Monday, May 14, 2018

Tarjeta



“Ano ga, ilan na ang nabiktima?” bati sa’kin ni Ninong nang magkita kami sa palengke.

Napaisip naman ako. Ah, okay. Girlfriend. Panghalip talaga ang salitang biktima? Tiningnan ko lang siya nang matagal. Tapos, nagtanong na s’ya kung nasaan ako ngayon. Si Mama ang sumagot na nag-resign ako sa gobyerno. Magaganda naman daw ang nagiging trabaho ko, ano raw ba talaga ang hinahanap ko. Gusto ko na lang sanang isagot: “Hinahanap ko ang mga dragon balls, bakit?” Kaya lang siyempre, ninong ko pa rin ‘yun. Huminga at huminahon.

“Igawa mo raw ng tarjeta ‘yung Ninong mo,” sabi ni Mama nung isang gabi. Baranggay tanod ngayon si Ninong at ambisyong maging konsehal. Tinanong ko si Mama kung anong sinsabi (tagline) at kulay ng tarjeta, ako na raw ang bahala at wala naman itong alam sa mga ganoong political gimick. So, ako pala meron?

“Iba rin naman kapag may kakilala tayo sa baranggay,” sabi ni Mama. Naalala ko bigla ‘yung paghiram namin sa patrol nung nagka-tuberculosis ako at hirapang magbiyahe. Naalala ko rin nang ipabaranggay namin ‘yung sumuntok kay Rr. Sige na, sige na, ako nang bahala. Piktyuran n’yo mamayang madaling araw sa palengke para ma-photoshop ko agad. Gray na lang ang kulay ng tarjeta para hindi mahal ipaseroks. Tapos, malasakit at maasahan na lang ‘yung sinasabi.

Sabi ni Mama, pinadalhan si Ninong ng bente mil ng anak na nasa abroad para sa kampanya. Sa palengke, si Madam na may-ari ng wrapperan (lumpia wrapper), ang bahala sa tarp na isasabit sa tindahan. Si Tito Eddie naman ang sumasama sa pangangampanya. Atin-atin na lang ito; dati may nakainitan si Tito Eddie sa palengke o sa sabong yata, at itinimbre na s’ya sa isang hitman. Shoot to kill. Si Ninong at si Pader diumano ang umusap sa hitman na ibalato na si Tito Eddie sa kanila. Iba rin naman ‘yung may kakilalang hired killer.

Si Ninong ang isa sa marami kong ninong na malimit pumupunta sa bahay namin. Ilang beses na ga kaming nagpalipat-lipat? Naalala ko dumadalaw ‘yan kahit nung nasa San Agustin pa kami nakatira. Nangako pa nga sa’kin isang beses na kapag nasa honor ako, ibibili n’ya ako ng remote control. At nag-uwi nga s’ya ng remote control na buldoser dahil third honor ako noong Grade 2. Hindi naman talaga masyadong remote, kasi ‘yung controller ay may kurdon na nakakabit sa trak at apat na talampakang haba lang ‘yung kurdon kaya habang umaandar ‘yung trak, ay kasunod din naman ako. Pero ilang bata sa baranggay ang merong laruang de remote noon? Umiilaw-ilaw na’y nagsasalita pa. “Let’s get to work,” ang sinasabi ng buldoser.

Ngayong eleksyon, baka s’ya lang din ang isulat ko sa balota. Wala naman akong ibang kilala sa baranggay namin. Wala rin naman akong kumpyansa sa plataporma nila ng pagbabago. Narinig ko kagabi ‘yung meeting de avance sa baranggay namin. P’re-p’reho lang ng tono at laging may salitang pagbabago sa sinasabi. Walang bumanggit sa mga isyu gaya ng paghakot ng basura mula sa mga sitio at masangsang naming palengke. Basta laging may salitang pagbabago sa sinasabi.

Sana ang mga opisyo natin sa baranggay, hindi lamang umiilaw at nagsasalita. Hindi remote control lang ng nakaupo sa munisipyo. Sana alam, o kaya alamin nila kung anong dapat trabahuhing pagbabago.  
#

Dyord
Mayo 14, 2018
Sitio Guinting, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon


Ang aga dumating ni Mama sa bahay mula sa palengke, mga alas-otso ng umaga. Kadalasan alas-diyes na yan umuuwi, magtatanghalian na. Uuwi raw pala sina Vernon kasama ang mga pamangkin ko. Bakit? Hangmeron? Kelan pa tayo nag-family day?

“Aba’y eleksyon ah,” sabi ni Mama. Ah kaya rin pala umuwi si Vernon, may naidahilan sa amo n’ya. Napakapulitikal ng pamilya namin. Noong isang araw pa raw nangungulit si Kap na kakausapin si Pader. Eh, wala namang karapatan ‘yun at hindi nakapagpa-biometrics.

Gumayak na kaming lahat. Inabot na nang makatanghalian bago kami bumoto. Anim na milyon daw pala ang pinaglalabanan sa baranggay namin. Sampung porsiyento dito ay sa Sangguniang Kabataan. Kaya raw pala tumakbong chairman ‘yung kasabayan lang ni Vernon lumiban ng bakod. Sino lang bang isusulat ko sa balota? Bukod sa ninong. Idamay ko na raw ‘yung kaisa-isang konsehal na tumulong sa’ming magsibak ng mga natumbang puno noong bagyong Glenda.
#

Dyord
Mayo 14, 2018 (kinagabihan)
Sitio Guinting, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon



Kanina galing ako sa palengke, wala na kasing kape sa bahay.

Kasabay ko na sina Mama at Rr pauwi nang may tumawag sa’kin sa inuman. Sino namang tatawag sa’kin sa inuman? Si ninong pala! Sinabi sa’king nakatingin sa’king mata “wag magsasawang sumuporta kay ninong ha.” Hindi raw s’ya pinalad sa ngayon. Ikatlong subok na n’ya. Sabay hawak sa kamay ko nang mahigpit, “darating din ang panahon natin”.

Marami na yatang nainom ang ninong.
#

Dyord
Mayo 20, 2018 

Sitio Guinting, Brgy. Lalig, Tiaong, Quezon




No comments: