Thursday, May 31, 2018

sari-sari na ako


   Sari-sari na ang na-applyan kong trabaho pero wala pa rin akong makuha. O wala pa ring kumukuha sa’kin. Mahirap pala humanap ng trabaho kung marami kang issues sa buhay. Gaya ng hindi ako muling magtatrabaho saan man sa Metro Manila, otherwise; I’ll work remotely. Kum’ bakit  kasi di puwedeng as simple as: kumita lang ako ng pera basta legal at marangal. Kailangan ko pa ng maraming bakit at meaning in life. May tatlong variations ako ng CV, at ito ang ilang kumpanya na pinasahan ko na on the first quarter of 2018:

a. NGOs – dahil ayoko muna ulit maglingkod sa gobyerno. Busog pa ako.
b. Game publisher –oo naman ‘teh, may mga game publishers na sa Pinas.
c. Digital advertising – meron na ring digi advertising agency outside Metro.
d. Social enterprise- meron na ring nasa labas ng Metro.

     Muntik na akong matuloy sa advertising. Nakasulat naman ako nang mabilis kahit binigyan ako ng writing assignment tungkol sa senior citizen discount sa ibang bansa. Kung ano-ano na lang din ang ipinapasulat sa’tin ng mga kanluranin. Kung tutuusin, kaya naman nilang isulat 'yun. Nasilip ko ‘yung kwadrado nilang opisina sa Lipa; malamig din naman. Nakaabot naman hanggang final interview pero nahuhuli ko ang sarili kong nababanggit palagi ang mga komunidad; na galing ako sa kagalingang panlipunang gawain. Tapos, magtitinginan 'yung nasa panel. Para akong Doris Bigornia na biglang ipapasok na anchor sa newsroom. Eh tambay ako sa baranggay, kumbaga.

     Sa dyip, tinanong ko ‘yung financial adviser ko kung okay lang ba na magkaroon ng trabaho na hindi mo masyadong gusto pero paunti-unting nakakaipon ka at nakakatulong sa bahay? Malamang oo ang isasagot n’ya para siguradong mabayaran ko ang insurance ko, na para sa’kin din naman. “You can always push the eject button naman,” dagdag pa n’ya. So, parang ipantatapal ko lang si advertising sa financial needs ko habang naghahanap ako ng akmang trabaho para sa’kin? Ayun, kinabukasan din nakatanggap ako ng rejection e-mail mula sa advertising agency. Kaya alam ko nang maghahanap ako ng trabaho sa komunidad, sa baranggay, sa laylayan, sa kabukiran, sa kabundukan. 

     Nagkaroon naman ako ng ilang raket nitong nagdaang dalawang buwan. Balik research ako, balik editing. Inimbitahan ding magsulat sa dati kong pinagtrabahuhang dyaryuhan. Panahon yata ng pagbabalik loob. Malapit nang matapusan ang insurance, dalawang quarter na lang ngayong taon. Konting sulat pa at malalagpasan din ang tagtuyot. 

Saturday, May 26, 2018

Ang Hirap sa Ngayon

















Ang hirap sa ngayon, nilulunod ang sigaw ng mga kinathang alulong
Ngayon: ang hirap sa mga sumasabay sa kung saan umihip ang hangin
Walang balak bumagal para magmuni at manimbang - tangay lang
Sa ngayon, ang hirap humuni ng malaya pagkat napupukol
kung hindi man mabaril ang ibang kulay ng balahibo,
ang sumalungat ang pagaspas, ang iilan may bagwis
para tawaging pangit ang pangit at liko ang liko.
Hirap ang mga naiipit. Sa ngayon. 

#

Dyord
Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon
Mayo 25, 2018

Wednesday, May 23, 2018

Coffee Coffee lang




     Gaya ng maraming college barkada, hirap na hirap kaming magkasama-sama uli sa isang puwang at oras. Palaging may dahilan: busy sa work, may family event, walang time, o kaya naman walang pera. Pero sa oras na magtugma ang mga planeta at mga kalendaryo, parang hihinto ang oras at babalik sa dati ang lahat.

    Sa ibang mga tao ko na lang naririnig ang mga bali-balita kena Ara, Ana, at Ate Tin. ‘yung magkapatid na Jhan at Mae, hindi namin alam saang limbo hahagilapin. Hindi rin ako nangungumusta sa chat, kasi ang susunod na d’yan ay pagpaplano na kadalasan hanggang plano lang. At hindi na rin ako nagre-reply kung may nangungumusta man. Sila ‘yung tipo ng mga kaibigan na kahit di replyan, o kahit magtampo man, kapag sumulpot kang bigla sa bahay nila, e maghahain pa rin ng meryenda!

     Nasaang point ba kami ng buhay namin ngayon:

Si Ana, opis girl na ulit sa dating pinapasukang kumpanya. Abala rin sa lumalaki nang prinsesa n’yang si Sky. Nagpagawa na rin ng sariling bahay ang mag-asawa. Family woman na si ateng.

Si Ate Tin, entrepreneur na ngayon. “Buko ang buhay ko,” ang pinaka tag line. Nagluluwas ng buko mula Sariaya hanggang Antipolo gamit ang trak na pinagtrabahuhan naman ni Bibe sa Japan. Extended family business woman naman si ateng. May bago palang talent si Ate Tin, gumawa ng homemade ice cream sa bahay.

Si Ara, limang buwan nang resign sa gobyerno. Apir! Tinanong ko kung anong plano? “Nganganga,” sabay tawa. Apir! Hindi nga? “Nganganga nga,” sabay tawa ulit. Apir ulit! May dino-drawing kasi ito, tapos hindi naman ito mahilig ipakita ang drawing nang hindi pa nakukulayan.

     Madadaanan ko ang mga bayan nila sa research sa Quezon. Kaya nag-video chat agad ako kay Ara. Lumipat na sila ng bahay, nagre-rent to own na sila. Dati rent lang. Asensada! Pers taym ko sa bago nilang bahay. Tumawag naman si Ate Tin kay Ara, ang daya raw namin nasa Sariaya lang naman daw s’ya. Kaya pumunta rin kami ron kinabukasan. At nag-request pa na maghanda ng spaghetti, ice cream, at mangga itong si Ara. Pers taym ko rin kena Ate Tin, ang layo kasi ng bahay nila. Kaya naman magpapasundo kami sa may kanto dahil ang mahal ng pamasahe papasok. Si Ana, i-text na lang at least sinabihan. Kapag hindi raw kami tumuloy, sisingilin ni Ate Tin si Ara sa utang n'yang dalawang libo.

     Ang dami naming napagkuwentuhan gaya ng dati. Walang humpay, walang paltos. Palitan ng kuro-kuro’t kalokohan. Palitan ng pangarap. Pagtsismisan ang mga kaklase. Sabihan ng plano. Kung anong gusto naming lamay at libing. Mula politika hanggang pamilya.

     Inuurat ng daycare teacher ng pamagkin ni Ate Tin kung bakit naghiwalay ‘yung pinsan n’ya. Sa bata talaga inuusisa? Inurat na rin ng mga nagbabantay na magulang sa bata kung bakit naghiwalay ang mga magulang nito. Hanggang ayaw nang pumasok ng pamangkin ni Ate Tin sa daycare. Nang kumprontahin ng magulang ng bata ang daycare teacher, ito pa ang nagalit (!) at may karapatan daw s’yang malaman ang latest chikka sa baranggay! Sabi ni Ate Tin, naulukan namang pumasok ang bata dahil malapit naman na ang graduation. Ilang araw lang din pagkatapos ng graduation, namatay ‘yung daycare teacher. Happy ending naman pala.

     Nagbida rin si Bibe, kapatid ni Ate Tin, ng pakikipagsapalaran n’ya sa Japan. “Tatawagin mo naman lahat ng santo lalo na ‘pag ika’y napagmura na, pero pagdating naman ng mga lapad ay pasasalamatan mo rin lahat ng santo,” sabi ni Bibe. May mga hindi sila makaing pagkaing Hapon at mabuti na lang may dala silang Lucky Me Pancit Canton. Ang McDo nila, walang kanin! Nakita rin namin ang trak na produkto ng mga lapad ni Bibe. Inaayos lang ang visa nito at babalik din si Bibe sa Japan.

     Si Ara naman ay napapansing walang kalatoy-latoy sa bahay. Parang laging lata. Wala pa ring kasiguraduhan sa mga dino-drawing n’yang plano. Mabuti na nga lang daw at lumabas kami kahit peralyzed. Iniisip na n’yang mag-aral ng ibang kurso. Pero gusto muna n’yang magtrabaho ulit at mag-ipon. Hindi rin naman daw s’ya yayaman sa gobyerno. Parang ang tatagal lang daw ay ‘yung susunod talaga sa daloy. Hindi rin naman daw sila kalinisang opisina dahil inaabot sila minsan ng alas diyes ng gabi sa opisina para makigamit ng projector sa kanilang pagvivideoke, zumba, o kaya movie marathon. “Pero ‘pag may suweldo na, lumalabas naman kami”

     Inabot na kami ng dilim ng gabi sa niyugan nina Ate Tin. Pumasok lang kami sa kusina nang may pumatak na palapa o tuyong niyog sa tabi ni Ara. Siya pa nga ang madidisgrasya, e s’ya ‘tong walang insurance sa’min.


     Pumasok lang kami ng kusina para magkapeng barako. Nakakatatlong tasa na ako simula pa kanina. Tuloy lang kami sa pagkukuwentuhan, iba raw kasi ang kuwento ng barkada. Dito lang kami nakakahagalpak kahit hindi pa natatapos ‘yung sentence o hindi pa nabibitawan ‘yung punchline. Hindi kami puwedeng magsama-sama sa iisang opisina ng gobyerno, or else, lalong hindi uusad ang Pilipinas.

     Mas lumalalim na ang usapin habang lumalalim din ang gabi kahit hindi naman hinuhukay. Napag-usapan namin ang nangyayari sa loob ng keps ni Ate Tin. Lumipat na s’ya ng Ob-Gyne, nahirapan pa raw s’ya dahil ayaw s’yang tanggapin nung nilipatan n’ya. Pero ‘yung doktor kasi ni Ate Tin, hindi ipinapaliwanag kung bakit nagpapainom ng gamot at kung may tests na ipinapagawa, ‘yung doktor lang n’ya ang nakakaalam ng resulta. So, sa Maynila pa s’ya nakakuha ng kapalit na Ob. So far, mabuting hindi naman n’ya kinakailangan ng operasyon.

     “Halata mong bulag ang isang mata ni Papa,” si Ara. Namaaaan? Galing lang ako ron nung isang araw. Kelan pa? “13 years na.” Ibig sabihin, college pa lang kami bulag na yung kaliwang mata ng Papa ni Ara. Ang haba ng “weeeeeeh” na pinakawalan ko. Pero seryoso sila. Umabot pang na-depressed si Papa n’ya. “Ano kaya’t pag-uundayan na lang ang mga ‘to (sina Ara) nang matapos na lahat,” naiisip daw ng Papa n’ya noong nagkasabay pa ang dalawa ni Bea sa college. E ang pasaway pa ni Ara. Tapos, bad influence pa kami. Pero ang cool kasi neto minsan, sila pa nga nag-a-allow na magtagayan sa bahay nila. Opkors, kape lang tinatagay sa’kin.“Nito lang nag-open up, nang mauso na ‘yang mga awe-awareness,” sabi ni Ara. Kahit si Tita Dolly, hindi nahalata ang paglilihim ng asawa.

     Nakinig lang kami. Habang pahigop-higop ng kape.

     Nagkuwento rin kami sa midlife crisis na marahil dinadaanan namin. Career talk, medyo pariwara kami. Si Ate Tin hindi basta makapag-decide kasi kino-consider din ang health at desisyon ng asawa pero at least may business. Kami ni Ara, full-time nganga. Pero, sinigurado namin na hindi nakabase ang pagkakaibigan namin sa achievements. “Puwedeng mag-fail ‘yung mga plano natin, pero we’re still friends.” Hindi ko alam kung may halo bang brandy ang kapeng barako nilalagok namin kanina pa.

     Nakauwi ako sa bahay nang ala-una ng madaling araw. Isang tasa pa!

Wednesday, May 16, 2018

Balete


Nag-early dinner kami ni Song sa isang gotohan at karihan. Galing kami sa panghuhuli ng Pokemons. Napag-usapan namin ‘yung mga pokestops. Siguro kung hindi pinutol ‘yung puno ng balete sa may Central, pokestop din ‘yun. ‘yung Mangga kasi sa may katedral sa San Pablo ay pokestop din. Noong wala pang road widening, madilim sa bahaging may balete ng Central, kapag nadadaanan ng traysikel at natatamaan ng ilaw para laging namamalik-mata kami sa mga basu-basurang plastik na nakasabit sa mga bagin ng balete. Nahagip lang ng widening kaya ipinaputol. “Usap-usapang namatay daw ‘yung dalawang pumutol sa puno ah,” sabi ni Edison. Kumalat umano ang usapan sa bayan. Minsan lang ako umuwi noon, nakita ko na lang semetado at hawan na ang kurbang iyon ng Maharlika highway na may nakatanim namang mga poste sa pinalawak ngang kalsada.

Monday, May 14, 2018

Tarjeta



“Ano ga, ilan na ang nabiktima?” bati sa’kin ni Ninong nang magkita kami sa palengke.

Napaisip naman ako. Ah, okay. Girlfriend. Panghalip talaga ang salitang biktima? Tiningnan ko lang siya nang matagal. Tapos, nagtanong na s’ya kung nasaan ako ngayon. Si Mama ang sumagot na nag-resign ako sa gobyerno. Magaganda naman daw ang nagiging trabaho ko, ano raw ba talaga ang hinahanap ko. Gusto ko na lang sanang isagot: “Hinahanap ko ang mga dragon balls, bakit?” Kaya lang siyempre, ninong ko pa rin ‘yun. Huminga at huminahon.

“Igawa mo raw ng tarjeta ‘yung Ninong mo,” sabi ni Mama nung isang gabi. Baranggay tanod ngayon si Ninong at ambisyong maging konsehal. Tinanong ko si Mama kung anong sinsabi (tagline) at kulay ng tarjeta, ako na raw ang bahala at wala naman itong alam sa mga ganoong political gimick. So, ako pala meron?

“Iba rin naman kapag may kakilala tayo sa baranggay,” sabi ni Mama. Naalala ko bigla ‘yung paghiram namin sa patrol nung nagka-tuberculosis ako at hirapang magbiyahe. Naalala ko rin nang ipabaranggay namin ‘yung sumuntok kay Rr. Sige na, sige na, ako nang bahala. Piktyuran n’yo mamayang madaling araw sa palengke para ma-photoshop ko agad. Gray na lang ang kulay ng tarjeta para hindi mahal ipaseroks. Tapos, malasakit at maasahan na lang ‘yung sinasabi.

Sabi ni Mama, pinadalhan si Ninong ng bente mil ng anak na nasa abroad para sa kampanya. Sa palengke, si Madam na may-ari ng wrapperan (lumpia wrapper), ang bahala sa tarp na isasabit sa tindahan. Si Tito Eddie naman ang sumasama sa pangangampanya. Atin-atin na lang ito; dati may nakainitan si Tito Eddie sa palengke o sa sabong yata, at itinimbre na s’ya sa isang hitman. Shoot to kill. Si Ninong at si Pader diumano ang umusap sa hitman na ibalato na si Tito Eddie sa kanila. Iba rin naman ‘yung may kakilalang hired killer.

Si Ninong ang isa sa marami kong ninong na malimit pumupunta sa bahay namin. Ilang beses na ga kaming nagpalipat-lipat? Naalala ko dumadalaw ‘yan kahit nung nasa San Agustin pa kami nakatira. Nangako pa nga sa’kin isang beses na kapag nasa honor ako, ibibili n’ya ako ng remote control. At nag-uwi nga s’ya ng remote control na buldoser dahil third honor ako noong Grade 2. Hindi naman talaga masyadong remote, kasi ‘yung controller ay may kurdon na nakakabit sa trak at apat na talampakang haba lang ‘yung kurdon kaya habang umaandar ‘yung trak, ay kasunod din naman ako. Pero ilang bata sa baranggay ang merong laruang de remote noon? Umiilaw-ilaw na’y nagsasalita pa. “Let’s get to work,” ang sinasabi ng buldoser.

Ngayong eleksyon, baka s’ya lang din ang isulat ko sa balota. Wala naman akong ibang kilala sa baranggay namin. Wala rin naman akong kumpyansa sa plataporma nila ng pagbabago. Narinig ko kagabi ‘yung meeting de avance sa baranggay namin. P’re-p’reho lang ng tono at laging may salitang pagbabago sa sinasabi. Walang bumanggit sa mga isyu gaya ng paghakot ng basura mula sa mga sitio at masangsang naming palengke. Basta laging may salitang pagbabago sa sinasabi.

Sana ang mga opisyo natin sa baranggay, hindi lamang umiilaw at nagsasalita. Hindi remote control lang ng nakaupo sa munisipyo. Sana alam, o kaya alamin nila kung anong dapat trabahuhing pagbabago.  
#

Dyord
Mayo 14, 2018
Sitio Guinting, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon


Ang aga dumating ni Mama sa bahay mula sa palengke, mga alas-otso ng umaga. Kadalasan alas-diyes na yan umuuwi, magtatanghalian na. Uuwi raw pala sina Vernon kasama ang mga pamangkin ko. Bakit? Hangmeron? Kelan pa tayo nag-family day?

“Aba’y eleksyon ah,” sabi ni Mama. Ah kaya rin pala umuwi si Vernon, may naidahilan sa amo n’ya. Napakapulitikal ng pamilya namin. Noong isang araw pa raw nangungulit si Kap na kakausapin si Pader. Eh, wala namang karapatan ‘yun at hindi nakapagpa-biometrics.

Gumayak na kaming lahat. Inabot na nang makatanghalian bago kami bumoto. Anim na milyon daw pala ang pinaglalabanan sa baranggay namin. Sampung porsiyento dito ay sa Sangguniang Kabataan. Kaya raw pala tumakbong chairman ‘yung kasabayan lang ni Vernon lumiban ng bakod. Sino lang bang isusulat ko sa balota? Bukod sa ninong. Idamay ko na raw ‘yung kaisa-isang konsehal na tumulong sa’ming magsibak ng mga natumbang puno noong bagyong Glenda.
#

Dyord
Mayo 14, 2018 (kinagabihan)
Sitio Guinting, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon



Kanina galing ako sa palengke, wala na kasing kape sa bahay.

Kasabay ko na sina Mama at Rr pauwi nang may tumawag sa’kin sa inuman. Sino namang tatawag sa’kin sa inuman? Si ninong pala! Sinabi sa’king nakatingin sa’king mata “wag magsasawang sumuporta kay ninong ha.” Hindi raw s’ya pinalad sa ngayon. Ikatlong subok na n’ya. Sabay hawak sa kamay ko nang mahigpit, “darating din ang panahon natin”.

Marami na yatang nainom ang ninong.
#

Dyord
Mayo 20, 2018 

Sitio Guinting, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon




Tuesday, May 8, 2018

Eagle Rock


Lately, maiiksi lang ang blog posts ko. Nanghuhuli kasi kami ni Edison ng pokemons sa gabi. Hayskul bespren ko  si Son at nag-umpisa kaming mag-Pokemon isang dekada na ang nakalipas. 

At dahil augmented reality ang Pokemon Go, napipilitan kaming lumabas ni Son ng bahay at pumunta sa mismong mga lugar sa Tiaong. Maraming gabi na paikot-ikot lang kami sa maliit na Poblacion.Pokestop ang Eagle Rock. Ini-spin ang stops para makakuha ng in-game items gaya ng pokeball (panghuli ng pokemon) at berries (pampakain ng pokemon). Palaging maraming spawn ng pokemon sa Eagle Rock pati na sa kanto paliko sa Rizal St. Napapag-usapan tuloy namin ang mga lugar-lugar sa Tiaong.

Ngayon ko na nga lang napansin ‘tong Eagle Rock e. May naglakas-loob na magtayo ng resort malapit sa depressed area ng Tiaong. Hinahati ng mga eskinita ang mga bahayan sa looban malapit sa resort. Ang lapit din nito sa maruming ilog. Para nga lang itong private property lang talaga na may pool tapos siguro naisipang gawin na ngang resort o events place. 

Sa labas ng Eagle Rock, may patas ng mga bato na may banga sa gitna na s’yang display photo sa Pokestop nito. Nalaman ko na ang rock, pero nasa’n ang eagleAyon kay Son, may agila nga sa loob ng Eagle Rock dati.

Teacher si Son sa isang private school sa Tiaong sa loob ng apat na taon. Sa Eagle Rock sila madalas mag-year-end outing ng klase n’ya dahil nasa bayan lang kaya madaling mag-uwian. MAs safe din for kids. Ngayon ka, nakawala itong agila at lumipad sa poblacion. Napadpad ito sa Gaudete, isa ring private school na dalawang kanto lang ang layo sa Eagle Rock. Siyempre, hindi alam ng mga bata ang gagawin, bigla ba namang nagkaroon ng agila sa school nila. Kaya naging subject lesson ito, ipinagbigay alam sa DENR ang agila at nagkaroon ng turn over. Ngayon ka, naghanap pala itong Eagle Rock dahil kanila umano ang naligaw na agila. Ayun, sa DENR na nila ike-claim. Kaya lang wala palang papel di umano ang agila. 

Agila na, naging bato pa.