Friday, September 21, 2018

May Pukpok sa Bubong




Nagigising ako ng dalawang beses sa umaga: (1) kapag papasok na si Rr, ang ingay ng pagpapamadali kay Rr na maligo, magbihis, at kumain; (2) pagbalik ni Mama galing sa paghahatid kay Rr. Saka pa lang ako babangon para magkape.

Nagising ako sa pukpok ng martilyo sa yero. Ikalawang gising ko na. Bakit naman nasa bubong yata si Mama? Marami nang tulo-tulo ‘yung bubong namin. Damusak kapag tag-ulan. “Stars” ang tawag ng pamangkin ko. “Sabunin mo kasi Mader,” sabi ni Top-top sa lola n’ya nang mapansing makalawang na rin ang yero. Inaanay na ang mga hamba. Isang bagyo na lang. May darating pang #OmpongPH.

Bakit parang ang tagal naman ni Mama sa bubong? Kanina pa ‘yung pukpok nang pukpok. Baka si Tito Yuyon ang nasa bubong, pinakiusapan lang ni Mama, pero kakalabas lang nun sa ospital e. Pagbangon ko si Papa pala ang galing sa bubong. Naglaglagan ang mga inanay na bahagi ng kahoy. Nabawasan naman ang butas.

Pero bakit andito si Papa? May duty dapat ito sa Malarayat. Ang himala pa, nagwalis din ito ng harapan. Ang himala pa, nag-isod ng mga halaman para makasagap ng init. Ang himala pa, nagpaligo kay Tsaw-tsaw. Ang himala ng mga himala pa n’yan, nag-iwan ng P2.6K para kay Mama bago ito umalis.

Umulan na.

Makikita na natin ang pagbabago. Inabangan ko ‘yung dating tinutuluan, wala na nga. Pumunta ako sa sala para magbasa habang nagkakape. Nagulat ako dahil sa may pumatak na malamig. Hindi naman tumutulo dito dati. Lumipat lang pala ang mga pagtulo. Nabawasan naman kahit papano. Pero basa pa rin ang sahig. Itinaas ko na ang mga big boxes ko ng libro in case na bumaha ulit sa’min gaya noong bagyong Milenyo.

Pagdating ni Mama. Nalaman ko na wala na rin palang trabaho si Papa. Father and son na kami on that matter. Umalis lang pala ito kanina para magsabong at mag-inom. “Laklak” ang ginamit na salita ni Rr. Si Mama na lang ang may regular na kita sa’min. Nasa ilalim na kami ng food threshold at nasa gitna ng mataas na inflation.

“Ang tagal na nating hindi nakakatimpla ng juice,” sabi ko kay Mama. Yelo na lang ang afford namin. 

No comments: