Wednesday, June 7, 2017
Lunes na Lunas
Ang huling pagkikita pa namin ni Tsang Lorie ay noong huling kumperensiya pa namin sa Pontefino Hotel sa Batangas City. Pagbalik ko ng Garcia, parang walang nangyayaring maganda sa komunidad namin. Inalat ako ng dalawang linggo kumbaga. Despalinghado ang pribadong partner, may pagtatalo sa isang taniman dahil sa tubig, di kumikitang mga bigasan, nagastos ang pera ng asosasyon, at papalapit nang papalapit na deadline ng mga bagong proposals.
"Walang nangyayaring maganda sa buhay ko," text ko kay Tsang. Hindi na rin ako nagsulat ng weekly feedback report dahil nakakalason magsulat ng mga problema. Nakailang tawag si Tsang Lors, pero di ko maabut-abutang sagutin.
"Wag kang magparinde," sabi ni Tsang habang naghapunan kami sa McDo sa Rosario. Palipat-lipat lang kami ng counseling venue saRosario; sa Jolibee, Chowking, at sa McDo. Nasa pagdududa-sa-sariling-kakayahan stage na naman ako. Nagkakaganito ako kapag walang-tumatama-sa-kalendaryo-ko week.
Pinag-usapan namin ang mga natitira pa naming pondo. Parehas nasa tig-dalawang milyon pa ang gugulin at kailangang sulatan pa ng proposal. Nag-uumpisa na ang Hunyo at sa katapusan dapat ay nasa lamesa na ni boss.
Nakakaubos na kako ako ng ideya ng puwedeng pagkakakitaan. May mga maayos na bigasan pero meron ding di maayos. Gagawa ka pa rin ga kaya ako ng mga bigasan? Tabi-tabi na ang sari-sari store. Nagpa-iwi na kami ng lahat ng hayop pang bukid. E kung elepante na ang ipa-iwi namin?
"'yung iba nga, wala pa ring proposals."
Sabagay, titiisin mo lang namang pagalitan e di ba? Walang proposal? Edi walang proyekto. Wala ka ring problema. Pakapalan na lang ng mukhang tumanggap ng suweldo nang walang na-serve! Naalala ko bigla ng tawanan namin ni Ate Ivy.
E di wag nila kong i-renew. Maghanap sila ng iba! "Simple lang ang buhay." dagdag ni Tsang sabay isang tuktok sa lamesa.
"Anong balak mo?" tinutukoy ko yung natitirang pondo ni Tsang habang hinihimay ang paa ng manok.
Bigasan at Hilot ang buod ng sagot n'ya. Ako kako'y nauubusan na talaga. Iniisip ko minsan na baka meron d'yan na mas maraming ideya, mas may karisma sa komunidad, mas magaling makipag-usap sa mga pampubliko at pribadong opisina, mas mahusay magplano; baka maa may deserving talaga ng job order ko?
Laging nasasangkalan ang self-worth kapag di ko napapangyari ang mga bagay-bagay. Pumapagod talaga sa'kin yung pagsisi sa sarili e. Nasabi ko tuloy kay Tsang yung realization ni Ate Ruma, sa Singapore daw nung manager pa s'ya ro'n ng restaurant; pagkahugas mo ng pinggan sa gabi, tutulog ka na. Bukas na ulit ang trabaho. Walang babagabag sa isip mo.
Kung puwede nga lang kakong kontrolin ang isip ng mga tao; control freak at perfectionist talaga ako e. O kung puwede lang kontrolin ang kalendaryo na umayon sa gusto kong mangyari kahit isang buwan lang.
"I started the Monday great" text ko kay Tsang ngayong Lunes ng umaga lang.
Nakapagbisita kasi kami ng mga namamasada at nakakuha ng kuwento ng bahagyang pag-angat n buhay nina Ate Merly; isang naghahalaman na natulungan ng Programa. May ipanglalagay na ako sa bago kong blog tungkol sa development.
So baka dapat kada Lunes dapat maghanap ako kahit ng maliliit na kuwento ng pag-angat. Para hindi ako nalulunesan. Para hindi ako lumubog ng buong Linggo.
Te Lors, next time try naman natin sa Ham Chan. Anong masarap d'yan? Lomi. Chinese resto 'yan di ba?
Mga etiketa:
kayod kronikels,
sanaysay,
self-help
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment