Sunday, February 25, 2018

Joongsu


   Nakita ko ulit si Vernon makalipas ang mahigit isang taon na yata. O baka magdadalawa na.

   Nagising na lang ako nang magpakulo si Mama ng tubig para sa aalmusaling kape na pinarisan ng puto't kutsinta. Kung ano pa ang mas ma-carbs, ay ang kapatid ko. Lumobo s’ya nang maige siguro'y dahil sa pagpupuyat na pinarisan naman ng pagkain. Gamer kasi ang kapatid ko sa Taguig.

  Naglalaro s'ya ng korean online game at binabayaran per day. Bukod pa yung incentives ng nakuhang adena (game currency) at unique/legendary items. Mga accounts ito ng mga koreano at meron nga raw s'yang hinahawakang account na 900 pesos per day pero 16 hrs n’yang lalaruin. Naalala kong ipinakita n'ya sa'kin noon ang screenshots ng game nang nag-uumpisa pa lang s’yang gamer at parehas kami ng komento “ampanget ng graphics”. "Pero nagsasayang ng pera ang korean d'yan" sabi n'ya. May sariling nang ekonomiya sa loob ng game kaya hindi na laru-laro lang.

   Sumusuweldo ang kapatid ko mula sa owner ng pinaka gaming hub. May tirahan sila at equipment doon. Parang talent agency/middleman ng gaming accounts tapos sila ang magmamanage kung aling account ang ipahahawak sa gamer. Mahigpit nga lang, di iilang beses nasisigawan dati ang kapatid ko nung bago palang s'ya dahil di iilang beses ding namatayan ng avatar habang nasa boss raid. May mga moments na crucial manitiling buhay sa game lalo na kung agawan sa resources na available lang sa sandaling panahon. Mabait din naman 'yung owner; madalas nga raw sila sa mga korean resto. Kaya lang hindi mahilig sa gulay ang kapatid ko kaya binabawi na lang daw n'ya sa sojo at inihaw na karne. May mga naging kaibigan na rin s'ya sa loob ng game at minsang may nagregalo pa ng 10 million adena na kapag pina-convert ay 800 pesos din.

   Apat na taon na ni Vernong trabaho ang gaming at ipinambuhay sa tatlo kong pamangkin. ‘Literal na No Game, No Life’ na s’ya. Never pa kong nagtagal ng ganun sa isang trabaho, ang lagi kong balasubas na dahilan ay wala naman akong pinadedede kaya bakit ako matatakot mawalan ng trabaho. Kaya 1.5 years lang ang pinaka matagal kong trabaho.

   Pinasahan ako ng Along with the gods na korean film. Check ko na lang daw kung may subtitle. At kaya na pala n'yang manood ng kdrama na walang subtitle. Gumagamit na rin s'ya ng korean box. Nakakapagsalita na rin. At may accent na rin. Kahit mag-Google translate ka pa yata araw-araw, hindi ka matututong mag-korean. Habang naghaha-hangugeo ang kapatid ko, nakatingin lang kaming dalawa ng pamangkin kong si Puti.


   Parang hindi ito ang kapatid ko.  

No comments: