Thursday, May 31, 2018

sari-sari na ako


   Sari-sari na ang na-applyan kong trabaho pero wala pa rin akong makuha. O wala pa ring kumukuha sa’kin. Mahirap pala humanap ng trabaho kung marami kang issues sa buhay. Gaya ng hindi ako muling magtatrabaho saan man sa Metro Manila, otherwise; I’ll work remotely. Kum’ bakit  kasi di puwedeng as simple as: kumita lang ako ng pera basta legal at marangal. Kailangan ko pa ng maraming bakit at meaning in life. May tatlong variations ako ng CV, at ito ang ilang kumpanya na pinasahan ko na on the first quarter of 2018:

a. NGOs – dahil ayoko muna ulit maglingkod sa gobyerno. Busog pa ako.
b. Game publisher –oo naman ‘teh, may mga game publishers na sa Pinas.
c. Digital advertising – meron na ring digi advertising agency outside Metro.
d. Social enterprise- meron na ring nasa labas ng Metro.

     Muntik na akong matuloy sa advertising. Nakasulat naman ako nang mabilis kahit binigyan ako ng writing assignment tungkol sa senior citizen discount sa ibang bansa. Kung ano-ano na lang din ang ipinapasulat sa’tin ng mga kanluranin. Kung tutuusin, kaya naman nilang isulat 'yun. Nasilip ko ‘yung kwadrado nilang opisina sa Lipa; malamig din naman. Nakaabot naman hanggang final interview pero nahuhuli ko ang sarili kong nababanggit palagi ang mga komunidad; na galing ako sa kagalingang panlipunang gawain. Tapos, magtitinginan 'yung nasa panel. Para akong Doris Bigornia na biglang ipapasok na anchor sa newsroom. Eh tambay ako sa baranggay, kumbaga.

     Sa dyip, tinanong ko ‘yung financial adviser ko kung okay lang ba na magkaroon ng trabaho na hindi mo masyadong gusto pero paunti-unting nakakaipon ka at nakakatulong sa bahay? Malamang oo ang isasagot n’ya para siguradong mabayaran ko ang insurance ko, na para sa’kin din naman. “You can always push the eject button naman,” dagdag pa n’ya. So, parang ipantatapal ko lang si advertising sa financial needs ko habang naghahanap ako ng akmang trabaho para sa’kin? Ayun, kinabukasan din nakatanggap ako ng rejection e-mail mula sa advertising agency. Kaya alam ko nang maghahanap ako ng trabaho sa komunidad, sa baranggay, sa laylayan, sa kabukiran, sa kabundukan. 

     Nagkaroon naman ako ng ilang raket nitong nagdaang dalawang buwan. Balik research ako, balik editing. Inimbitahan ding magsulat sa dati kong pinagtrabahuhang dyaryuhan. Panahon yata ng pagbabalik loob. Malapit nang matapusan ang insurance, dalawang quarter na lang ngayong taon. Konting sulat pa at malalagpasan din ang tagtuyot. 

No comments: