag n’yang free sa isang telecom na pinag-sideline-nan n’ya dati.
Habang palabas kami ng department store para kumain, kinokonsensya ko si
Bino na ang shoppaholic mo. Ulit-ulit kasabay ng halakhak dahil ako rin naman.
Nag-chat daw si Ate Kars sa kanya na okey lang ‘yan at pinagtrabahuhan naman
n’ya ‘yung pera. Meron naman daw s’yang naitabi na. Nangangalap din s’ya ng
justifications.
“Hindi ako ‘to e,” sabi ni Bino sabay inalog-alog ang mga bitbit na mga
kahon ng sapatos.
Dyord
White House
Setyembre 03, 2016
11:34pm
No comments:
Post a Comment