Wednesday, May 23, 2018

Coffee Coffee lang




     Gaya ng maraming college barkada, hirap na hirap kaming magkasama-sama uli sa isang puwang at oras. Palaging may dahilan: busy sa work, may family event, walang time, o kaya naman walang pera. Pero sa oras na magtugma ang mga planeta at mga kalendaryo, parang hihinto ang oras at babalik sa dati ang lahat.

    Sa ibang mga tao ko na lang naririnig ang mga bali-balita kena Ara, Ana, at Ate Tin. ‘yung magkapatid na Jhan at Mae, hindi namin alam saang limbo hahagilapin. Hindi rin ako nangungumusta sa chat, kasi ang susunod na d’yan ay pagpaplano na kadalasan hanggang plano lang. At hindi na rin ako nagre-reply kung may nangungumusta man. Sila ‘yung tipo ng mga kaibigan na kahit di replyan, o kahit magtampo man, kapag sumulpot kang bigla sa bahay nila, e maghahain pa rin ng meryenda!

     Nasaang point ba kami ng buhay namin ngayon:

Si Ana, opis girl na ulit sa dating pinapasukang kumpanya. Abala rin sa lumalaki nang prinsesa n’yang si Sky. Nagpagawa na rin ng sariling bahay ang mag-asawa. Family woman na si ateng.

Si Ate Tin, entrepreneur na ngayon. “Buko ang buhay ko,” ang pinaka tag line. Nagluluwas ng buko mula Sariaya hanggang Antipolo gamit ang trak na pinagtrabahuhan naman ni Bibe sa Japan. Extended family business woman naman si ateng. May bago palang talent si Ate Tin, gumawa ng homemade ice cream sa bahay.

Si Ara, limang buwan nang resign sa gobyerno. Apir! Tinanong ko kung anong plano? “Nganganga,” sabay tawa. Apir! Hindi nga? “Nganganga nga,” sabay tawa ulit. Apir ulit! May dino-drawing kasi ito, tapos hindi naman ito mahilig ipakita ang drawing nang hindi pa nakukulayan.

     Madadaanan ko ang mga bayan nila sa research sa Quezon. Kaya nag-video chat agad ako kay Ara. Lumipat na sila ng bahay, nagre-rent to own na sila. Dati rent lang. Asensada! Pers taym ko sa bago nilang bahay. Tumawag naman si Ate Tin kay Ara, ang daya raw namin nasa Sariaya lang naman daw s’ya. Kaya pumunta rin kami ron kinabukasan. At nag-request pa na maghanda ng spaghetti, ice cream, at mangga itong si Ara. Pers taym ko rin kena Ate Tin, ang layo kasi ng bahay nila. Kaya naman magpapasundo kami sa may kanto dahil ang mahal ng pamasahe papasok. Si Ana, i-text na lang at least sinabihan. Kapag hindi raw kami tumuloy, sisingilin ni Ate Tin si Ara sa utang n'yang dalawang libo.

     Ang dami naming napagkuwentuhan gaya ng dati. Walang humpay, walang paltos. Palitan ng kuro-kuro’t kalokohan. Palitan ng pangarap. Pagtsismisan ang mga kaklase. Sabihan ng plano. Kung anong gusto naming lamay at libing. Mula politika hanggang pamilya.

     Inuurat ng daycare teacher ng pamagkin ni Ate Tin kung bakit naghiwalay ‘yung pinsan n’ya. Sa bata talaga inuusisa? Inurat na rin ng mga nagbabantay na magulang sa bata kung bakit naghiwalay ang mga magulang nito. Hanggang ayaw nang pumasok ng pamangkin ni Ate Tin sa daycare. Nang kumprontahin ng magulang ng bata ang daycare teacher, ito pa ang nagalit (!) at may karapatan daw s’yang malaman ang latest chikka sa baranggay! Sabi ni Ate Tin, naulukan namang pumasok ang bata dahil malapit naman na ang graduation. Ilang araw lang din pagkatapos ng graduation, namatay ‘yung daycare teacher. Happy ending naman pala.

     Nagbida rin si Bibe, kapatid ni Ate Tin, ng pakikipagsapalaran n’ya sa Japan. “Tatawagin mo naman lahat ng santo lalo na ‘pag ika’y napagmura na, pero pagdating naman ng mga lapad ay pasasalamatan mo rin lahat ng santo,” sabi ni Bibe. May mga hindi sila makaing pagkaing Hapon at mabuti na lang may dala silang Lucky Me Pancit Canton. Ang McDo nila, walang kanin! Nakita rin namin ang trak na produkto ng mga lapad ni Bibe. Inaayos lang ang visa nito at babalik din si Bibe sa Japan.

     Si Ara naman ay napapansing walang kalatoy-latoy sa bahay. Parang laging lata. Wala pa ring kasiguraduhan sa mga dino-drawing n’yang plano. Mabuti na nga lang daw at lumabas kami kahit peralyzed. Iniisip na n’yang mag-aral ng ibang kurso. Pero gusto muna n’yang magtrabaho ulit at mag-ipon. Hindi rin naman daw s’ya yayaman sa gobyerno. Parang ang tatagal lang daw ay ‘yung susunod talaga sa daloy. Hindi rin naman daw sila kalinisang opisina dahil inaabot sila minsan ng alas diyes ng gabi sa opisina para makigamit ng projector sa kanilang pagvivideoke, zumba, o kaya movie marathon. “Pero ‘pag may suweldo na, lumalabas naman kami”

     Inabot na kami ng dilim ng gabi sa niyugan nina Ate Tin. Pumasok lang kami sa kusina nang may pumatak na palapa o tuyong niyog sa tabi ni Ara. Siya pa nga ang madidisgrasya, e s’ya ‘tong walang insurance sa’min.


     Pumasok lang kami ng kusina para magkapeng barako. Nakakatatlong tasa na ako simula pa kanina. Tuloy lang kami sa pagkukuwentuhan, iba raw kasi ang kuwento ng barkada. Dito lang kami nakakahagalpak kahit hindi pa natatapos ‘yung sentence o hindi pa nabibitawan ‘yung punchline. Hindi kami puwedeng magsama-sama sa iisang opisina ng gobyerno, or else, lalong hindi uusad ang Pilipinas.

     Mas lumalalim na ang usapin habang lumalalim din ang gabi kahit hindi naman hinuhukay. Napag-usapan namin ang nangyayari sa loob ng keps ni Ate Tin. Lumipat na s’ya ng Ob-Gyne, nahirapan pa raw s’ya dahil ayaw s’yang tanggapin nung nilipatan n’ya. Pero ‘yung doktor kasi ni Ate Tin, hindi ipinapaliwanag kung bakit nagpapainom ng gamot at kung may tests na ipinapagawa, ‘yung doktor lang n’ya ang nakakaalam ng resulta. So, sa Maynila pa s’ya nakakuha ng kapalit na Ob. So far, mabuting hindi naman n’ya kinakailangan ng operasyon.

     “Halata mong bulag ang isang mata ni Papa,” si Ara. Namaaaan? Galing lang ako ron nung isang araw. Kelan pa? “13 years na.” Ibig sabihin, college pa lang kami bulag na yung kaliwang mata ng Papa ni Ara. Ang haba ng “weeeeeeh” na pinakawalan ko. Pero seryoso sila. Umabot pang na-depressed si Papa n’ya. “Ano kaya’t pag-uundayan na lang ang mga ‘to (sina Ara) nang matapos na lahat,” naiisip daw ng Papa n’ya noong nagkasabay pa ang dalawa ni Bea sa college. E ang pasaway pa ni Ara. Tapos, bad influence pa kami. Pero ang cool kasi neto minsan, sila pa nga nag-a-allow na magtagayan sa bahay nila. Opkors, kape lang tinatagay sa’kin.“Nito lang nag-open up, nang mauso na ‘yang mga awe-awareness,” sabi ni Ara. Kahit si Tita Dolly, hindi nahalata ang paglilihim ng asawa.

     Nakinig lang kami. Habang pahigop-higop ng kape.

     Nagkuwento rin kami sa midlife crisis na marahil dinadaanan namin. Career talk, medyo pariwara kami. Si Ate Tin hindi basta makapag-decide kasi kino-consider din ang health at desisyon ng asawa pero at least may business. Kami ni Ara, full-time nganga. Pero, sinigurado namin na hindi nakabase ang pagkakaibigan namin sa achievements. “Puwedeng mag-fail ‘yung mga plano natin, pero we’re still friends.” Hindi ko alam kung may halo bang brandy ang kapeng barako nilalagok namin kanina pa.

     Nakauwi ako sa bahay nang ala-una ng madaling araw. Isang tasa pa!

No comments: