Monday, September 24, 2018

Galing Liceo



Nasa gitna ako ng dagat sa pagitan ng Batangas at Mindoro nang matanggap ko ang chat ni Jocelyn, kasamahan ko sa Traviesa. Nangamusta at nagtanong kung puwede akong magturo ng literary writing sa mga bata nila sa Liceo de San Pablo.

Kadalasan kong tinuturo ay pagsusulat ng DevCom at Features. Nasa labas na ako ng Traviesa nang magsimulang tumula-tula. Wala na kaming pag-uusap masyado ni Jok-jok after our buhay-dyaryo. Paano n’ya nalamang nagtutula ako? Wala rin akong nakahandang slides. Pero tinanggap ko pa rin. Sayang rin ang chance pati na ang lamang tiyans. “See you!” ang huli kong chat. Para makapagbalitaan na rin kami ni Jok na ang tagal bago lumutang. 


Isang araw lang ‘yung workshop. Paano ba magturo ng tula sa high school? At may tumutula na nga ba na high school? May reference ba ako ng tulang pambata? Nanood ako sa Youtube. Nagbungkal ako sa mga aklat ko. Nagtanong-tanong sa mga kaibigang propesor, manunulat, editor, at indie publisher. Naghanap ng online references. Nakabuo naman ako ng slides.





Session ng Cartooning with C. Agawin ng The Traviesa Publications

Ito ‘yung nagawa kong lecture slides: ‘Make it! Makata!, Bakit Mahalaga ang Makata sa isang Komunidad?’ at Mga Anyo ng Tula. Nanood ng ilang animated videos. Marami kaming binasang tula gaya ng Paghabol ng Dyip ni Elynia Ruth Mabanglo at Nang Mauso ang Magmakata ni Mike Bigornia. Tapos, nagkuwentuhan lang kami tungkol sa pagsusulat sa kabila ng maraming gawaing pang akademya. Nagpa-poetry reading din pala ako, iba pa ‘yung sa pagbabasa ng tula. Haha Tinginan ang mga nasa layb, kami ang pinaka maingay.

Nagpa-ice breaker pala ako ng book spine poetry. Mabait naman si Gng. Librarian at pumayag basta ibabalik lang daw ang mga aklat sa dati nitong lalagyan. Ito ang pinaka nagustuhan kong tula:

walang pamagat ni: Kat Bantigue


Nagsulat din kami ng tula at binasa isa-isa nang walang tunog at nang malakas. Ito naman ang pinaka sa mga nangibabaw:


Laptop
ni: Cam Pagtakhan

Alas-otso ng gabi
Kalat na ang mga panulat
Isang kwadernong nakalatag
Isang laptop, isang lilang rosaryo
Hatinig (phone) na itim.

Pagod.
May pagsusulit at proyekto.
Aabutin siguro ng hatinggabi
Matapos lang ang proyektong
Bukas na ang pasa

Desperadang nais pumasa
Bigyan ng karangalan 
Maluluka sa naglolokong laptop
Kinuha ang rosaryong lila
Sinabit sa laptop

Paiyak.
"Lord, gusto kong pumasa"
Kay tagal nang hinihintay nang umayos
Ang naglolokong laptop
Na paunti-unting...
Sumuko.

Kinuha ang hatinig
Nag-tweet, "H'wag mo akong sukuan."

Sa tagal nang kasama
Bakit kung kailan kailangan na
Saka lang papaasahin
Lolokohin at iiwan

Niloko ang babaeng maluluka
Desperada
Nais pumasa
Bigyan ng karangalan

Pumasok 
Walang napasang proyekto
Pasensya na, aking guro.



Tatlo lang pala ang nasa workshop ko. At hindi ko pa naisama ‘yung work ni Alex. Si Alex naman ang pinaka mahusay magbasa at opinionada sa mga tula. [Naks, bawi!] O hindi mo lang nabitbit ang mga pinaka sa pinaka sa mga akda mo. At saka bata ka pa, bata pa tayong lahat. Salamat Jok-jok at Liceo De San Pablo sa imbitasyon. 

Sulat lang nang sulat mga bata! Hanggang sa mamuti ang tinta ng inyong mga Panda!

#

Friday, September 21, 2018

May Pukpok sa Bubong




Nagigising ako ng dalawang beses sa umaga: (1) kapag papasok na si Rr, ang ingay ng pagpapamadali kay Rr na maligo, magbihis, at kumain; (2) pagbalik ni Mama galing sa paghahatid kay Rr. Saka pa lang ako babangon para magkape.

Nagising ako sa pukpok ng martilyo sa yero. Ikalawang gising ko na. Bakit naman nasa bubong yata si Mama? Marami nang tulo-tulo ‘yung bubong namin. Damusak kapag tag-ulan. “Stars” ang tawag ng pamangkin ko. “Sabunin mo kasi Mader,” sabi ni Top-top sa lola n’ya nang mapansing makalawang na rin ang yero. Inaanay na ang mga hamba. Isang bagyo na lang. May darating pang #OmpongPH.

Bakit parang ang tagal naman ni Mama sa bubong? Kanina pa ‘yung pukpok nang pukpok. Baka si Tito Yuyon ang nasa bubong, pinakiusapan lang ni Mama, pero kakalabas lang nun sa ospital e. Pagbangon ko si Papa pala ang galing sa bubong. Naglaglagan ang mga inanay na bahagi ng kahoy. Nabawasan naman ang butas.

Pero bakit andito si Papa? May duty dapat ito sa Malarayat. Ang himala pa, nagwalis din ito ng harapan. Ang himala pa, nag-isod ng mga halaman para makasagap ng init. Ang himala pa, nagpaligo kay Tsaw-tsaw. Ang himala ng mga himala pa n’yan, nag-iwan ng P2.6K para kay Mama bago ito umalis.

Umulan na.

Makikita na natin ang pagbabago. Inabangan ko ‘yung dating tinutuluan, wala na nga. Pumunta ako sa sala para magbasa habang nagkakape. Nagulat ako dahil sa may pumatak na malamig. Hindi naman tumutulo dito dati. Lumipat lang pala ang mga pagtulo. Nabawasan naman kahit papano. Pero basa pa rin ang sahig. Itinaas ko na ang mga big boxes ko ng libro in case na bumaha ulit sa’min gaya noong bagyong Milenyo.

Pagdating ni Mama. Nalaman ko na wala na rin palang trabaho si Papa. Father and son na kami on that matter. Umalis lang pala ito kanina para magsabong at mag-inom. “Laklak” ang ginamit na salita ni Rr. Si Mama na lang ang may regular na kita sa’min. Nasa ilalim na kami ng food threshold at nasa gitna ng mataas na inflation.

“Ang tagal na nating hindi nakakatimpla ng juice,” sabi ko kay Mama. Yelo na lang ang afford namin. 

December 25? Not Yet. Galing Kami sa MIBF!



Isang taon. Ang dami kong naiuwing aklat from last year’s MIBF. Kaya para takluban ang malabis na pag-iimbot sinumpa ko ang sarili: sa loob ng isang taon hindi ako bumili ng kahit na anong aklat. Madalas pa rin naman akong maglabas-pasok sa National at Booksale; tinatakam ang sarili. Ilang beses muntikan nang makalimot at malapit na sa counter biyabit ang napiling aklat.

Hindi ko pa rin natapos lahat ng biniling aklat. Pero namili pa rin ako this year. Para mag-flourish ang isang industriya, dapat kumonsumo ka. Para may magsulat pa nang magsulat, dapat magbasa ka nang magbasa! T’saka, investment naman iyan.

Ilang daang piso lang akong labis sa nakatakdang budget. Naparami kasi ang kain. Pero halos religious ako sa ginawa kong strategic plan pagdating sa oras, bibisitahing publisher, pipilahang book signing, at bilang ng aklat kada uri.

Ay, wait lang. Kasama ko pala si Edison, bespren ko nung hayskul, bibili naman s’ya ng gagamiting textbook sa Grade 6. ‘yung ginagamit daw kasi nila, elementary pa kami at hindi nakalinya sa CG. Nagkaintindihan naman sila ni Ted sa mga educ jargons dahil sa senior high naman si Ted ngayon. Nag-ikot sila ng roleta na may freebies, ipe-present mo lang ang PRC license mo, at parehong “thank you teacher” ang tinapatan ng roleta. “Ser, ikaw rin?” sabi nung staff sa’kin. “Ay, di po ko teacher, out-of-school po ako.”

Ilan sa mga naani ko:

Mindoro Highlanders – isang ethnographic study ng isang Japanese tungkol sa mga tribo ng Mangyan. Eh, kakagaling ko lang doon last month.

Samahang Nayon – isang guidebook ng Samahang Nayon na parang community associations noong panahon ng Martial Law. Ito ang pinaka lola ng SEA-K at SLPA na mga livelihood programs ngayon. Lagi itong nababanggit ng matatanda kapag nagpapa-meeting ako sa DSWD dati.

Green Jobs and Green Skills for Philippines Brown Economy at Poverty of Nations –tungkol sa development.

Piglas- isang antolohiya ng mga radikal na kuwentong pambata na nag-sale ng 20% pagdating ng alas-kuwatro ng hapon.

Mga zine-type na maiikling kuwento mula sa Komisyon sa Wikang Filipino, isang nobela at isang koleksyon ng sanaysay, isang coloring at isang connect-the-dots book para kay Top-top, isang baking cook book para kay Tita Cars, atbp.

Si Edison laging naglalaho sa ibang dimensyon. Binibista n'ya yung di namin binibisita ni Ted. "Kulang ang isang libo," sabi ni Edison. Kulang talaga. Pero masaya naman s'ya sa bago n'yang textbook sa English na ang tagal n'yang sinuri at ikinumpara sa CG.

Nakita ko rin pala si Sir Walther, na hakot-aklat din. Salamat sa bayad n’ya at nadagdagan pa ang ani ko noong bandang hapon. Nakita ko rin pala si Iza, nag-release sya ng aklat pambata from Chikiting Books, fina-follow ko ‘yung blog nilang mag-asawa. Nakita ko rin pala si Kuya sa stage, Paulo Avelino was in the house!

Mga pag-iipunan sa future: Isang Dosenang Ambeth, Lualhati Bundle, at C.S. Lewis Collection.

Thursday, September 13, 2018

Papansit



Pauwi na ako ng bahay.

Galing ako kena Bo. Nag-submit ng mga assignments at nag-download ng lectures sa isang online course. Nag-submit din ng resume para sa isang trabaho. Lahat ng online tasks ko kena Bo ko ginagawa. May Wi-Fi sila at ipagluluto pa ko ni Lola Nitz. Ang iisipin ko na lang talaga ay ‘yung mga dapat kong tapusin.

Pauwi na ako ng bahay. Naalala ko 18th birthday ni Rr. Puwede na pala s’yang bumoto sa eleksiyon. Nadaanan ko ang naglilibot na si Naynay, bumili ako ng pansit habhab, lumpiang gulay at shanghai. Pagdating ko sa bahay, nakita ko sa mesa ko ‘yung mga letter candles na “happy birthday”. Pagbuklat ko ng taklob sa mesa, ayun may pansit bihon pala. Nagpaluto si Mama at naghanda sa Recto, para sa mga kaklase.

Maya-maya, dumating din si Rr. Binati ang sarili n’ya ng happy birthday. “May dala ako d’yan,” sabi ko. Nakikagat sa lumpiang shanghai bago pumuntang kusina. Ihinain ang pansit habhab. Kinain din naman kahit walang suka.

#