Nag-aabang ako ng dyip sa harap ng Manila Cathedral sa Intramuros. Sabi ni ‘tegirl, maari kong sakyan ang dyip na may mga sign boards na SMCityHall at Recto. Nahuli ko ang sariling nagsabing “ang init!” at nakakunot ang noo.
Ilang hakbang lang mula sa’kin, napansin ko si lolo na tumutugtog ng harmonika sa tapat ng Chowking. Nasa edad na sisenta siguro, nakalumang abuhing damit at bago naman ang shorts. Meron ding lolo na tumutugtog ng octavina malapit sa SM kanina. Ang daling sabihing may market kasi kaya nagpapabalik-balik ang mga matanda sa lansangan para tumugtog. Ang dali ring ituro ng gobyernong may pondo at programa naman. Pinaka madali ang ginawa ni aleng yamanin; nag-abot s’ya ng papel matapos lang ang dalawang notang narinig.
Parang hininga ko ang ginagamit ni lolo sa paghihip sa harmonika n’ya.
Maya-maya may tumawag kay ‘tegirl na pinagtanungan ko ng direksyon, “Andito pa ako sa Intramuros, binisita ko si lolo. Binigyan ko ng pera. May sakit pa rin daw ‘yung asawa n’ya kaya kailangan pa rin n’yang tumugtog. Oo, ‘tetext kita kapag nasa kumbento na ako.”
Nang may dumaang pa' SMCityHall, nagmadali kong pinara at nagpasalamat kay sister.
No comments:
Post a Comment