Saturday, February 3, 2018

Napanood namin ang Changing Partners

(c) Changing Partners



Kasama ko ulit ang dalawang Titas of Batangas.

Si Ate Cars lang talaga ang may balak manood. Napatambay kasi kami sa malalambot na upuan malapit sa cinema dahil karumi ng food court ng Robinson Lipa, tapos nasita kami nung staff kung may tiket ga raw kami. “Manonood kami, may hinihintay lang,” sagot ng Tita mo. More of a reaction paper ito kaysa review. Reak kami nang reak sa loob.

Tungkol ang pelikula sa apat na relasyon: dalawang hetero na malaki ang age gap at dalawang homo na malaki ang age gap. Disturbed na agad kami sa umpisa pa lang ng pelikula. Na-stress kami kay Agot Isidro, “teh, mukhang mag-mommy”. Maya-maya pa ay “Bakit may ganyan?!” na-stress na rin ang Tita Mildred. Nagimbal kami sa Tita Agot n’yo. Iba den.

Hanggang narinig na namin ang liriko na “naririnig ko ang mga bulung-bulungan”. Kami ‘yon, judgmental kami sa mga ganitong relationships. Kahit hindi namin sabihin, tumataas ang kilay namin. Madaling makapagsalita. Pero ramdam namin ‘yung bigat ng mga relasyon sa loob ng sampung minuto ng pelikula.

Naguluhan ang mga tita sa umpisa. May dalawang Agot? Nagkapalit ba sila ng karelasyon? Magkakapalit ba sila? Hindi, iba-iba sila ng istorya pero iisa ang takbo ng kuwento. Magkakaroon ng pagpapalit ng karelasyon. Lahat sila matatakot.

Natatakot ‘yung mas bata na nawawala nito ang sariling identidad. Nagdadalawang isip kung worth it ba ang isinakripisyong kinabukasan dahil sa pinasok na relasyon. Nagtatatlong isip dahil mahirap ding tapusin ang anim na taong pinagsamahan at kung may babalikan pa s’yang buhay sa labas ng karelasyon n’ya.

Natatakot ‘yung mas matanda dahil baka hindi na s’ya maka-move on. Nagdadalawang isip sa laki na ng investment n’ya ng tiwala, emosyon, at rubber shoes. Nagtatatlong isip kung paano iingatan ng hindi kinokontrol.

Natatakot kay Angel. Si Angel na representasyon ng sinomang banta sa mga ganito kakumplikadong mga relasyon. Angel of destruction. Ng puso. Ng buhay. Pero hindi lang naman talaga si Angel e, may puwersa dulot ng agwat sa kakayahang ekonomikal, intelektuwal, sosyal at politikal. May issue kung sino lagi ang nagsusuot ng pantalon. Lahat ito tinuhog ‘yung apat na relasyon.

Mabuti na lang musical. Hindi napuputol ‘yung emosyon sa paglilipat-lipat sa mga relasyon.  Napaganda ‘yung lungkot at nadag-anan pa lalo ‘yung bigat. Wala naman talagang happy sa ending ng mga  relasyon. As if, na-experience namin. 

‘yun ‘yung mahika ng pelikula e, mararamdaman mo kahit hindi mo naranasan. 

No comments: