Sunday, February 25, 2018

Joongsu


   Nakita ko ulit si Vernon makalipas ang mahigit isang taon na yata. O baka magdadalawa na.

   Nagising na lang ako nang magpakulo si Mama ng tubig para sa aalmusaling kape na pinarisan ng puto't kutsinta. Kung ano pa ang mas ma-carbs, ay ang kapatid ko. Lumobo s’ya nang maige siguro'y dahil sa pagpupuyat na pinarisan naman ng pagkain. Gamer kasi ang kapatid ko sa Taguig.

  Naglalaro s'ya ng korean online game at binabayaran per day. Bukod pa yung incentives ng nakuhang adena (game currency) at unique/legendary items. Mga accounts ito ng mga koreano at meron nga raw s'yang hinahawakang account na 900 pesos per day pero 16 hrs n’yang lalaruin. Naalala kong ipinakita n'ya sa'kin noon ang screenshots ng game nang nag-uumpisa pa lang s’yang gamer at parehas kami ng komento “ampanget ng graphics”. "Pero nagsasayang ng pera ang korean d'yan" sabi n'ya. May sariling nang ekonomiya sa loob ng game kaya hindi na laru-laro lang.

   Sumusuweldo ang kapatid ko mula sa owner ng pinaka gaming hub. May tirahan sila at equipment doon. Parang talent agency/middleman ng gaming accounts tapos sila ang magmamanage kung aling account ang ipahahawak sa gamer. Mahigpit nga lang, di iilang beses nasisigawan dati ang kapatid ko nung bago palang s'ya dahil di iilang beses ding namatayan ng avatar habang nasa boss raid. May mga moments na crucial manitiling buhay sa game lalo na kung agawan sa resources na available lang sa sandaling panahon. Mabait din naman 'yung owner; madalas nga raw sila sa mga korean resto. Kaya lang hindi mahilig sa gulay ang kapatid ko kaya binabawi na lang daw n'ya sa sojo at inihaw na karne. May mga naging kaibigan na rin s'ya sa loob ng game at minsang may nagregalo pa ng 10 million adena na kapag pina-convert ay 800 pesos din.

   Apat na taon na ni Vernong trabaho ang gaming at ipinambuhay sa tatlo kong pamangkin. ‘Literal na No Game, No Life’ na s’ya. Never pa kong nagtagal ng ganun sa isang trabaho, ang lagi kong balasubas na dahilan ay wala naman akong pinadedede kaya bakit ako matatakot mawalan ng trabaho. Kaya 1.5 years lang ang pinaka matagal kong trabaho.

   Pinasahan ako ng Along with the gods na korean film. Check ko na lang daw kung may subtitle. At kaya na pala n'yang manood ng kdrama na walang subtitle. Gumagamit na rin s'ya ng korean box. Nakakapagsalita na rin. At may accent na rin. Kahit mag-Google translate ka pa yata araw-araw, hindi ka matututong mag-korean. Habang naghaha-hangugeo ang kapatid ko, nakatingin lang kaming dalawa ng pamangkin kong si Puti.


   Parang hindi ito ang kapatid ko.  

Kapag Dag-im

(c) Dyord


Inulan’t nagkandaputik-
Putik! O-order ng kape
At happy meal. “Sinong toy po?”
Wonderwoman! (Napalakas)
Sabay pukpok ng kamao.

#

Thursday, February 22, 2018

Transient



Sa hinaba-haba ng biniyahe
Sa naglalagablab na timog,
Papuntang nangangatog na norte
Saglit na tumakas sa mga nakasakbit
Dala lang ang kailangan
At kaba na baka,
Baka lang, may kulang
Hindi kasi bihasang kailangan lang
Ang bitbit kahit sandali
Kalimot na ang gaan; ng mga balikat na
Bihasang nagbubuhat at puno na ng lamig
Bitbit ang mga bagahe
Mula almusal hanggang hilamusan
Ng kaba ng mga baka at kulang na

Marami’y gawa-gawaan
#






Wednesday, February 14, 2018

Pebrero 14, 2018


Imbes na ulam, pekeng rosas ang inuwi ni Mama galing sa Central kaninang tanghali pagkasundo kay Rr. Nag-abot lang ng pambili ng uulamin ko ay umalis na ulit ang magnanay papunta namang palengke. 

Kaninang hapunan, dala naman n'ya ay rosas na kulay lila ang dala n'ya galing naman kay Idon. Pilit na naghanap ng lila at binawas pa ng pinsan ko sa baon n'ya ang niregalo kay Mama. Lila pala ang paboritong kulay ni Mama. 

"Asan na kaya ang ama mo," tanong ni Mama. Dumating na raw kasi 'yung bill nung a-diyes pa. "Tapos, wala na ring patuka 'yung mga manok n'ya. Iisipin ko pa yan?" Hindi lang namin pinapansin at naasiwa kaming magkapatid pero may naalala naman akong Araw ng mga Puso na may pa-flower at pa-heart baloon si Pader kay Mama. Si Rr naman ang tuwang-tuwa noon sa lobo. 

Kanina bago maghapunan, may iniabot din pala si Rr kay Mama, "Happy Valentines Day Mama and Papa" sabi ng tinuping short bond paper. May nakakapit pang heart-shaped cut outs sa harap. May sticker pa ng puso sa likod ng papel na hindi man lang naigitna-gitna ang pagkakakapit. 

"Hindi naman s'ya ang nagsulat," sabi ko. 'yun pala ang inactivity nina Rr sa Central kanina. Trinace n'ya pala 'yun. 

Pumasok naman si Kilino na may dalang nilagang pata ng baboy, nakalimutan ko nang kaarawan nga pala ng kapit-bahay naming si Val. Maya-maya si Rr naman ang may dalang minatamis na sago at nata galing din sa kapit-bahay.

Nakakatanggap din naman ako ng mga gifs, memes, at stickers sa FB pero kebs lang sa paganismo at komersyalismo. Pero napangiti ako sa isang text message na natanggap mula kay Ate Noeme kahit medyo pa-jejemon:

"Gudeve po, sir happy valentine  we in harmonica spa... mis u.. Take care always..."

Hindi rin biro-birong makipagrelasyon sa mga komunidad. Na 'yung 'ser' ay pamangkin, anak, kumare, kachokaran, dabarkads, kapanalig, at kagahing na rin. Ang hirap mag-move on.

 Ok wait, tama na.
Rr! Paabot nga ng tissue beh.




Saturday, February 10, 2018

Harmonika

  Nag-aabang ako ng dyip sa harap ng Manila Cathedral sa Intramuros. Sabi ni ‘tegirl, maari kong sakyan ang dyip na may mga sign boards na SMCityHall at Recto.  Nahuli ko ang sariling nagsabing “ang init!” at nakakunot ang noo.

  Ilang hakbang lang mula sa’kin, napansin ko si lolo na tumutugtog ng harmonika sa tapat ng Chowking. Nasa edad na sisenta siguro, nakalumang abuhing damit at bago naman ang shorts. Meron ding lolo na tumutugtog ng octavina malapit sa SM kanina. Ang daling sabihing may market kasi kaya nagpapabalik-balik ang mga matanda sa lansangan para tumugtog. Ang dali ring ituro ng gobyernong may pondo at programa naman. Pinaka madali ang ginawa ni aleng yamanin; nag-abot s’ya ng papel matapos lang ang dalawang notang narinig.

   Parang hininga ko ang ginagamit ni lolo sa paghihip sa harmonika n’ya.

 Maya-maya may tumawag kay ‘tegirl na pinagtanungan ko ng direksyon, “Andito pa ako sa Intramuros, binisita ko si lolo. Binigyan ko ng pera. May sakit pa rin daw ‘yung asawa n’ya kaya kailangan pa rin n’yang tumugtog. Oo, ‘tetext kita kapag nasa kumbento na ako.”

   Nang may dumaang  pa' SMCityHall, nagmadali kong pinara at nagpasalamat kay sister. 

Wednesday, February 7, 2018

Trip to Tiaong: Kdrama


Pang-last trip na hagikgik
Sa subtitle ang titig
Pinunasan ng kilig
Pawis na tumitigib

#


Tuesday, February 6, 2018

Friends Days


Kagabi: 

Naki-wifi ako kena Bo. Pinagkape ako ni Lola Nitz, obligatory. Hindi na ko nagtinapay kasi makikihapunan na rin ako. Wala pa yung dalawang mokong kaya naghanap muna ako ng apartment sa Makati pero hindi pa naman talaga ako nag-aapply. Nag-edit ng resume. Nag-e-mail.

Dumating si Bo. Sabay kaming nagtanong, "San ka galing?" Nagkuwento ako tungkol sa Good Doctor, na medyo nasisimangot ako sa mga eksenang humihiwa ang scalpel. "Malamang e medical drama yon." Kinuwento ko rin na pabalik-balik pa ako sa iniwang trabaho. "Anime, (Pahinging) anime!" sabay ulit naming sinabi. 

Andun na rin pala sina Gyl, Babes, Ate Ivy, Mrs. P, at Ate La; nag-uusap tungkol sa ikapapayat. Uminat-inat ng kaunti at ginagaya yung work out video. "Mapaparami ang kain ko nito," sabi ni Ate La habang umiinat-inat. Nagtimbangan kami, si Bo ay 60 kilos na at ako'y 61 kilos na pala. 

Maghahapunan nang lumabas si Uloy. Bidang-bida pa si Bo na 2 days straight na raw s'yang nagwo-workout. Nahirapan lang huminga nang mag-jog ng 15 mins non-stop. "Siyempre, nag-uumpisa pa lang! Nag-uumpisa pa lang," depensa n'ya kay Jet-jet. Si Uloy naman ay 2 weeks straight na. Balikan n'yo ko kako kapag may resulta na.

Nakailang bulos ako ng kanin. Ang sarap ng lumpiang gulay at suka. At mukhang walang topak ang dalawa. Labas tayo kako para magsine, tsek daw nila planner nila. 

Kanina: 

Naki-print ako kena Ate Cars. Tinext ko na doon na rin bumaba ang Tita Mildred n'yo kasi may project kami. Habang nanonood ng UP vs. UE volleyball game, nagkape kami partnered with Original Buko Pie galing Los Baños. 

Kuwento pa rin about government work-drama, quanti research seminar, pamangkin na ayaw gumawa ng assignment, lovelife, workshop, at kung anong natutunan sa buhay o gusto naming sabihin sa mundo nitong nakalipas na buwan.
Tapos, ipinasulat ko sa journal ko at calligraphy pa yung kay Ate Cars. Gusto kong magkaron ng partisipasyon yung ibang tao sa journal ko. 

Tapos, nagsimba kami ng alas-sais.

'yung job application ko ay sinend later ko pala ng Feb. 10. Ilang tasa pa tapos tatapangan ko na ulit. 

#

Dyord
Pebrero 04, 2018
Lipa-Tiaong Terminal




Saturday, February 3, 2018

Napanood namin ang Changing Partners

(c) Changing Partners



Kasama ko ulit ang dalawang Titas of Batangas.

Si Ate Cars lang talaga ang may balak manood. Napatambay kasi kami sa malalambot na upuan malapit sa cinema dahil karumi ng food court ng Robinson Lipa, tapos nasita kami nung staff kung may tiket ga raw kami. “Manonood kami, may hinihintay lang,” sagot ng Tita mo. More of a reaction paper ito kaysa review. Reak kami nang reak sa loob.

Tungkol ang pelikula sa apat na relasyon: dalawang hetero na malaki ang age gap at dalawang homo na malaki ang age gap. Disturbed na agad kami sa umpisa pa lang ng pelikula. Na-stress kami kay Agot Isidro, “teh, mukhang mag-mommy”. Maya-maya pa ay “Bakit may ganyan?!” na-stress na rin ang Tita Mildred. Nagimbal kami sa Tita Agot n’yo. Iba den.

Hanggang narinig na namin ang liriko na “naririnig ko ang mga bulung-bulungan”. Kami ‘yon, judgmental kami sa mga ganitong relationships. Kahit hindi namin sabihin, tumataas ang kilay namin. Madaling makapagsalita. Pero ramdam namin ‘yung bigat ng mga relasyon sa loob ng sampung minuto ng pelikula.

Naguluhan ang mga tita sa umpisa. May dalawang Agot? Nagkapalit ba sila ng karelasyon? Magkakapalit ba sila? Hindi, iba-iba sila ng istorya pero iisa ang takbo ng kuwento. Magkakaroon ng pagpapalit ng karelasyon. Lahat sila matatakot.

Natatakot ‘yung mas bata na nawawala nito ang sariling identidad. Nagdadalawang isip kung worth it ba ang isinakripisyong kinabukasan dahil sa pinasok na relasyon. Nagtatatlong isip dahil mahirap ding tapusin ang anim na taong pinagsamahan at kung may babalikan pa s’yang buhay sa labas ng karelasyon n’ya.

Natatakot ‘yung mas matanda dahil baka hindi na s’ya maka-move on. Nagdadalawang isip sa laki na ng investment n’ya ng tiwala, emosyon, at rubber shoes. Nagtatatlong isip kung paano iingatan ng hindi kinokontrol.

Natatakot kay Angel. Si Angel na representasyon ng sinomang banta sa mga ganito kakumplikadong mga relasyon. Angel of destruction. Ng puso. Ng buhay. Pero hindi lang naman talaga si Angel e, may puwersa dulot ng agwat sa kakayahang ekonomikal, intelektuwal, sosyal at politikal. May issue kung sino lagi ang nagsusuot ng pantalon. Lahat ito tinuhog ‘yung apat na relasyon.

Mabuti na lang musical. Hindi napuputol ‘yung emosyon sa paglilipat-lipat sa mga relasyon.  Napaganda ‘yung lungkot at nadag-anan pa lalo ‘yung bigat. Wala naman talagang happy sa ending ng mga  relasyon. As if, na-experience namin. 

‘yun ‘yung mahika ng pelikula e, mararamdaman mo kahit hindi mo naranasan.